Monday, November 10, 2014

CPP/NDF: Munisipyo ng Paluan, sinalakay ng NPA! 20 armas, nasamsam!

NDF propaganda statement posted to the CPP Website (Nov 7): Munisipyo ng Paluan, sinalakay ng NPA! 20 armas, nasamsam!

Logo.ndfp
Patnubay De Guia
Spokesperson
NDFP Southern Tagalog Chapter
 
Malugod na binabati ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) ang Lucio de Guzman Command – NPA Mindoro sa matagumpay na opensiba laban sa mersenaryong tropa ng kaaway sa bayan ng Paluan, Occidental Mindoro.

Nagpupugay ang NDF-ST sa kagitingang ipinamalas ng mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB laban sa mga elemento ng Public Safety Battalion, 408th Public Safety Maneuver Forces ng Philippine National Police at ng 76th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ganap na 3:00 ng hapon ngayong Nobyembre 7, 2014 nang atakehin ng NPA ang mismong bayan ng Paluan, Occidental Mindoro. Hindi na nakaporma pa ang reaksyunaryong kaaway sa labanang tumagal nang 20 minuto. Hindi bababa sa pitong elemento ng kaaway ang nalipol habang apat na iba pa ang naiulat na sugatan. Nasamsam ng magigiting na NPA ang pitong M14, 13 M16, isang shotgun, dalawang pistola, mga bala at iba pang gamit-militar. Walang kaswalti sa panig ng mga Pulang mandirigma na ligtas na nakaatras matapos ang labanan.

Samantala, dinala ng mga umatakeng NPA ang mayor ng nasabing bayan na si Carl Michael Pangilinan at kanyang municipal administrator upang babalaan sa pang-aabuso ng una sa maralitang mamamayan ng Paluan. Binabalaan din si Pangilinan sa kanyang pagsangkot at pagkandili sa mga iligal na pagtotroso, iligal na droga at iba’t ibang sindikatong nag-oopereyt sa kanyang bayan sa Occidental Mindoro. Isang sindikadistang pinoprotektahan ng mga pasista at reaksyunaryong militar mula 76th IBPA at 408th PNP.

Makasaysayan ang araw na ito dahil tanda ito ng mahigpit na pagkakaisa ng masa at hukbong bayan. Nagbunyi ang mamamayan ng Paluan at mga karatig sa pagpaparusa ng Lucio de Guzman Command – NPA Mindoro sa palalo, mabangis at kawatang 76th IB at abusadong PNP. Makabuluhan ang ginampanang papel ng masang MindoreƱo sa pagtitiyak ng tagumpay ng opensiba mula sa paghahanda, sa aktwal na opensiba hanggang sa ligtas na pag-atras ng NPA. Buhay na patotoo ito na hindi kailanman nasaid ang malalim na balon ng suporta ng mamamayan sa NPA na ipinuhunan ng mga rebolusyonaryong nauna nang nag-organisa sa isla.

Makasaysayan din ang araw na ito para sa rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan sapagkat ngayong araw ay inaalala natin ang buhay at pakikibaka ng magigiting na kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at NPA na sina Ka Armando Teng at Ka Lucio de Guzman. Hindi lang miminsang binagtas nina Ka Armando at Ka Lucio ang mga kabundukan at kapatagan ng isla ng Mindoro. Kabilang sila sa mga kapita-pitagang haligi ng rebolusyonaryong kilusan na namuno sa pagpupunla at pagpapayabong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa Mindoro. At sa araw ng kanilang ganap na kabayanihan, wala nang hihigit pa sa pagpupugay na hatid ng matagumpay na opensiba ng New People’s Army laban sa kaaway. Ang tagumpay na ito ay alay sa kagitingin ng lahat ng mga rebolusyonaryong martir na naghawan ng landas para sa pagsulong at patuloy na pagliliyab ng apoy ng pakikibaka.

Ang taktikal na opensibang inilunsad ng LdGC – NPA Mindoro ay salubong na putok sa higit na nag-iibayong pagsusulong ng armadong pakikibaka sa rehiyon. Ito ay panandang bato sa papalakas at papaigting na rebolusyonaryong pakikibaka upang makamtan ang dramatikong igpaw ng digmang bayan sa bago at mas mataas na antas.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinat at Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Sumulong sa estratehikong pagkapatas!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20141107_munisipyo-ng-paluan-sinalakay-ng-npa-20-armas-nasamsam

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.