Sunday, August 6, 2017

CPP/NPA-Sorsogan: Pinakamataas na Pagpupugay kay Andres “Ka Magno” Hubilla, Rebolusyonaryong Lider ng Mamamayang Sorsoganon at Martir ng Sambayanan

NPA-Sorsogan propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 5): Pinakamataas na Pagpupugay kay Andres “Ka Magno” Hubilla, Rebolusyonaryong Lider ng Mamamayang Sorsoganon at Martir ng Sambayanan



Ka Samuel Guerrero, Spokesperson
NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command)

5 August 2017
Press Release

Pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front sa probinsya ng Sorsogon, kasabay ang mamamayang Sorsoganon, sa dakilang buhay ni Andres “Ka Magno” Hubilla. Inialay ni Ka Magno ang kanyang lakas, husay at talino para isulong ang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan na makamit ang isang lipunang tunay na malaya, makatarungan at maunlad.

Si Ka Magno ay pinaslang ng pasistang kaaway sa Sityo Kanggutan, Brgy. Trece Martirez, Casiguran, Sorsogon noong Hulyo 28, 2017. Si Ka Magno ay wala sa kakayahang lumaban nang mahuli at isalbeyds ng mga elemento ng MICO, 31st IBPA, SPPSC ng PNP-Sorsogon at iba pang yunits sa ilalim ng 903rd Bde PA. Kasabay na pinaslang sa nasabing kubkob ang ka-buddy niyang mandirigma na si Miguel “Ka Billy” Himor at dalawang sibilyang mangingisda na sina Dick Laura at Arnel Borres. Muling ipinakita ng pasistang kaaway ang uhaw-sa-dugo at mala-halimaw nitong katangian laban sa mga kasama at masa sa panibagong dagdag nilang rekord sa paglabag sa internasyunal na makataong batas at karapatang-pantao.

Si Ka Magno bilang rebolusyonaryo ay tunay na larawan ng katatagan sa gitna ng mga kahirapan at sakripisyo. Ni minsan ay hindi siya kakikitaan ng panghihina. Puspusang rebolusyonaryo at walang-humpay ang dedikasyon niya sa pagrerebolusyon. Ito rin ang dahilan kung bakit matagal na siyang tinarget ng mga operasyon ng kaaway pati ng kanilang mga gawa-gawang paninira, pang-iintriga at maitim na propaganda o psywar sa layuning siraan si Ka Magno. Talagang hangin ang laman ng ulo at utak-pulbura ang pasistang kaaway sa paniniwalang magagamit nila ang paninira sa ilang piling lider ng rebolusyonaryong kilusan upang ito ay magapi. Ang mamamayang lumalaban at kaisa ni Ka Magno sa pagrerebolusyon ay mulat na umaanib sa rebolusyonaryong kilusan, kaakibat na ang pagtanggap sa mga sakripisyo at panganib kaya’t ni minsan ay di sila magpapalinlang sa kasinungalingan ng kaaway.

Laging nakatanaw ang isip ni Ka Magno sa maka-prinsipyong pagharap sa iba’t-ibang suliraning pang-organisasyon. Nahugis ang kalakasan niyang ito, sa dami ng nilagpasan niyang kahirapan at sakripisyo na normal na bahagi ng buhay-rebolusyonaryo at ng mga nagmula sa uring anakpawis. Labing-pitong taong gulang lamang siya at nag-aaral ng hayskul sa Del Carmen High School nang hulihin at ikulong sa loob ng dalawang buwan noong 1975, panahon ng martial law ng diktador na si Marcos. Pinaghinalaan lamang siya noon na kasapi ng NPA. Labis na tortyur ang dinanas niya bago palayain. Noong 1987 naman, ilang buwan pa lamang pagkatapos na sumampa sa NPA, nang mahuli at makulong siyang muli. Buo ang loob, nakatakas siya sa kulungan pagkalipas ng 11 araw na pagkakakulong at muling bumalik sa mga kasama. Pagkatapos nito, dalawang beses pa siyang nahuli at kinulong, una noong 2008 at huli noong 2015.

