Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan (May 21): Pinaigting na militarisasyon at terorismo sa Mindanao
Nakapakat ngayon sa Mindanao ang limang dibisyon na bumubuo ng 60% ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang mga pwersang ito ay nasa ilalim ng Southern Command ng AFP.
Ang Southern Command na sumasaklaw sa buong Mindanao ay nahahati sa dalawa: ang Eastmincom at Westmincom. Binubuo ang Eastmincom ng 4th ID at 10th ID. Pangunahing nakatuon ang 4th ID sa mga rehiyon ng Northeast Mindanao (NEMR) at Northcentral Mindanao (NCMR). Saklaw naman ng 10th ID ang Southern Mindanao Region (SMR) at may isang brigada ito sa Far South (FSMR). Saklaw naman ng Westmincom ang 1st ID at 6th ID. Nahahati sa mga erya ng Moro at West Mindanao (WMR) ang 1st ID, habang ang 6th ID ay nakatutok sa mga lugar ng Moro at sa FSMR.
Umaabot sa 30 batalyon ang nasa ilalim ng Eastmincom. Sa ngayon, may 15 batalyon sa ilalim ng 10th ID; at 13 batalyon sa ilalim ng 4th ID. Dagdag pa rito ang 76th IB na ginawang strike force ng Eastmincom. Naidagdag din sa pwersa ng Eastmincom ang 5th Special Force Battalion.
Dagdag pa rito ang pwersang pandagat at panghimpapawid, kabilang ang 3rd Tactical Operations Wing, ang 5th Civil Relations Group, ang 5th at 7th Air Reserve Center, ang 52nd Engineering Brigade, ang 10th at 11th Tactical Operations Group, ang 10th, 11th, 12th at 15th Regional Community Defense Group at Naval Reserve Center sa Eastern Mindanao. Labas pa rito ang dalawang batalyon sa ilalim ng dalawang dibisyon na nakatutok sa gawaing paniktik.
Bukod sa mga regular na pwersa ng AFP, may iba’t iba pang mga grupong paramilitar na inoorganisa at sinasanay ng 72nd IBPA-Cadre Battalion, kabilang ang CAFGU, SCAA, CAA, Investment Defense Force (IDF), Bagani Force sa bahaging Bukidnon at Agusan del Sur, at grupong ALAMARA sa Paquibato-Talaingod. Nagsimula rin noong 2009-2010 ang pagdaragdag ng isang brigada (701st) mula sa Central Luzon. Noong 2013, ipinakat ang 76th IB mula sa Bondoc Peninsula. Noong Marso, inilipat din sa Compostela Valley ang 9th IB mula sa Bicol at ang 68th IB. Ngayong Mayo lamang, isang batalyon sa ilalim ng 6th ID sa Maguindanao ang inilipat sa 10th ID at ipinakat sa Compostela Valley.
Nakakonsentra ang bagong dagdag na pitong batalyon sa limang prubinsya: Agusan del Sur, North Cotabato, Compostela Valley, Davao del Norte at Bukidnon. Nakapusisyon sila sa hangganan ng SMR, NEMR at NCMR.
Sa lahat ng rehiyon ay pinakamilitarisado ang SMR. Dito nakapakat ang 14 na buong batalyon, habang may anim na batalyon na nasa mga hangganan nito sa NEMR, NCMR at FSMR.
Pokus ng pinatinding mga operasyong panunupil ng AFP ang mga lugar na may operasyon o target na pasukin ng pagmimina, pagtotroso at mga plantasyon ng oil palm, saging, pinya at iba pa. Layunin ng pinatinding militarisasyon ang pagsupil sa pagtutol ng mamamayan sa operasyon ng mga kumpanyang ito na mapanira sa kapaligiran at kumakamkam sa lupang ninuno ng mga Lumad.
Laganap ang mga kaso ng pang-aabusong militar, kabilang ang militarisasyon ng buu-buong mga komunidad at paggamit sa mga eskwelahan, barangay hall at iba pang istrukturang sibilyan bilang mga baraks ng militar. Laganap din ang mga kaso ng walang kapararakang pagpasok ng mga sundalo sa mga bahay ng mga residente at pagnanakaw ng mga kagamitan, alagang hayop at pagkain.
Dumarami ang mga kaso ng pambobomba at panganganyon sa mga bukid at paligid nito na nagdudulot ng matinding trauma sa mga residente, laluna sa mga bata. Inaakusahang tagasuporta ng BHB ang mga tinatarget na residente at ilan sa kanila ang pwersahang pinaggigiya sa mga operasyon ng AFP.
Tampok na kaso ang militarisasyon ng Talaingod, Davao del Norte. Sa loob ng isang buwan, mahigit 1,300 residente ng Barangay Palma Gil ang nagbakwit sa Davao City upang iprotesta ang panunupil, pananakot at pandarahas ng mga pwersa ng AFP sa kanila. Tulad nila, terorismong militar ng 8th IB ang nagbunsod sa pagbakwit ng tribong Manobo-Matigsalog mula sa Dao, San Fernando, Bukidnon tungong Cagayan de Oro noong Setyembre 2013. Noong Agosto 2013, umabot sa 325 residente ng Loreto, Agusan del Sur ang nagbakwit upang iprotesta ang mga pang-aabuso ng 26th IB.
Dumarami rin ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Pinakahuli rito ang pagpatay ng 29th IB kay Ricardo “Polon” Tuazon sa mabundok na bahagi ng Butuan City noong Abril 28 at ang pagdukot, pagtortyur at pagpatay ng mga tauhan ng 9th IB noong Marso 24 kay Wilmar Bargas, isang maliit na minero sa Maco, Compostela Valley.
Laganap din ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata, tulad ng okupasyon ng mga paaralan. Naging tampok ang kaso ng panghaharas ng mga sundalo sa mga paaralang pangkomunidad tulad ng sa Side 4, Mangayon, Compostela, Compostela Valley mula noong nagdaang taon. Nito namang Marso, dinakip ng mga tauhan ng 57th IB si “Balong,” isang 14-taong gulang na bata mula sa Magpet, North Cotabato at inakusahang kasapi ng BHB.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140521/pinaigting-na-militarisasyon-at-terorismo-sa-mindanao
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.