NPA-Laguna propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 20): Biguin ang inilalakong mapanlinlang na localized peace talks ng rehimeng US-Duterte!
Magdalena Kalayaan, Spokesperson
NPA-Laguna
20 July 2018
Press Release
Matatag na naninindigan ang mga yunit sa ilalim ng Cesar Batralo Command-NPA Laguna na walang sinumang bahagi nito ang lalahok sa mapanlinlang na localized peace talks ng rehimeng US-Duterte. Naninindigan din ang buong NPA Laguna na tanging ang NDFP lamang ang lehitimong kinatawan ng CPP-NPA para lumahok sa peace talks. Simula’t sapul, ang National Democratic Front of the Philippines ay pinagtitiwalaan ng buong rebolusyonaryong hanay sa lalawigan sa pagsusulong ng tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.
Kasabay nito, mariiing kinukundena ng CBC-NPA Laguna ang rehimeng US-Duterte kasabwat ang AFP-PNP at mga militaristang alipures nito sa panlilinlang sa mamamayan at mga paninira sa rebolusyonaryong kilusan laluna sa NDFP at kay Kasamang Jose Maria Sison. Samantalang mahusay na iginiya ni Kasamang Joma ang NDFP negotiating panel at buong rebolusyonaryong pwersa kaisa ang pamunuan ng Partido sa pakikitungo sa rehimeng US-Duterte.
Mula nang muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng magkabilang-panig, kinatawan ng NDFP ang interes at hinaing ng sambayanang Pilipino. Para higit itong magpatuloy, iniatas ng CPP sa lahat ng komand ng NPA sa buong bansa na buuin ang paborableng kondisyon para sa usapan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng unilateral na tigil-putukan (Agosto 2016- Pebrero 2017) at ang paghahanda sa stand down nitong Hunyo ng kasalukuyang taon. Matatag, disiplinado, at buong-pagtitimping tumalima dito ang mga yunit sa ilalim ng NPA Laguna sa kabila ng mga probokasyon at pang-uupat ng mga yunit ng AFP-PNP sa probinsya.
Hindi reresolbahin ng localized peace talks ang daan-taong suliranin ng sambayanang Pilipino. Ang pagtanggi ng rehimeng US-Duterte na makipag-usap sa NDFP bilang lehitimong kinatawan ng itinatatag na rebolusyonaryong gobyerno sa kanayunan ay pagtalikod nya rin sa malaon nang kahilingan ng mamamayang wakasan ang kahirapan at kamtin ang tunay na kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Ang pakanang bitag ng mga militaristang nakapalibot kay Duterte at ng imperyalismong US ang lalong naglalantad sa rehimen bilang anti-mamamayan at anti-kapayapaan. Tiyak na gagawin lamang itong malaking palabigasan ng AFP, PNP at DILG.
Makakaasa ang mamamayan ng Laguna na bibiguin ito ng kanilang NPA at sa halip ay magpupunyagi ang kanilang Hukbo na isulong ang digmang bayan para kamtin ang mithiin at interes ng taumbayan. Nananawagan ang CBC-NPA Laguna sa mamamayan ng lalawigan na itakwil ang mapanlinlang na pakanang ito ng rehimen.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.