Friday, February 10, 2023

CPP/NDF-Palawan/NDF Southern Tagalog: Tutulan ang pagtatayo ng panibagong mga base militar ng US sa bansa

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 9, 2023): Tutulan ang pagtatayo ng panibagong mga base militar ng US sa bansa (Oppose the construction of new US military bases in the country)
 


Leona Paragua
Spokesperson
NDF-Palawan
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

February 09, 2023

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Palawan sa pagtindig ng malawak na hanay ng mamamayan at mga tunay na makabayang Pilipino laban sa pagtatayo ng karagdagang mga base militar ng US sa bansa sa tabing ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Mariin naming kinukundena ang garapalang pagpapakatuta ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte, laluna ang pasista’t mersenaryong AFP-PNP sa imperyalismong US at ang pagsasapanganib nito sa bansa at sambayanang Pilipino.

Batid ng mamamayan ng daigdig na ang pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin sa bansa at ang nagpapatuloy na aktibidad ng US sa Southeast Asia ay panggagatong sa nagbabaga nang tensyon sa pagitan nito at ng China. Bahagi ito ng estratehiya ng US na gamitin ang Pilipinas kahanay ng Japan, Thailand at South Korea bilang prontera ng gera nito laban sa China.

Ang pagdaragdag ng base militar ng US ay tahasang pagyurak sa soberanya ng bansa at pagbalewala sa tagumpay ng ilang dekadang pakikibakang bayang nagpalayas sa base militar ng US noong 1991. Palibhasa’t mga masusugid na tuta ng imperyalismong US, ipinagkakanulo ng rehimeng Marcos-Duterte, sampu ng kanilang mga alipures sa kongreso at senado, at mga berdugong mga heneral ng NSA, DND at AFP-PNP ang kalayaan at kaligtasan ng mga Pilipino. Hindi nila alintana ang panganib na maaaring sapitin ng mamamayan tulad ng nararanasan ngayon ng mamamayan ng Ukraine na naiipit sa gyerang proxy sa pagitan ng US-NATO at Russia.

Hindi ikinatutuwa ng mamamayang Palaweño ang mga base at presensyang militar ng US sa probinsya. Hindi na sila makapangisda sa mayamang look ng Oyster sa Ulugan Bay. Ito rin ang nagpalayas at nagdisloka sa libu-libong pamilyang Palaweño, nanamantala sa mga kababaihan at nagpalala ng prostitusyon at kriminalidad sa lalawigan.

Hindi dapat pahintulutan ng mamamayan ang pagdaragdag ng bagong base militar ng US saanmang panig ng bansa, bagkus ay dapat itong tutulan at igiit ang pagpapalayas sa mga dati nang presensya at pasilidad militar nito sa bansa. Kabisado na natin ang hirap at pinsalang aabutin ng bayan sa pananatili ng mga ito. Bukod sa pagiging target ng gera tulad ng naganap noong World War II, kabi-kabilang paglabag sa karapatang-tao ang dulot ng pananatili ng base at presensya ng tropang US sa bansa.

Kasabay nito, hindi rin dapat pahintulutan ng mga tunay na makabayang elemento sa loob ng AFP na gawin lamang silang mga bantay at utusan ng mga tropang US sa sarili nating bayan. Dapat nilang ilantad at labanan ang pagyurak sa soberanya ng bansa at ang bawat paglabag sa kanilang karapatan at mga kaso ng korapsyon sa loob ng AFP at sa pagitan nito at ng tropang US.

Hinahamon rin namin ang mga lingkod bayan, laluna ang lokal na gubyerno ng probinsya na ipamalas ang pagka-makabayan sa pagtutol sa pagtatayo ng panibagong base militar ng US sa Palawan. Gayundin, dapat nilang tutulan ang nagpapatuloy na pag-angkin ng China sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Dapat ipawalambisa at igiit ang pagbabasura sa EDCA, Visiting Forces Agreement, Mutual Defense Treaty at iba pang makaisang-panig na kasunduang militar na pumapabor lamang sa US. Dapat magbigkis ang buong bayan para palakasin ang kilusan at pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Suportahan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan na siyang magwawakas sa daantaong pagkontrol ng imperyalismo sa bansa.###

https://philippinerevolution.nu/statements/tutulan-ang-pagtatayo-ng-panibagong-mga-base-militar-ng-us-sa-bansa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.