Saturday, November 8, 2014

CPP/NPA: Ang tumitinding karahasan ng AFP ay patuloy na magpapaalab sa armadong paglaban ng mamamayan

NPA propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 6): Ang tumitinding karahasan ng AFP ay patuloy na magpapaalab sa armadong paglaban ng mamamayan

Logo.bhb
Salaknib Monteverde
Spokesperson
NPA Benguet-Abra-Mountain Province-Ilocos Sur Front Operations Command (Antonio Licawen Command)
 
Desperado ang 50th Infantry Batallion sa ilalim ng 503rd Brigade ng Philippine Army at mga PNP Regional Office 1 at Regional Office-CAR sa kanilang panaginip na durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa quadri-boundary ng mga probinsya ng Benguet-Abra-Mt Province-Ilocos Sur o BAMPIS na kinikilusan ng Antonio Licawen Front Operational Command ng New Peoples Army (ALC). Sa mga operasyong kombat, psywar at paniktik, at maging sa kanilang tinatawag na legal offensives, ay malaganap ang pangyuyurak sa mga karapatang tao ng mga sibilyang mamamayan sa BAMPIS tulad ng iligal na pag-aresto, pagsampa ng mga gawagawang kaso, tortyur, pwersahang pagpapa-guide ng mga nag-ooperasyong tropa sa mga sibilyan, at iba pang kahayupang lumalabag sa karapatang tao ng mamamayan ng BAMPIS.

Noong Setyembre 23, 2014 ay iligal na inaresto ng magkasanib na pwersa ng mga pasistang tropa ng 50th IB at PNP-RO1 at PRO-CAR ang isang Malvarose Logang-a, 26 taong gulang at residente ng Gitlangan, Comillas Norte, Cervantes, Ilocos Sur at kinasuhan ng gawa-gawang kasong rebelyon dahil sa pagkakasangkot diumano ni Logang-a sa pag-ambush ng NPA sa ilalim ng Leonardo Pacsi Command sa humigit kumulang 95 na tropa ng PNP Regional Public Safety Batallion sa Tadian, Mountain Province noong June 28 noong nakaraang taon, at sa pagka-imbwelto niya diumano sa ambush ng Alfredo Cesar Command sa 16 na tropa ng 50th IB sa Bessang Pass, Cervantes noong June 2005. Pangatlong iligal na pag-aresto na ito ng AFP at PNP kay Logang-a. Inaresto siya noong 2008 at pinilit na ipa-surrender naman ng mga tropa ng AFP at PNP noong 2012 dahil sa akusasyong siya ay kasapi ng NPA.

Sumunod na iligal na inaresto naman ng mga magkasanib ding tropa ng AFP at PNP noong October 3, 2014 si Samuel Compalas sa Boguibog, Salcedo, Ilocos Sur sa parehong kasong isinampa kay Logang-a. Si Compalas ay dating kasapi ng NPA at iniwanan ang organisasyon noon pang 2006. Siya’y inaresto at kinasuhan ng murder at robbery noong 2009 pero ang mga ito’y nadismiss sa RTC sa Candon City, Ilocos Sur.

Tahasang pinapasinungalingan ng Antonio Licawen Command na isang kasapi, sa kasalukuyan at maging sa nakaraan, ng New Peoples Army o nakasama sa alinmang mga inilunsad na taktikal na opensiba ng NPA si Malvarose Longang-a. Walang katotohanan ang bintang ng AFP at PNP kay Logang-a. Sa katunayan, si Logang-a ay kasalukuyang estudyante ng Mountain Province State Polytechnic College at inaasahang magtatapos ngayong school year 2014-15 sa kursong BS Criminology!
Isang kahangalan ang pahayag ni Superintendent Edgar Allan Okubo, acting chief ng Police Regional Office 1 IntelligenceDivision, na ang NPA ay nagbabalak mag-impiltra sa hanay ng PNP sa pamamagitan ni Logang-a nang wala man lang pinipresentang kahit isang katiting na ebidensyang nagpapatunay sa akusasyon nito. Desperadong naglulubid ng kung anu-anong kasinungalingan ang mga opisyal ng PNP at AFP para lang makakuha ng puntos laban sa rebolusyonaryong kilusan at di mapahiya sa mga nakalipas nitong mga kabiguan sa larangan ng kombat tulad ng matagumpay na pag-ambush ng isang iskwad ng NPA sa humigit kumulang isandaang pulis noong nakaraang taon sa Tadian na nakasamsam ng 11 na malalakas na armas at mga marami-raming bilang ng bala at gamit militar. Nararapat lang na kagyat na pakawalan at palayain ng reaksyunaryong gubyerno ni Noynoy Aquino sila Malvarose Logang-a at Samuel Compala sampu ng humigit kumulang 300 na detenidong pulitikal na kasalukuyang dumaranas ng iba-t-ibang klase ng pang-aabuso at makahayop na pagtrato sa ibat-ibang piitan at pasilidad ng pulis at militar sa buong bansa, at itigil ang paglapastangan sa kanilang mga batayang karapatan.

