NPA propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 15):
Pagpupugay kay Leonardo “Ka Zola” Manahan
NPA-Ifugao (Nona Del Rosario Command)
15 April 2017
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng NDRC-NPA kay LEONARDO ‘Ka Zola’ MANAHAN na namatay noong 14 April, sa edad na 48 taon, nang dahil sa malubhang pagkakasakit. Si Ka Zola ay nirerespeto bilang isang namumunong kadre ng Partido at magiting na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Nakilala siya sa mga alyas na Ka Nante, Ka Ugis, at Ka Emil, sa panahong nanilbihan siya sa iba’t-ibang larangang gerilya ng Ilocos-Cordillera.
Si Ka Zola ay nagmula sa uring peti-burgesya. Lumaki siya sa piling ng kanyang mahal na lola habang ang kanyang nanay ay namasukan bilang katulong at iba pa para buhayin siya. Namasukan din si Ka Zola sa iba’t ibang trabaho para makapag-aral ng kolehiyo sa University of the East (UE) sa Maynila.
Siya ay naorganisa sa hanay ng Kabataang-Estudyante. Naging mahusay siyang lider-masa at propagandista sa loob ng League of Filipino Students(LFS) at College Editors’Guild of the Philippines(CEGP). Gumampan siya bilang kalihim ng seksyon sa Polytechnic University of the Philippines(PUP) at kasapi ng Pambansang Kawanihan ng Kabataan at Estudyante. Dito siya nakilala bilang ‘Tolayts’ at ‘Dario’.
Taong 2003 nang sumampa si Ka Zola sa Bagong Hukbong Bayan sa larangan ng North Ilocos Sur- South Ilocos Norte-Western Abra. Nahuli siya sa labanan at ikinulong ng kaaway noong 2005 pero nanatiling matatag ang kanyang paninindigang magrebolusyon. Pagkalaya sa kulungan, nailipat si Ka Zola sa Western Mountain Province kung saan may panahong namuno siya bilang Kalihim ng Komite ng larangan.
Noong 2010-2016 ay naging Kagawad siya ng Komiteng namumuno sa Sub-Rehiyong kinapalooban ng Western Mountain Province, at siya ang itinalaga ng Komite na maging Political Officer ng yunit ng NPA na nagsisilbing Sentro de Grabidad ng Sub-Rehiyon. Mula 2013 hanggang sa pagkamatay niya ay nanilbihan din si Ka Zola bilang miyembro ng Komiteng Rehiyon, at nitong huling bahagi ng 2016, siya ang itinalaga ng Komite na maging Kalihim ng Larangan sa Ifugao.
Maaalala ng mga kasama si Ka Zola bilang kasamang laging handang magpaliwanag ng mga prinsipyo at konsepto. Ikinalulugod ng mga kasama ang kanyang mga kwento ng iba’t-ibang mga karanasan mula sa pagkilos niya sa urban hanggang sa iba’t-ibang sonang gerilya. Damang-dama ng bawat elemento ang kanyang pagmamalasakit sa kanila-lagi siyang handang magpayo, makipagkuwentuhan at makipagbiruan. Aktibo din siya sa gawaing pangkultura lalo na sa pagpapalaganap ng mga rebolusyunaryong kanta.
Kaya niyang umangkop sa estilo at katangian ng iba’t-ibang kasama para mahikayat silang magbukas ng kanilang mga iniisip at binabagahe. Ganun din namang magiliw siya sa pakikitungo sa masa. Lagi siyang aktibo sa pakikipagtalastasan, pagpopropaganda at ahitasyon sa kanila.
Magiit makipagtunggalian si Ka Zola, tumataas at madiin ang boses na animo’y nasa debating club siya. Pero ito ay dahil sa kanyang kagustuhang matalas na matukoy ang tamang linya o maabot ang tamang pagsusuri. Minsan din ay mabigat siyang mamuna dahil gusto niyang ipatimo sa mga kasama ang kanilang pagkakamali.
Kahanga-hanga ang katangian ni Ka Zola na magpursige sa pagrerebolusyon at sa armadong pakikibaka kahit pa man nangahulugan ito ng maraming sakripisyo: bihira niyang makapiling ang mga mahal sa buhay, matagal din niyang pinagtiyagaang bawiin ang lakas ng braso niyang natamaan sa labanan, pinagtiisan niya ang ma-opera para sa luslos na nakuha din niya sa pagiging hukbo. Hindi niya iniinda ang hirap ng paglalakad kahit pa sinumpong siya ng gout. Nakakahawa ang positibong aktitud ng kasama maski sa mga gawaing teknikal.
Huwaran at hamon ang buhay ni Ka Zola sa atin, lalo na sa kabataan, na ialay ang sarili sa armadong pakikibaka. Inspirasyon siya ng lahat ng hukbo at rebolusyunaryo na magpanatili at magpakahusay pa.
Hindi na natin maririnig pang muli ang pag-awit at paggitara ni Ka Zola. Wala na siyang maidadagdag pa sa mga dati niyang pagbabalita, pangaral, kwento, kantiyaw, at biro sa atin. Pero ang ipinundar niya sa rebolusyon ay mananatili, lalakas at lalawak pa sa patuloy na pagkilos at pag-aarmas ng bawat hukbo at masang lumalaban.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.