Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 12):
Itinanghal ni Ka Ash ang kanyang sarili sa entablado ng Digmang Bayan!
Nika Antares, Spokesperson
ARMAS Southern Tagalog
12 March 2017
Pinakamataas na pagpupugay at parangal ang iginagawad ng Artista at Manunulat ng Sambayanan- Balangay Raquel Aumentado – Timog Katagalugan sa kabayanihan ng mga kasamang sina Felicardo “Ka Japson/Jelmon”, Jeramie “Ka Ash” Garcia, Paul “Ka Arki/Ka Junpio“ Aringo at Jomar “Ka Roro” Resureccion sa magiting na pag-aalay ng kanilang buhay para sa Rebolusyon at paglilingkod sa Sambayanan!
Tunay na inspirasyon si Ka Ash bilang isang kabataan, manggagawang pangkultura at pulang mandirigma .Pinili niya ang landas ng pagrerebolusyon at itinanghal ang kanyang sarili sa entablado ng Digmang Bayan upang pagsilbihan ang uring anakpawis na malaon nang pinagsasamantalahan at inaapi.
Ipinanganak si Ka Ash noong Hulyo 29, 1998 na nagmula sa probinsya ng Laguna. Lumaki siya sa kawalan ng serbisyong natatanggap mula sa gobyerno at maagang namulat sa katotohanan ng lipunan dahil sa matinding kahirapan sa buhay.
Taong 2010, nakaranas ng banta ng demolisyon ang kanilang komunidad na nasa tabing riles. Nakita niya ang pangangailangan ng isang samahang mapagkakaisa ang buong komunidad sa iisang paninindigan upang labanan ang anumang pangsasamantala. Sa ganitong diwa, sumali siya sa isang pangmasang organisasyon ng mga kabataan kung saan naging aktibo siya sa pag-oorganisa ng kapwa niya kabataan at maralita.
Hindi naglaon, naging tagapangulo siya ng organisasyon na ito sa kanilang barangay hanggang sa maging mahusay na lider-kabataan hindi lamang sa kanyang barangay kundi hanggang sa buong probinsya ng Laguna.
Noong huling bahagi ng taong 2015, si Ka Ash ay nag-ambag ng ilang mga pangkulturang pagtatanghal kasama ang mga kabataan sa iba’t ibang sulok ng Laguna. Kalaunan, kasama ang ilang mga kabataan ay naging bahagi siya sa pagbubuo ng isang pangkulturang samahan ng mga kabataan sa Laguna.
Nagtanghal si Ka Ash sa maraming mga kilos-protesta, mga porum at iiba pang mga pagtitipon mula sa antas probinsya, rehiyon, hanggang pambansang mga aktibidad. Isinalin ni Ka Ash ang kanyang kaalaman at galing sa awit-galaw at dula sa iba pang mga kabataan. Taos-puso niyang isinulong ang isang makabayan, makamasa, at siyentipikong kultura.
Maagang bahagi ng taong 2016 ay naging boluntir siKa Ash ng isang partido para sa mga Kabataan. Nagtungo siya sa mga paaralan, komunidad, at hindi inalintana ang init ng lansangan upang magpaliwanag ng isyu ng mga kabataan at mga proyekto ng partidong ito. Ipinanawagan ni Ka Ash sa bawa tsulok ng Laguna ang pagsusulong ng libre at dekalidad na edukasyon.
Taong 2016 din nang magpasya s iKa Ashna maging aktibo hindi na lamang sa kilusang kabataan, kundi sa pag-oorganisa sa malawak na hanay ng mamamayan mula sa iba’tibang sektor sa rehiyon.
Gitnang bahagi ng taong 2016 nang maging organisador siya ng isang Pambansa-Demokratikong alyansa ng mga makabayan sa Timog Katagalugan. Nag-organisa siya sa mga komunidad sa Cavite at Laguna. Naranasan niyang makipagkaisa sa mga komunidad ng mga maralitang lungsod sa mga bayan ng Cavite at Laguna, makisalamuha sa mga welga ng mga manggagawa sa Laguna, makipamuhay sa mga magsasaka at mangingisda ng Laguna, Cavite at Batangas at makipagkapit-bisig sa mga katutubong Dumagat mula sa Rizal at mga mangyan mula sa Mindoro sa paglahok niya sa mga lakbayang inilulunsad ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan patungong Kamaynilaan upang itambol ang mga suliranin at hinaing ng buong rehiyon.
Naging myembro rin si Ka Ash ng pinakamalawak na network ng mga manggagawang pangkultura sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Ipinamalas niya ang kanyang husay sa pag-arte at paggalaw sa ritmo ng mga progresibong awitin na nagtataguyod ng Karapatang Pantao, Katarungan at Kapayapaan. Isinalamin niya sa kanyang bawat galaw ang mga pagdurusa ng mamamayan sa kamay ng mga ganid at ang walang humpay na pakikibaka ng buong sambayanan para sa ganap na paglaya.
Kasabay nito, ganap niyang isinabuhay ang pagiging kasapi ng ARMAS (Artista at Manunulat ng Sambayanan) sa Timog Katagalugan. Iginuhit niya sa kanyang sarili na tanging rebolusyon lamang ang magpapalaya sa bayan.