Naging kalakaran na ng AFP at PNP na arbitraryong magdampot ng mga sibilyan sa panahon ng kanilang operasyon. Matatandaan noong Setyembre 23, 2011, habang nagpapatuloy ang serye ng mga labanan sa pagitan ng Alfredo Cesar Command at 50th IB sa Cervantes, Ilocos Sur, walang-awang hinuli ng 50th IBPA at Cervantes PNP ang apat na inosenteng sibilyan na sina Hilario Bantew at Edward Galao, at Lionesa Bonella at Joy Attiw. Nagresulta ang mga labanang ito ng 19 na KIA sa hanay ng 50th IBPA at dalawa namang KIA sa panig ng NPA. Magkasunod na kinasuhan ng multiple attempted homicide pagkatapos mapawalang-sala sa kasong rebelyon ang apat na sibilyan na tinuguriang “Cervantes 4.” Dumanas ng matinding pisikal at mental na tortyur ang Cervantes 4. Si Hilario Bantew ay isang sertipikadong mental health patient noong siya ay hinuli ng mga pasista. Hanggang sa ngayon, bagamat nakalaya na ang Cervantes 4, ay di pa rin nila nakakakamit ang hustisya sa dinanas nilang kahayupan sa kuko ng mga halimaw na pulis at militar na iligal na nang-aresto at nagpahirap sa kanila at sa kanilang mga pamilya sa loob ng mahigit dalawang taon.

Sa parehong serye ng mga labanan noong Setyembre 2011, matatandaang binaboy ng mga tropa ng 50th IB ang bangkay ni Benny Boy “Ka Likot” Aguilar at hinayaan namang mabulok sa ulan sa loob ng limang araw ang bangkay ni Ka Delfin “Ka Dindo” Gulayan nang hindi pinahintulutan ng 50th IB na i-uwi ng pamilya nito ang naagnas nang bangkay ng huli. Tradisyon na ng mga batalyon sa ilalim ng 503rd Brigade PA, ang 50th IBPA at 41st IBPA, na makahayop na tratuhin ang mga nahuhuli nilang mga sugatang mandirigma ng NPA tulad ng ginawa nilang kahayupan at brutalidad sa mga kasama sa Tineg, Abra noong October 2011 at Lacub, Abra ngayong Setyembre 5, 2014.

Nitong Marso 4, 2014 tinutukan, sinaktan at sapilitang pinag-guide ng isang kolum ng nag-ooperasyong 50th IBPA si Bagsiyaw Kidangen, isang magsasaka ng Barangay Tamboan, Besao, Mountain Province, 62 taong gulang at isa sa mga tribal leaders ng tribung Kinali sa kanilang baryo. Hinuli si lakay Bagsiyaw sa Mt. Matukbo at pinakawalan din pagkatapos dumaan sa matinding mental at pisikal na tortyur. Kinuha din sa matanda ang kanyang itak na ginagamit sa pagsasaka at pangangaso.

Sa parehong araw at lugar, sapilitan namang hinarang at di pinayagan ng iba pang nag-ooperasyong kolum ng 50th IBPA na maglakbay si Letty Oloan, residente ng Beew, Barangay Alangtin, Tubo, Abra na umuwi sa kanilang baryo. Nanggaling si Oloan sa Tamboan, Besao para hatiran ng suplay na bigas at baon ang kanyang anak na nag-aaral sa Tamboan National High School. Ang Tamboan ay may layong isang araw na paakyat-pababang lakaran mula o galing sa Beew. Sa kabila ng pagmamakaawang makauwi ni Oloan sa mga pasistang tropa ng 50th IBPA, sa mabigat na kadahilanang naghihintay ang mga naiwang mga maliliit pang anak, ay walang-awang pinagkaitan siya ng mga sundalo ng karapatang malayang maglakbay. Matatandaang noong 2008, nai-ulat sa media na si Oloan at dalawa pang mga matatandang babae ng Beew ay hinuli ng parehong yunit ng 50th IBPA at isang araw at isang gabing ipiniit sa Mt. Layaban, Tubo, Abra. Si Olloan, sa panahon na iyon ay nagpapasusong-ina sa kanyang anim na buwang sanggol na bunso.

