Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan (May 21): Hostage drama sa ComVal, imbento ng 1001st Brigade
Ilang araw na pinagpistahan ng mga reaksyunaryong upisyal ng gubyernong Aquino ang gawa-gawang kwento ng 1001st Brigade ng Philippine Army na nang-hostage daw ng mga minero at kanilang mga pamilya ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Compostela Valley nitong Mayo 3-5.
Nakikoro naman sina Teresita Deles (pinuno ng Office of the Presidential Assistant on the Peace Process) at Corazon “Dinky” Soliman (kalihim ng Department of Social Welfare and Development) at nagpalipad ng mga pagkundena at apela sa BHB laban sa paggamit nito diumano sa mga sibilyan bilang pananggalang sa gera.
Sa aktwal, walang anumang pangho-hostage na nangyari. Naglubid lamang ng kasinungalingan ang 1001st Bde para pagtakpan ang sunud-sunod nitong mga kaswalti sa labanan, ang sarili nitong mga paglabag sa karapatang-tao at ang pagiging protektor nito ng dayuhang mapangwasak na pagmimina.
Ayon kay Ka Daniel Ibarra, tagapagsalita ng Comval-Davao Gulf Subregional Command, pwersahang pinalayas ng militar ang maliliit na minero, mga Lumad at magsasaka sa mga sapa at iba pang bahagi ng konsesyon ng Apex Mining Company sa Maco at binalaang bobombahin ang mga komunidad nila. Dahil sa takot, walang nagawa ang mga minero kundi lisanin ang kanilang mga tirahan at kabuhayan.
Pinalayas ng 1001st Bde ang maliliit na minero para walang sagabal na maipatupad ng Apex Mining ang pagmimina ng ginto gamit ang sistemang open-pit mining na siyang dahilan ng dalawang matitinding landslide na pumatay ng marami sa lugar at bumura sa Barangay Mainit sa mapa ng Maco noong 2012.
Sa kabilang banda, tatlong beses na inambus ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalong protektor ng higanteng minahan mula Abril 12 hanggang Mayo 5. Bunga nito, 23 sundalo ng 71st IB, 9th IB at Division Reconnaissance Company (DRC) ang napatay at limang iba pa ang nasugatan.
Labing-isa ang napatay sa nagpapatrulyang sundalo ng 71st IB sa ambus na inilunsad ng mga Pulang mandirigma noong Mayo 5 sa Sityo Panganasun, Barangay Napnapan, Pantukan. Noong Abril 13, tinambangan ng mga Pulang gerilya ang isang yunit ng DRC sa hangganan ng mga bayan ng Maco at Maragusan kung saan walo ang napatay at dalawa ang nasugatan sa panig ng mga pasista. Isang araw bago ito, apat na tropa ng 9th IB ang napatay at tatlong iba pa ang nasugatan nang ambusin ang mga ito ng mga Pulang mandirigma sa Apex Tenement Complex sa Masara, Maco.
Bago ang mga opensibang ito, pinarusahan ng BHB ang Apex Mining noong Abril 10 dahil sa paglabag nito sa mga batas at patakaran ng Demokratikong Gubyernong Bayan laban sa pangwawasak sa kapaligiran, pang-aapi sa masang magsasaka at sa mga manggagawa mismo nito sa Barangay Masara, Maco. Labing-walong sasakyan at makinarya ang winasak ng BHB sa limang tunnel nito sa naturang lugar. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa isyung Abril 21, 2014 ng Ang Bayan)
Bilang ganti, nagbuhos ng mahigit 800 tropa o dalawang batalyon ang 1001st Bde upang maghasik ng lagim at higit pang protektahan ang Apex Mining at ang mga may-ari nito, kabilang si Enrique Razon (ika-apat na pinakamayamang tao sa Pilipinas at malaking kontribyutor sa kampanya sa eleksyon ni Aquino) sa kapinsalaan ng mga Lumad na magsasaka, maliliit na minero at manggagawa ng kumpanya. Gumamit din ng mga bayarang goons ang Apex sa ilalim ng Mongoose Security Agency upang harasin ang mga manggagawa na tumatanggap ng mababang sahod at nanganganib pang patatalsikin sa trabaho sa ilalim ng programang retrenchment ng kumpanya ngayong Hunyo. Nagpakalat din ang militar ng listahan ng umanoy mga aktibong lider na target ng aresto at pagbilanggo.
Samantala, sa Paquibato District, tatlong sundalo ng 69th IB ang napatay at anim ang nasugatan nang pasabugan sila ng command-detonated explosive habang nagpapatrulya noong Mayo 17. Ika-apat na atritibong aksyon na ito ng BHB laban sa 69th IB mula Enero.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140521/hostage-drama-sa-comval-imbento-ng-1001st-brigade
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.