Napakataas ng pagpapahalaga ni Ka Magno sa kanyang tungkulin at responsabilidad. Laging niyang inuuna ang kanyang tungkulin kahit na mayroon din siyang mga personal na problemang bagahe. Isa sa mga kahinaan niya ang makalimot sa pagtatasa ng seguridad o maging kampante laluna kapag maraming trabahong tinatapos. May bigat at dating ang bawat sabihin niya sa kolektibong kanyang pinamumunuan at sa iba pang mga kasama dahil naka-asinta ang kanyang pag-iisip sa pagkamit ng mga gawain anuman ang mga balakid. Napakataas ng entusiasmo niya sa gawain at pagtanaw sa hinaharap ng rebolusyon. Ika nga ng mga kasama, “hyperactive”, walang-kapaguran at laging excited simulan at pamunuan ang mga trabaho ni Ka Magno. Hindi man lamang siya mariringgan ng reklamo kahit sa mga panahong mahahaba at nakakapagod ang mga lakaran sa kabila ng humihina na rin niyang katawan dala ng pagkakaedad. Lagi siyang nakasipat sa pagkakamit ng mga layunin ng bawat gawain niya at ng lahat ng iba pang gawaing pinamumunuan niya.

Isang tunay na lider si Ka Magno mula noong kabataan niya. Naging SK Chairman siya sa Sta Cruz noong 1976 at opisyal sa Student Council sa Annunciation College-Sorsogon (The Lewis College na ngayon) bago siya grumadweyt ng BSEd –Secondary Education. Nakapagtapos siya ng kolehiyo noong 1984 sa pamamagitan ng sariling pagsisikap dahil hindi siya kayang pag-aralin ng mga magulang na mga maralitang magsasaka at nakikisaka lamang sa lupa ng among PML. Para tustusan ang kanyang pag-aaral, namasukan siya bilang houseboy at utusan sa bahay ng isang prominenteng pamilyang PML-MBK sa Sorsogon.

Gagap ni Ka Magno na ang rebolusyon ay kolektibong pagbangon ng sambayanan at ang digmaang kanyang pinamumunuan ay isang digmang bayan. Kaya naman, pinahahalagahan niya ng papel ng bawat isa at trabahong kayang iambag ng bawat kasama, malaki man o maliit. Sa mga kasama, bukas ang pag-iisip at laging maunawain sa mga kahinaan ng iba at mahusay ang pakikitungo sa kanyang mga pinamumunuan. Mapagkumbaba rin si Ka Magno, nakikipagbiruan at nakikipagtawanan hanggang sa mga mandirigmang baguhan at mga masa. Sa pamumuno niya, maraming panggitnang pwersa ang namulat at napakilos sa pagrerebolusyon. Personal din niyang inaalalayan ang pangangalaga at paggabay sa mga kapamilya ng mga kasama.

Lahat ng kasamang nakatrabaho niya ay itinuturing din siya bilang “guro” dahil lagi siyang gumagabay sa kanila. Siya ay magaling na instruktor at naging bahagi ng istap sa instruksyon ng mga komite ng Partido na kinabilangan niya. Iniwan ni Ka Magno ang propesyon niya bilang titser sa Annunciation High School sa Bacon, Sorsogon nang siya ay sumampa sa NPA noong 1987 upang maging guro ng rebolusyon at ang buong lipunan ang kanyang naging paaralan. Dahil magaling manalita, epektibong propagandista din si Ka Magno.

Sa masa na kanyang pinaglingkuran, itinuring siyang si “Pay” na laging maaalalahanin sa kanilang kapakanan kaya’t lagi siyang nilalapitan upang sumangguni ukol sa kanilang mga problema. Mataas ang respeto nila sa kanyang mga salita. Mabait siya, mapagbigay laluna sa mga bata at maliliit na paslit na magiliw siyang itinuring bilang “Lolo Pay”. Ang mga kamag-anakan naman ni Ka Magno ay buong pagmamalaki sa kanyang pagiging rebolusyonaryong lider. Sa pagkatagal-tagal ng panahong hindi siya nakasama ng kanyang mga kamag-anak, naaalala pa rin nilang napakasimpleng tao si Ka Magno na ang paboritong pagkain ay gulay na gabi (o ‘aba’) na walang sili. Siya ay nagmula sa Brgy. Sta Cruz, Casiguran at sa mga pamilyang purong-Casiguranon. Ipinanganak noong Nobyembre 30, 1958, kaya ipinangalan siya sa dakilang bayaning si Andres Bonifacio na tulad niya ay naniwala sa superyoridad ng pagtangan ng armas bilang tanging paraan upang lumaya sa pagkaalipin.

Sa gitna ng kanyang pagkawala, ating gunitain ang maniningning na alaala ni Kasamang Magno, Carlo, Bunso o simpleng si ‘Pay’. Mananatiling inspirasyon ang kanyang kabayanihan ng mamamayang Sorsoganon upang lumaban at humawak ng armas para maglingkod sa sambayanan. Isang tunay na lider ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan si Ka Magno.

Taas-kamaong Pagpupugay Ka Magno! Pamarisan ang kanyang dakilang buhay-rebolusyonaryo!
Isulong ang digmang bayan!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.