NPA-Sorsogon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 19): “Localized Peace Talks” ng Rehimeng US-Duterte, tinutulan at kinundena ng Celso Minguez Command
Ka Samuel Guerrero, Spokesperson
NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command)
18 July 2018
Press Release
Mariing tinututulan at kinukundena ng Celso Minguez Command ang mapanlinlang na alok ng “localized peace talks” ng pasista at pahirap na rehimeng US-Duterte nitong nakaraang petsa 13 ng Hulyo.
Isa itong mapanghating taktika ng mapanlinlang na rehimeng US-Duterte. Nililito nito ang tao sa tunay na pakay ni Duterte at kanyang Armed Forces of the Philippines (AFP) na itulak ang mga nasa lokal na rebolusyonaryong pwersa na pumasok sa kanilang mga pakana at pagpapasuko.
Wala itong balak na harapin ang pagsasaayos, pagpipinal at pagpirma sa Kumprehensibong Kasunduan para sa Panlipunan at pang-Ekonomyang Reporma o CASER kung saan ipagtitibay sana ng magkabilang panig ng GRP at NDFP ang usapin na pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon.
Ang layunin ng pagkakaroon ng usapang pangkapayapaan ay upang malutas ang mayor na suliranin ng mamamayang Pilipino tungkol sa lupa. Ang pagtibay sana sa CASER ang isang hakbang upang malutas ang dahilan kung bakit may armadong tunggalian sa kasalukuyan. Ngunit dahil hindi ito kayang harapin ng pahirap na rehimeng US-Duterte na mas nais ipatupad ang mga neoliberal na patakaran ng imperyalista nitong amo ay aatrasan na lang niya ang pagtalikod sa pambansang usapang pangkapayapaan at pagsusulong ng mapanghating localized peace talks.
Ang panawagan para sa isang “localized peace talks” ay paulit-ulit nang ipinilit ng mga nagdaang rehimen sa mamamayang Sorsoganon. Kailanman ay hindi ito tinanggap at paulit-ulit na rin itong itinatwa ng CMC at ng mga Sorsoganon. Pagpapatunay ito na hindi malilinlang ni Duterte at kanyang mga armadong pwersa sa panibago nitong pagpapanggap na para ito sa kapayapaan samantalang nagpapatuloy ang mga operasyong militar na nagdadala ng mga pananakot, pananakit at pamamaslang sa mga Sorsoganon.
Wala itong kahihinatnan at hindi ito magtatagumpay. Hindi dito papasok ang Celso Minguez Command kasabay ng iba pang mga Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa buong Pilipinas.
Nirerespeto ng CMC na ang marapat na kinatawan ng CPP-NPA-NDF sa usapang pangkapayapaan ay ang NDFP at ito lamang ang may awtoridad na magsagawa ng anumang kasunduan sa GRP para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino. Kinikilala din ng CMC ang lahat ng kasunduan at balangkas na pinirmahan ng NDFP at GRP bilang gabay sa pagsasagawa ng usapang pangkapayapaan.
Naniniwala ang CMC na ang papel BHB ay ang pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagtatanggol sa mga mamamayang inaapi at lumalaban para makamit ang hustisyang panlipunan. Sa patuloy na paghadlang ng pasista at pahirap na rehimeng US-Duterte sa pagtugon sa panlipunan at pang-ekonomiyang pangangailangan ng mamamayan ay makatitiyak din ang mamamayang Sorsoganon na magpapatuloy din ang armadong pakikibaka upang matiyak ang pagkamit sa rebolusyonaryong mithiing ito ng mamamayan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.