Kabataan Makabayan (KM)-Ilocos propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 26): Digmang bayan ang tatapos sa mga retorika ni Duterte
Ka Karlo Agbannuag, Spokesperson
KM Ilocos Region (Region I)
26 July 2018
Gamit ang mga mapalamuting mga salita, inihayag muli ni Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang katotohanang para sa oligarkiya, naghaharing uri, panginoong maylupa, at imperyalistang US at China ang kanyang gobyerno at pamumuno.
Walang makabuluhang tugon si Duterte sa mga lehitimong isyung bumabayo sa buong bayan. Blangko ang SONA nito sa mga materyal na batayan ng kanyang mga pangako at mga kongkretong hakbangin upang maabot ang mga ito. Habang wala itong kaimik-imik hinggil sa mga isyu ng kontraktwalisasyon at pagmaniobra sa pagpapatupad ng libreng edukasyon at malawak na kawalang trabaho ng mga nagtapos ng K12, hibang na hibang at buong yabang naman ito sa pagpapahayag na ipagpapatuloy pa nito ang kontra-mahirap na War on Drugs, dagdag buwis na batas na TRAIN, at pagpapahalaga umano sa “human lives” kaysa “human rights” na nangangahulugan lamang na mas ibayo at masidhi pang paglapastangan sa karapatang pantao ng mamamayan.
Isinantabi rin ng SONA ni Duterte ang usapang pangkapayapaan. Wala itong kongkretong plano para ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon samantalang ang dalawang ito ang ubod ng kinansela nyang usapan sa CPP-NPA-NDF.
Hinggil sa pagiging bagong ispiker ng kamara ni GMA
Ang pagpapatalsik kay dating ispiker Pantaleon Alvarez at ang pagkakatalaga ni Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong ispiker ng kamara de representante ay patunay ng lumalalim na bitak sa hanay ng naghaharing pangkatin at lumalalang kalagayang panlipunan.
Hindi na nakapagtataka na nakabalik muli sa kapangyarihan si GMA. Garapal na opurtunista si Duterte. Bahagi ito ng engrandeng plano ni Duterte na konsolidahin ang pinakamalawak na alyansang pampulitika para sa sarili nitong kapakinabangan. Mapagpasya ang papel ni GMA para makuha ni Duterte ang suporta ng mga kroni ni Arroyo at ng malaking bloke nito sa Korte Suprema. Maliban pa na ang mga pinakamasusugid na asong-ulol ni GMA ay nakapwesto na sa mga susing posisyon sa gobyerno tulad na lamang ni National Security Adviser Hermogenes Esperon. Suportado rin ng mga Marcos at mga alipures nito si GMA.
Ang pagsasama-sama nila Duterte, Arroyo, at Marcos ang materyal na patunay ng pagkatawan ng rehimen sa pinakamasahol na simbolo ng pagiging papet, pasista, at pahirap sa bayan. Sa ilalim ng buhong na alyansang ito, tiyak na mas ibayong lalala pa ang kalagayang nagpapahirap sa malawak na sambayanan. Tiyak na titindi ang pandarambong ng mga burukrata-kapitalista, masidhing utang panlabas, pagpiga ng dagdag na buwis, at ibayong pagkaltas sa serbisyong panlipunan.
Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan(KM)- Rehiyon ng Ilocos ang lahat ng mamamayang sumuong sa malalakas na ulan at mga bagyo upang kalampagin ng protesta ang rehimeng US-Duterte sa mismong araw ng kanyang SONA.
Partikular sa rehiyon, pinagpupugayan ng KM ang mga mamamayang buong tapang na hinarap ang mga pananakot at tangkang pagpigil ng PNP sa mga delegado ng kilos-protesta sa pamamagitan ng mga magkakasunod na checkpoint at pagpapakawala ng mga ahente sa intelidyens na nangunguha ng larawan ng mga delegado.
Ang nilalaman at mga naganap sa ikatlong SONA ni Duterte ang mas higit na naglinaw na walang ibang epektibong paraan upang kamtin ang pagbabagong panlipunan kundi sa pagtahak lamang sa armadong pakikipaglaban at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.
Madilim ang kinabukasan ng mamamayan at kabataan sa ilalim ng rehimeng Duterte na kumukupkop sa mga magnanakaw at mamamatay-taong tulad ng mga Marcos at Arroyo. Sila ang maka-uring kinatawan ng malalaking asyendero at burgesya kumprador na nakasalig sa pasismo sa mamamayan.
Hungkag ang mga retorika ni Duterte hinggil sa pagbabago. Walang ibang daang pagpipilian ang mga kabataan at mamamayan kundi ang landas ng paglaban. Dapat nang ibagsak at wakasan ang papet, pasista, at pahirap na rehimeng US-Duterte!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.