Sa edad na 18, sumampa si Ka Ash bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Walang pag-aalinlangang inilaan niya ang kanyang kasigasigan bilang kabataan sa pagtataguyod ng Digmang Bayan sa kanayunan. Nakipamuhay siya sa mga naghihikahos na mga magsasaka sa probinsya ng Quezon. Naging bahagi siya sa pagsusulong ng laban ng mga magsasaka para sa lupa at kabuhayan.Higit niyang naunawaan ang pangangailangan ng paghawak ng armas para mapagtagumpayan ang minimithing tunay na panlipunang pagbabago.
Si Ka Ash kasama sila Ka Japson, Ka Junpio at Ka Roro ay magiting na lumaban at nagbuwis ng kanilang buhay nang kubkubin ng pasistang pwersa ng 2nd Jungle Fighter Company na nasa ilalim ng kumand ng 85th IBPA, 201st Brigade at direktang pinamumunuan ng isang Captain Zander Khan Usman ang kanilang pansamantalang pahingahan sa sityo Umagos, Brgy. Camplora, San Andres, Quezon ganap na 2:45 ng hapon noong ika-7 ng Marso, 2017. Kasalukuyan noong nagsasagawa sila ng papulong sa mga residenteng magsasaka na may problema sa lupa at mga pagnanakaw ng kanilang hayop.
Malinaw na paglabag ito ng pwersa ng 85th IBPA, 201st Infantry Brigade sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Tao at sa Internasyunal na Makataong Batas o Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Ayon sa pahayag ng Apolonio Mendoza Command-NPA Southern Tagalog, “ang nasabing pinaglunsaran ng labanan nina Capt. Zander Khan Usman ay may dalawang bahay ng mga sibilyang magsasaka. Nagpaputok ang mga sundalo kahit kitang-kita nilang may mga bata na nakapaligid sa mga bahay. Katunayan, ang nadala nilang sugatang babae na 22 anyos na si Jennifer Yuson ay isang sibilyan na kagagaling lamang sa pay-out ng 4Ps. Kabilang sa isinama ng militar ang kapamilya ni Jennifer na may-ari ng bahay na si Teteng at isa pang sibilyan na nagngangalang Cristopher Redota. Pati pinagbentahan ng kalabaw ni Teteng ay tinangay ng mga sundalo. Mas masahol pa, ang apat na mga namatay na kasama ay pinabayaang nakabilad sa araw nang mahigit 24 oras. Hindi kaagad inilusong ang mga bangkay para madala sa punerarya. Ang mga Quick Reaction Team ng organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao at kinatawan ng mga lokal na organisasyong magsasaka ay hindi pinayagang pumasok sa erya ng pinaglabanan para makuha ang mga bangkay at iayos ang mga residente sa lokalidad. Resulta, hindi na halos makilala ang identidad ng mga bangkay ng mga kasama.Malinaw lamang na walang kinikilalang karapatang tao ang AFP at di rin kumikilala sa makataong batas sa digmaan. Kailangang panagutan ng AFP ang malalaking paglabag sa panuntunan ng makataong digmaan.”
Mariing kinokondena ng ARMAS-Timog Katagalugan ang ginawang paglabag na ito ng AFP sa Karapatang Pantao at Batas ng Digma. Nararapat ring itigil na ang Development Support and Security Plan KAPAYAPAAN ng gubyernong Duterte dahil sa matinding militarisasyong ginagawa nito na nagbubunsod ng mga paglabag sa Karapatang Pantao. Katulad lamang ito ng nakalipas na Oplan Bayanihan at ng iba pang mga konta-insurhensyang programa ng mga nagdaang rehimen kung saan inihulma sa US Counter-insurgency Guide ng imperyalismong US na ang ultimong layunin ay supilin ang mga mamamayang naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago.
Ngayong magpapatuloy na muli ang Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines, iginigiit ng rebolusyunaryong kilusan na magkaroon ng katarungan sa lahat ng naging biktima ng mga paglabag sa Karapatang pantao at tunay na kapayapaan. Hindi kailanman bibitawan ang armas hangga’t nananatiling nakasadlak sa kahirapan at pangsasamantala ang sambayanan sa kamay ng mga ganid na lokal na naghaharing uri at dayuhan.
Hindi kailanman masasayang ang mga buhay ng 4 na magigiting na pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Ang inyong mga dugong inialay ang siyang mananalaytay sa mas marami pang pagsibol ng mga rebolusyunaryo sa ating bayan. Mananatili kayong nakaukit sa kasaysayan at kadakilaan ng ating rebolusyon hanggang tagumpay!
Mabuhay sila Felicardo “Ka Japson/Jelmon”Salamat, Jeramie “Ka Ash” Garcia, Paul “Ka Arki/Ka Junpio“ Aringo at Jomar “Ka Roro” Resureccion!
Mga Martir ng Rebolusyon! Mga Tunay na Bayani ng Sambayanan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Rebolusyon para sa ganap na Kalayaan!
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170312-itinanghal-ni-ka-ash-ang-kanyang-sarili-sa-entablado-ng-digmang-bayan
Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS-Artists and Writers of the People) is a member organization of the National Democratic Front (NDF), the political wing of the CPP.
ReplyDelete