Sa kanyang pagbisita sa Headquarters ng Northern Luzon Command sa Camp Aquino, pinangunahan ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Benjamin Madrigal ang paggawad ng pagkilala sa ilang kasundaluhan dahil sa matatagumpay na mga gampanin.(NOLCOM Public Information Office)
CAMP AQUINO, Lungsod ng Tarlac -- Binisita ni Chief of Staff General Benjamin Madrigal ang Headquarters ng Northern Luzon Command o Nolcom sa Camp Aquino upang suriin ang kampanya nito sa pagpapatupad ng misyon ng Armed Forces of the Philippines.
Sa isang maiksing pagpupulong, ipinakita ng Nolcom ang mga hakbangin at nagawa nito sa pagsulong ng kapayapaan at pag-unlad at pagharap sa mga lokal na banta ng komunista sa Northern at Central Luzon area.
Ayon kay Madrigal, malaki ang naging gampanin at kontribusyon ng Nolcom sa pagtataguyod ng kapayapaan, pagpapaunlad at pagpapanatili ng matatag na kaayusan sa seguridad ng nasasakupan nito.
Binigyang diin din niya ang importansya pangkalahatang kontribusyon upang wakasan ang mga lokal na insurhensya at pagtugon sa iba't ibang pag-aalala ng mga mamamayan na apektado ng insurhensya sa Rehiyon 1,2,3 at Cordillera.
Pinangunahan din ni Madrigal ang paggawad ng pagkilala sa ilang kasundaluhan dahil sa matatagumpay na mga gampanin.
Hinikayat din niya ang lahat ng mga kasundaluhan na patuloy na gawin at itaguyod ang misyon ng Sandatahang Lakas.
Nagpasalamat naman si Nolcom Commander Lieutenant General Emmanuel Salamat sa pagbisita ni Madrigal at nangakong patuloy na magsisikap na makamit ang misyon nito at isasagawa ang layunin na isulong ang kapayapaan at pag-unlad; pagtataguyod ng karapatan ng mamamayan; pagsupil sa lahat ng banta sa kapayapaan, pag-unlad, seguridad; at pagprotekta sa teritoryo ng bansa.
https://pia.gov.ph/news/articles/1018399
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.