Wednesday, October 24, 2018

CPP/NDF-Bikol: Hinggil sa masaker ng mga magsasaka sa Negros Occidental

NDF-Bikol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 23): Hinggil sa masaker ng mga magsasaka sa Negros Occidental

Maria Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol

October 23, 2018

Nakikibahagi ang NDF-Bikol sa pagluluksa ng buong bansa sa masaker ng siyam na manggagawang-bukid sa Negros noong isang araw, Oktubre 22. Ang pinangyarihan ng insidente ay lugar-bungkalan ng mga magsasakang Negrense. Ang mga lugar-bungkalan ay mga eryang ikinakampanya ng mga magsasakang matamnan at gawing produktibo sa harap ng kainutilan ng gubyernong harapin ang reporma sa lupa. Ang siyam ay pawang kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), isang pederasyon ng mga sakada at manggagawa sa mga asukarera na may mahaba nang kasaysayan sa pakikipaglaban sa pagsasamantala at karahasan ng sabwatang panginoong may-lupa at gubyerno sa mga magsasaka at manggagawa.

Malinaw na ang mga bayarang nakabonet na mamamatay-tao ng estado ang salarin sa karumal-dumal na masaker. Malinaw na may kinalaman sa tahasang pamamaslang ang PNP-Negros Occidental na kagyat nag-akusa na NPA ang may kagagawan ng krimen. Napakahaba na ng listahan ng mga kahalintulad na krimen laban sa masang anakpawis na ang tanging hangad ay makamit ang kanilang mga karapatan sa maayos na pamumuhay at seguridad sa pagkain. Nitong 2016, karahasan din ang sumalubong sa mga magsasaka ng Kidapawan City sa Mindanao na noon ay nagpoprotesta sa kawalan ng suporta ng gubyerno matapos maapektuhan ng El Nino ang kanilang mga sakahan. Dalawang magsasaka ang namatay habang marami ang sugatan, kabilang ang isang buntis, sa kamay ng kapulisan at militar.

Noong Nobyembre 16, 2004, dinilig ng dugo ang 6,435 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa Tarlac. Walang habas na pinagbabaril ng magkakumbinang pwersa ng militar, kapulisan at mga pribadong gwardya ang mga magsasakang nagprotesta at nagpiket para sa makatarungang panawagang ibalik ang lupa sa kanila. Pito ang pinatay habang 121 naman ang sugatan sa masaker. Sa mga sumunod na linggo, walong tagasuporta ng mga magsasaka pa ang pinaslang: sina Bishop Alberto Ramento, dating supreme bishop ng Iglesia Filipina Independiente; Fr. William Tadena; konsehal ng Tarlac City Abel Ladera; presidente ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union at apat pang lider-masa.

Higit na papasahol pa ang kriminal na rekord ng rehimeng Duterte laban sa mga magsasaka at manggagawang bukid dulot ng mga neoliberal na patakaran ng pangangamkam ng lupa at pagbansot ng agrikultura para sa interes ng lokal na naghaharing-uri at ng Imperyalistang US.

Sadyang marahas ang saligang katangian ng estado bilang tagapagtaguyod ng naghaharing-uri. Walang ibang papel ang mga reaksyunaryong gubyerno kundi panatilihin ang sistemang panlipunang magsisilbi sa pagsipsip ng lakas-paggawa at pagkakamal ng labis na tubo ng mga panginoong may-lupa at malalaking burgesya komprador. Ang lahat ng instrumento ng estado – mula lehislatura hanggang sa sandatahang lakas nito ay nagsisilbi sa ganitong layunin.

Protesta sa lansangan, lobbying sa kongreso, kampanyang bungkalan sa mga sakahan, pagtutulak ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) sa usapang pangkapayapaan ñ ang lahat ng iyan, at marami pang iba, ay ginagawa ng mga magsasaka at ng sambayanan upang dinggin ng gubyerno ang kanilang mga makatarungang panawagan. Ngunit ano ang tugon ng gubyerno sa mapayapang paglaban ng mamamayan? Bala at karahasan. Anoít hindi mag-aalsa at tatahak sa landas ng armadong pakikibaka ang sambayanang habang nalulunod sa kasalatan ay papatayin ng marahas na estadong naglilingkod sa interes ng mapagsamantalang uri?

Higit na binibigyang-linaw ng mga ganitong krimen laban sa masa ang dahilan kung bakit tumatangan ng armas ang sambayanan. Madali para sa mga propesyunal at ilang mga petiburges sabihing madadaan sa mapayapang usapan ang suliranin ng bansa. Ngunit para sa mga magsasakang ilang siglo nang pinagkaitan ng lupa at dinarahas sa tuwing ipinapanawagan ang kanilang mga karapatan, walang ibang masasandigan kundi ang armadong pakikibaka. Makatwiran at makatarungan ang pag-aarmas ng mamamayan at pagsusulong ng digmang bayan dahil layunin nitong wakasan ang marahas na paghahari ng iilan.

Ang pinakamataas na parangal na kikilala sa lahat ng buhay na ibinuwis para sa karapatang magbungkal sa lupa ay ang pagpapatuloy ng labang sinimulan. Marapat na pagtibayin ng mga anakpawis ang kanilang hanay sa buong bansa at mapagpasyang baklasin ang kaayusang ilang salinlahi nang pinakinabangan ng mga panginoong may-lupa. Dapat labanan ang mga patakarang neoliberal na lalong nagpapahigpit sa kadenang sumasakal sa mga magsasaka. Walang aasahang katarungan mula sa isang gubyernong kuta ng mga burukrata kapitalista at panginoong may-lupa. Dapat manindigan ang bawat magsasaka sa lakas ng uring anakpawis at pangatawanan ang dakilang tungkuling likhain ang kasaysayan.

Hindi mapatatahimik ng punglo ng pasistang rehimen ang sigaw ng mamamayan para sa karapatan sa lupa at tunay na panlipunang pagbabago. Walang makapipigil sa pagliyab ng kaparangan sa apoy ng digmaan at sa pagbawi ng anakpawis sa karapatang magbungkal ng sariling lupa ñ lupang sumalubong sa mga nabuwal na kasamahan at lupang patuloy na kakanlong sa daluyong ng rebolusyon.

HUSTISYA SA MGA BIKTIMA NG NEGROS MASAKER!
IPAGLABAN ANG TUNAY NA REPORMA SA LUPA!
INUTANG NA DUGO NG PASISTANG REHIMEN, SINGILIN AT PAGBAYARIN!
MAGSASAKA, SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN! ISULONG ANG DIGMANG BAYAN!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.