Basit Usman (Interaksyon)
Mistulang multo ang pagkawala ng teroristang si Basit Usman at hindi masabi ng militar at pulisya ang tumpak na kinaroroonan nito sa Mindanao na kung saan ay nagpapatuloy ang opensiba ng pamahalaan laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ngunit sa ulat naman ng Armed Forces ay sinabi ni Lt. Col.
Harold Cabunoc na posibleng napatay ang tatlong tauhan o kasamahan ni Usman sa
sagupaan nitong Sabado sa Maguindanao.
Walang detalyeng ibinigay si Cabunoc maliban lamang na
pawang mga “Tausug” ang nasawi - ang Tausug ay mga natibo ng lalawigan ng Sulu,
ngunit hindi naman agad ito makumpirma, subali’t patunay lamang ito na
nagsasanib puwersa na ang mga magkakaibang tribu kontra sa pamahalaan.
Pulos mga intelligence report lamang ang basehan ngayon ng
mga awtoridad sa kinaroroonan ni Usman, na dating commander ng Moro Islamic
Liberation Front at ngayon ay kaalyado ng IS o Islamic State sa bansa.
Sinabi naman sa Mindanao Examiner ni Capt. Jo-ann Petinglay,
ang spokeswoman ng 6th Infantry Division, ay posibleng nasa lugar lamang
ng Salbu-Pagatin-Mamasapano-Shariff Aguak sa Maguindanao si Usman – at
intelligence report rin ang basehan nito.
Unang sinabi ng militar at pulisya na kinakanlong ng MILF si
Usman at ang napatay na si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir, alias Marwan, sa
kabila ng mariing pagtanaggi naman ng rebeldeng grupo na noon nakaraang taon
lamang lumagda ng peace agreement sa pamahalaan Aquino.
Inamin naman ng 6th Infantry Division na bukod kay
Usman ay 5 miyembro ng Jemaah Islamiya ang sinasabing nasa proteksyon ng BIFF.
Napag-alaman na 4 Indonesian at isang Arabo – na pawang mga kasamahan ni Marwan
– ang pinaghahanap rin umano ng mga awtoridad sa central Mindanao.
Paulit-ulit naman ang apela sa publiko si Maj. Gen. Edmundo
Pangilinan, ang hepe ng 6th Infantry Division, na makipagtulungan sa mga
awtoridad kung may impormasyon ukol sa mga terrorista at BIFF.
Gumagamit rin umano ng mga “child warriors” ang BIFF, ayon
sa militar, ngunit karamihan sa mga ito ay mga anak at kapatid ng mga lider at
miyembro ng naturang grupo. Pati mga kapatid at asawang babae ay nagsisilbing
“intelligence agents” ng BIFF at hirap rin ang militar at pulisya na makilala
ang mga ito dahil nakahalo sa mga sibilyan.
Halos wala rin makuhang suporta ang militar mula sa mga
sibilyan dahil sa simpatiya nito sa rebeldeng grupo at ang iba naman ay
natatakot sa posibleng ganti ng BIFF kung sila ay magsusumbong o magbigay ng
impormasyon sa awtoridad. At wala rin maaasahang sa mga mayors at barangay
kapitan dahil sa takot.
http://www.mindanaoexaminer.net/2015/03/basit-usman-parang-multong-naglaho.html
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.