Tuesday, January 15, 2019

Tagalog News: Dating miyembro ng NPA, isa nang aktibong miyembro ng youth org sa Caraga

From the Philippine Information Agency (Jan 15, 2019): Tagalog News: Dating miyembro ng NPA, isa nang aktibong miyembro ng youth org sa Caraga

Featured Image

LUNGSOD NG BUTUAN - Sa isinagawang Regional Youth Leadership Summit kamakailan dito sa lungsod, boluntaryong ibinahagi ni Roel Hayahay Gano o Datu Igtudan na tawag sa kanyang mga kasama sa Manobo Tribe na nakabase sa Agusan del Sur, ang kanyang kasalukuyang pamumuhay sa tribu taliwas noong nasa kilusan pa siya ng New Peoples Army (NPA).

Isa si Datu Igtudan sa 13 miyembro ng Mindanao Indigenous Peoples Youth Organization (MIPYO) na umiikot sa ibat-ibang rehiyon ng bansa para maipalaganap ang kanilang adbokasiya.

Ngayong nagbalik-loob na siya sa gobyerno, malaya na niyang nakakasama ang iba pa niyang mga ka-tribu sa mga dinadaluhang okasyon sa rehiyon at nakakapaglahok sa mga imbitasyon mula sa national government.

“Sa totoo lang, naging maayos na ang aking pamumuhay nang nagbalik-loob ako sa gobyerno. Nakakasama ko na ang aking mga ka-tribu sa mga meeting para may matutunan din sila. May malaking kaibahan talaga ang buhay ko noon sa bukid at buhay ko ngayon sa MIPYO,” sabi ni Datu Igtudan.

Ayon sa kanya, matagal na daw ginagamit ng NPA ang tribu upang masakop nila ang komunidad nito at magamit ang tribu sa pangingikil ng NPA sa kalapit na lugar, pagpatay ng mga inosenteng indibidwal at maging sa walang saysay na pagra-rally sa kalsada.

Sariwa pa umano sa kanyang alaala ang pang-aabusong ginagawa ng teroristang grupong NPA, maging ang pagkitil ng buhay ng NPA sa ilan niyang mga kamag-anak.

Magsilbing leksyon daw sa ibang kabataan ang kanyang masaklap na karanasan kasama ang mga NPA. May panawagan din siya sa lahat ng kabataan.

“Sa tingin ko, ang maitutulong ng grupo namin ay ang pagkumbinsi sa ibang tribu, yung nakapasok na sa NPA na magbalik-loob sa gobyerno at para naman sa hindi pa nakasama sa NPA ay dapat na mamuhay nang maayos,” dagdag ni Datu Igtudan.

Binigyang-diin din ni Datu Igtudan na malaking tulong sa kanila ang pinapatupad na Martial Law sa Mindanao dahil sa pinaigting na seguridad at proteksyon ng Philippine Army.

https://pia.gov.ph/news/articles/1017030

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.