Wednesday, June 21, 2023

CPP/Ang Bayan: 125 taong walang-humpay na pakikibaka para sa pambansang kalayaan

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 21, 2023): 125 taong walang-humpay na pakikibaka para sa pambansang kalayaan (125 years of unceasing struggle for national independence)
 




June 21, 2023

Sa paggunita kamakailan sa ika-125 taon ng deklarasyon ng huwad na kalayaan ng Pilipinas, magbalik-tanaw tayo sa mahigit isang siglong paglaban ng sambayanang Pilipino sa kolonyalismo at mala-kolonyalismo at muling pagtibayin ang paninindigang makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Ang idineklarang kalayaan “sa ilalim ng proteksyon ng Makapangyarihan at Makataong Bansang United States of America,” ay ginawa ng mga kinatawan ng uring asendero-ilustrado na sumakay sa mga tagumpay ng armadong rebolusyon ng Katipunan laban sa 300-taon kolonyalismong Espanya. Ang totoo’y sikretong nakipagkasundo na ang Espanya sa US bago isinagawa noong Oktubre 1898 ang palabas na Labanan sa Manila Bay at pirmahan ang Treaty of Paris noong Disyembre 10, 1898 kung saan ibinenta ang Pilipinas sa halagang $20 milyon.

Daan-daan libong tropang Amerikano ang sumalakay sa Pilipinas para supilin ang bayan at sakupin bilang kolonya ang Pilipinas. Isinagawa ang mahigit isang dekadang brutal na gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersang tinaguriang mga “bandido” at “insurekto.” Hindi bababa sa 200,000 Pilipinong sibilyan ang pinatay ng mga sundalong Amerikano, at mahigit isang milyon (sa populasyong wala pang pitong milyon) ang namatay bunga sa gerang agresyon ng US.

Labis-labis na kapangyarihan ang ginamit ng US para mamayagpag sa Pilipinas, supilin ang sambayanan at dambungin ang yaman ng bansa. Milyun-milyong puno ang itinumba para sa troso, daan-daan libong ektaryang lupain ang inagaw sa mga magsasaka at katutubong mamamayan para gawing mga minahan ng ginto at iba pang mineral, at mga plantasyon ng tubo, pinya at iba pang tanim na pang-eksport sa US. Sinaklot at kinontrol ng US maging ang kamalayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpataw ng maka-US na sistemang edukasyon sa hangaring burahin sa isip ng sambayanan ang kasaysayan at kawasatuhan ng paglaban para sa kalayaan at ilarawan na “mabait na pagsakop” ang kolonyalismong US. Nagluwal ang US ng bagong henerasyon ng mga burukratang kapitalistang sinanay sa “demokrasya ng US” na kumatawan sa kapangyarihan ng US at sa pinagsanib na interes ng naghaharing uring mga burgesyang komprador at dating mga panginoong maylupa.

Sa halip na magupo, lalong naglagablab ang diwa ng patriyotismo ng masang manggagawa at anakpawis. Mula simula at sa susunod na mga dekada, nabuo ang kanilang organisadong hanay at sumulong sa landas ng paglaban para sa kalayaan. “Kamatayan sa imperyalismo” ang kanilang sigaw sa mga demonstrasyon at pag-aaklas. Mula nang itatag noong 1930, gumampan ng mahalagang papel ang Partido Komunista ng Pilipinas (Islas de Pilipinas) sa pakikibaka para sa kalayaan mula sa kolonyal na paghahari ng US.

Sa gitna ng inter-imperyalistang sigalot, inabandona ng US ang Pilipinas at hinayaang sakupin ng Japan. Sa pangunguna ng PKP, inilunsad ang pakikidigmang gerilya laban sa Japan at itinatag ang kapangyarihang bayan sa Central Luzon at iba’t ibang panig ng bansa. Tulad sa China at ibang bansa, ginupo ng mga pwersang gerilya ang mananakop na Japanese. Bago tuluyang sumuko ang sukol nang mga pwersa ng Japan sa Pilipinas (gaya ng pagkasukol na ng Espanya noong 1898), bumalik ang mga pwersang US at walang-habas na binomba at pinulbos ang Maynila (tulad ng palabas na Battle of Manila Bay) para pwersahing lumuhod ang bansa. Katuwang ang mga papet na armadong pwersa nito (ninuno ng Armed Forces of the Philippines), isinagawa ng US ang kampanya ng armadong pagsupil laban sa mga pwersang gerilya na kinatampukan ng kaliwa’t kanang mga pagmasaker at brutal na pamamaslang sa mamamayan.