Samantala, sa Barangay Dilong, Tubo, Abra ay kinubkob ng mga nakagarisong tropa ng 50th IBPA sa loob ng baryo ang bahay na pinagpahingaan ng isang nagngangalang Kidasay, 33 taong gulang; at Henry Degay, 24 taong gulang, kapwa residente ng Barangay Lamag, Quirino, Ilocos Sur noong Mayo 2014. Sa simpleng hinalang mga mandirigma sila ng NPA, kinubkob ng isang iskwad ng 50th IB na pawang nakafull-battle gear ang dalawang sibilyan at isinalang sa interogasyon, psychological torture at pilit na pinapaaming mga kasama sila sa yunit ng NPA na nag-ambush sa mga pasistang tropa sa Kingking, Barangay Dilong, Tubo, Abra noong madaling araw ng Mayo 2, 2014 na nagresulta ng 23 na KIA sa hanay ng 50th IB. Pinakawalan lamang ang dalawang sibilyan nang pinanindigan ng mga mamamayan ng Dilong na mga sibilyan ang dalawa.

Sa Sitio Dandanac, Barangay Tamboan, Besao, Mountain Province pinagbantaan noong Abril 2014 ng mga lasing na tropa ng Charlie Coy ng 50th IBPA na imamasaker nila ang mga mamamayan ng Dandanac kung malalaman nilang may mga pumupuntang NPA sa baryo nila. Sa kabila ng panghaharass ng mga militar sa kanila ay matagumpay namang naiigiit ng mga mamamayan ng Barangay Tamboan na palayasin ang mga tropa ng 50th IB na nakakampo sa silong ng kanilang mga bahay, at umuokupa sa Barangay Hall at dap-ay (lugar kung saan nagpupulong ang mga matatanda ng tribu at simbolo ng katutubong pulitika at kultura). Dahil sa matapang na aksyon ng masa ay napilitang lumayas sa sentro ng populasyon ang mga pasista ngunit pinagpilitan pa rin nilang magkampo sila sa gilid ng baryo na malapit pa rin sa mga kabahayan. Sa parehong panahon, matagumpay ding napalayas ng mga matatanda ng tribu at mamamayan ng Barangay Tubtuba, Tubo, Abra ang mga tropa ng 50th IBPA na naglalayong magkampo sa gitna ng kanilang baryo.

Nagkakamali ang 50th IBPA at ang PNP RPSB ng Region 1 at CAR na sa pamamagitan ng walang habas na paglapastangan sa mga karapatang tao ng mamamayan ng BAMPIS ay mababali nila ang kapasyahan ng mamamayan na suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Lalo sa ngayon na tumitindi ang kahirapang dulot ng bangkaroteng patakaran ng neoliberalisasyon ng ekonomya, partikular sa mga gulayan ng Benguet, at agresibong pagpasok ng mga dambuhala at mapanirang kumpanya ng mga dayuhang minahan at enerhiya sa malawak na erya ng BAMPIS ay siguradong lalawak at lalalim ang rebolusyonaryong kilusan sa BAMPIS.

Walang anumang kahayupan at matinding karahasan ang makakapigil sa pag-abante ng rebolusyonaryong kilusan na kamtin ang susunod na mas mataas na estratehikong yugto ng Digmang Bayan sa bansa. Tulad ng panahon ng pasistang diktadura ni Marcos, ang mga alaala at karanasan ng matinding pandarahas na sinapit ng mga kasama at mga masa sa kamay ng mga pasista sa kasalukuyang rehimen ni Noynoy Aquino ay ibayong magpapaalab sa rebolusyonaryong damdamin ng masa at mga mandirigma ng BHB na walang-alinlangang itaguyod at tahakin ang landas ng armadong pakikibaka hanggang sa tagumpay upang makamit ang tunay na karapatang tao, hustisya at kapayapaan.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141106_ang-tumitinding-karahasan-ng-afp-ay-patuloy-na-magpapaalab-sa-armadong-paglaban-ng-mamamayan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.