Tuesday, January 15, 2019

Tagalog News: RYLS dinaluhan ng mga kabataan sa Mindanao

From the Philippine Information Agency (Jan 15, 2019): Tagalog News: RYLS dinaluhan ng mga kabataan sa Mindanao

 Featured Image


LUNGSOD NG BUTUAN - Isa si Chiary Balinan, 28 taong gulang mula sa Ata – Manobo Tribe sa Davao City at nagsisilbing sekretarya ng Mindanao Indigenous Peoples Youth Organization (MIPYO), ang dumalo sa isinagawang Regional Youth Leadership Summit sa lungsod ng Butuan kamakailan, at aktibong ibinahagi ang kanilang adbokasiya sa mga kabataan upang mapalayo sa impluwensya ng teroristang grupong New Peoples Army at makilahok ang mga ito sa mga aktibidad ng kani-kanilang komunidad.

Ayon kay Balinan, masaya siyang naibabahagi sa kapwa kabataan maging sa ibang sektor ang kanyang mga natututunan mula sa ibat-ibang seminars at trainings na kanyang nadadaluhan sa ibat-ibang rehiyon ng bansa sa tulong na rin ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Mahalaga umano ang partisipasyon ng mga kabataan sa pagresolba ng ibat-ibang isyung kinakaharap hindi lamang sa rehiyon kundi pati na ng bansa.

“Binuo namin ang organisasyong ito upang magsilbi kaming boses ng mga kabataan dahil kailangan ma-educate din sila, kagaya ng mga kasamahan naming former rebels na bumalik na sa gobyerno at sila’y mga youth. So isa ito sa gusto naming ipaabot sa lahat na walang maidudulot na maganda sa mga kabataan ang pagsali sa makakaliwang grupo,” sabi ni balinan.

Dagdag pa ni Balinan, malaking tulong ang naibigay ng philippine army kasama ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa mga IP youths sa patuloy na pagbibigay programa at serbisyo nito para sa kanilang sektor.

Sinabi naman ni Roberto Laurente Jr., presidente ng Propelling Our Inherited Nation Through Our Youth (POINTY) Incorporated, na ang summit ay isang paraan upang matipon ang mga kabataan at mahasa ang kagalingan sa ibat-ibang aspekto ng buhay.

Samantala, binigyang-diin naman ni Brigadier General Franco Nemesio Gacal, kumander ng 402nd Brigade, na maraming magagawa ang mga kabataan sa pagpapalaganap ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

“Parte ng aktibidad na ito ay ang pagsasagawa nila ng kanilang action plan hindi lamang para sa kani-kanilang probinsya, pati na rin sa Caraga region. Dito pag-usapan nila ang problema ng insurgency, problema ng drugs, problema ng environment at iba-ibang problema sa social issues. Hinahanda natin ang mga kabataang ito na maging mahuhusay na liders hindi lang sa kanilang probinsya pati na ng buong rehiyon,” sabi ni BGen. Gacal.

https://pia.gov.ph/news/articles/1017032

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.