Para amuin ang sambayanang Pilipino, ibinigay ng US ang “kalayaan” noong Hulyo 4, 1946 at ipinahawak ang renda ng administrasyon ng papet na estado sa mga partido at pulitiko ng naghaharing mga uri. Sa nagdaang 80 taon na, ang Pilipinas ay nasa ilalim ng paghaharing neokolonyal o malakolonyal, kung saan nangingibabaw ang pasya ng US sa pulitika, ekonomya, militar at kultura. Sa ilalim ng malakolonyal na paghahari ng US, kinamkam nito ang trilyun-trilyong dolyar na yaman ng Pilipinas sa pamamagitan ng hindi pantay na relasyon sa kalakalan at pamumuhunan na pinagtibay ng mga tratadong pabor sa US. Ipinatutupad ang patakaran ng mababang sahod para sa maksimum na tubo ng mga kumpanyang US at iba pang dayuhang kapitalista. Ang mga patakaran sa ekonomya ng papet na gubyerno ng Pilipinas ay dinidikta ng US sa pamamagitan ng International Monetary Fund, World Bank at iba pang bangko at ahensyang hawak ng US sa kapinsalaan ng ekonomya at kabuhayan ng mga Pilipino. Lalong pinalalakas ng US ang pangkulturang dominasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng maka-US na sistemang pang-edukasyon, kontrol sa masmidya at iba pang ahensyang nagpapalaganap ng maka-US na kaisipan at mga pananaw.

Pinananatili ng US ang armadong dominasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga tratadong militar kabilang ang Mutual Defense Treaty, ang noo’y Military Bases Agreement (1946-1991), at ang Visiting Forces Agreement (1998) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (2014). Itinatag ng US ang AFP na nagsisilbing pangunahing haligi ng paghahari nito sa bansa. Mula’t sapul ay ginagamit ito para sa armadong pagsupil sa sambayanang Pilipino at sa kanilang paglaban para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Sa harap ng krisis sa ekonomya ng US at iba pang kapitalistang bansa, lalo ngayong lumalakas ang tulak ng US na pahigpitin ang kontrol sa Pilipinas. Kaakibat ng pagpapalakas ng armadong presensya sa Pilipinas, agresibo rin ngayon ang US sa pagkamkam ng likas na yaman at mga negosyo sa bansa, para palawakin ang kanilang mga plantasyon at minahan na nagreresulta sa pagkakait sa kabuhayan ng milyun-milyong mga Pilipino. Pinagdurusahan ngayon ng sambayanan ang malubhang epekto ng ilang dekada nang mga patakarang neoliberal na dikta ng US: laganap na disempleyo, mababang sahod, walang mapagkunan ng kita, sumisirit na presyo, bulok sa serbsiyong panlipunan, pagpapalayas sa lupa, at pagkasira ng kalikasan. Nasa bingit ng krisis sa pinansya ang bansa na kinatatampukan ng papalaking utang ng gubyerno at bagsak na kita ng gubyerno dahil sa pag-aalis ng buwis pabor sa malalaking korporasyon, at pataas nang pataas na gastos sa napakalaking pwersang militar at pulis. Ang pagmamadali ng US na magtayo ng karagdagang mga base militar at pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, laluna sa mga hilagang bahagi, para gamitin ang Pilipinas sa estratehiya nito ng pagkubkob sa China, ay lalong nagpapatampok sa kawalan ng bansa ng tunay na kasarinlan, at naglalagay dito sa peligrong madamay sa gera ng mga higanteng imperyalista.

Mula nang muli itong itatag noong 1969, nasa unahan na ang Partido Komunista ng Pilipinas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Isinusulong nito ang digmang bayan mula 1969, at walang lubay itong isusulong gaano pa man katagal abutin para palayain ang bansa mula sa pagsaklot ng imperyalismong US.

Nakahanda ang Partido, lahat ng rebolusyonaryong pwersa at ang buong sambayanang Pilipino na balikatin ang mabibigat na tungkulin para isulong ang paglaban ng bansa para palayasin ang imperyalistang halimaw at kamtin ang inaadhikang paglaya ng Inang Bayan. Buong-loob nating suungin ang landas ng pakikibaka, gaano man kasukal at kahirap, dahil ito lamang ang daan tungo sa maliwanang at maaliwalas na kinabukasan.

[Ang Bayan ("The People") is the official publication of the Communist Party of the Philippines, guided by Marxism-Leninism-Maoism. It is published by the Central Committee. AB comes out fortnightly every 7th and 21st of each month. The original Pilipino edition is translated into English, Bisaya, Waray, Hiligaynon and Iloco.]

https://philippinerevolution.nu/2023/06/21/125-taong-walang-humpay-na-pakikibaka-para-sa-pambansang-kalayaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.