Sunday, September 2, 2018

NDF/NPA-Panay: Pahayag ng PRO-6 sa CDX ng NPA , Kasinungalingan

NPA-Panay propaganda statement posted to the National Democratic Front of the Philippines Website (Aug 26): Pahayag ng PRO-6 sa CDX ng NPA , Kasinungalingan

Pahayag sa Midya
Agosto 26, 2018



Matagumpay na naidepensa ng isang tim ng NPA sa ilalim ng Naploeon Tumagtang Command ang kanilang sarili laban sa isang platun ng 601st RMFC-PNP na nagsagawa ng combat patrol sa Brgy Carolina, Leon, Iloilo noong umaga ng Agosto 24, 2018. Pinasabugan ng NPA ng isang command-detonated explosive (cdx) ang mga kaaway habang lumalapit sa kanilang posisyon, na nagresulta sa pagkasugat ng 3 pulis kabilang ang kanilang CO na si CInsp Abner Jordan. Ligtas na nakaatras mula sa kanilang posisyon ang mga Pulang mandirigma pagkatapos ng iilang minutong pagpapaputok ng kaaway.

Pagkatapos ng insidente, napakabilis na naglabas ng pahayag sa media si Supt Bulalacao ng PRO6 na ‘kumukundina’ sa NPA dahil sa paggamit diumano ng landmine na ipinagbabawal sa Ottawa Treaty, isang internasyonal na kasunduan na nagbabawal sa paggamit ng landmine. Sadyang hindi binanggit ni Bulalacao kung ano ang partikular na probisyon ng kasunduan ang nilabag ng NPA dahil mabubunyag ang kanyang pagsisinungaling.

Matagal nang inilinaw ng NPA na ang ginagamit nito ay isang eksplosibo na command-detonated o sumasabog lamang kung gugustuhin ng operator o blaster. Ibig sabihin, mapipili niya sino ang target na pasasabugan at kailan ito pasasabugin. Naiiba ito sa mga landmine na gawa ng mga imperyalistang bansa at mapaniil na mga estado na sumasabog kapag naaapakan o nadadaganan ng isang bagay, at siyang ipinagbabawal ng Ottawa Treaty dahil sa matindi at malawakan na pinsala nito sa mga inosenteng sibilyan. Ang CDX na ginagamit ng NPA ay hindi kalakip sa ipinagbabawal na tipo ng landmine.

Marahil sa mahabang karanasan ni Bulalacao bilang tagapagsalita ng buong PNP, nabihasa na talaga siya sa pambabaluktot ng katotohanan at pagpapakalat ng fake news. Matatandaan na noong kararating lang dito sa Panay, kaagad na ipinagmayabang nya sa local media ang pagkakahuli ng di-umanoy mataas na lider ng NPA na si Ma.Teresa Cabales na kalauna’y napatunayan na isang istap ng progresibong grupo at biktima lamang ng gawa-gawang kaso ng PNP-CIDG. At matapos ang masaker sa mga di-armadong istap ng NDF-Panay at kasamahan nito sa Antique noong Agosto 15, 2018 na isinagawa ng pinagsanib na mga mersenaryong tropa ng PNP at AFP, si Bulalacao din ang isa sa mataas na opisyal na masigasig na nagpakalat ng fake news na diumano ang nangyari ay isang lehitimong engkwentro, at pilit pinagtakpan ang isang malubhang paglabag ng PNP at AFP sa CARHRIHL. Para kay Bulalacao at mga katapat nya sa AFP, ang mga internasyonal na makataong batas at kasunduan hinggil sa digma ay magagamit lamang laban sa rebolusyonaryong kilusan, at exempted dito ang PNP at AFP. Kaya dinedepensahan at pinupuri pa nya ang pagmasaker sa 7 di-armadong Kasama, samantalang kinukundena ang paglaban ng NPA gamit ang CDX laban sa armadong tropa ng PNP. Sang-ayon talaga ito sa pag-iisip at asta ng kanilang hepeng kumander ngayon na si Duterte.

Ang hayagan na paghamak sa karapatang pantao at mga internasyonal na makataong batas ng matataas na opisyal ng PNP at AFP ay lalo pang magpapalubha ng mga kaso ng paglabag nito ng kanilang mga tropa, lalo na laban sa mga mahihirap na mamamayan. Dahil dito, kailangan mas pahigpitin pa ng mga mamamayan ang pagkakaisa para protektahan ang kanilang mga karapatan at labanan sa ibat-ibang pamamaraan ang tumitinding pasismo ng rehimeng US-Duterte.

Ka Julio Montana
Tagapagsalita
Coronacion “Walingwaling” Chiva Command
NPA-Panay

https://www.ndfp.org/pahayag-ng-pro-6-sa-cdx-ng-npa-kasinungalingan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.