Monday, June 20, 2022

Kalinaw News: Mataas na Kalibre ng Baril at mga pampasabog ng NPA nakumpiska pagkatapos ng engkwentro sa mga Kasundaluhan sa Surigao del Norte

Posted to Kalinaw News (Jun 15, 2022): Mataas na Kalibre ng Baril at mga pampasabog ng NPA nakumpiska pagkatapos ng engkwentro sa mga Kasundaluhan sa Surigao del Norte (High Caliber Guns and NPA explosives confiscated after encounter with Armed Forces in Surigao del Norte)



Gigaquit, Surigao del Norte – Isang sagupaan ang naganap sa pagitan ng mga kawani ng 30th Infantry (Fight On) Battalion at teroristang grupo ng New People’s Army o mga NPA sa bulubunduking bahagi ng Sitio Tigbao, Brgy Balite, San Francisco, Surigao del Norte nitong umaga ng ika–14 ng Hunyo 2022.

Nangyari ang nasabing bakbakan pagkatapos makatanggap ng ulat mula sa mga sibilyan tungkol sa presensya ng armadong grupo na nagsasagawa ng pananakot at pangingikil sa nasabing lugar.

Rumisponde ang kasundaluhan mula sa 30IB pagkatanggap sa nasabing ulat at habang nagsasagawa ng pagpapatrolya sa komunidad upang kumpirmahin ang nasabing sumbong ay pinaputukan sila ng mga NPA na pinaniniwalaang grupo ng Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) 16B ng Guerilla Front (GF) 16 ng North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) na pinamumunuan ni Pablo Logatiman o mas kilala bilang Alyas Lucas at agad gumanti ng putok ang mga kasundaluhan na nagresulta sa tatlumpung minuto na bakbakan.

Agad din namang tumakbo papalayo ang mga armadong NPA dala ang kanilang sugatan na kasama at nakumpiska ang isang (1) M16 na baril, dalawang (2) ilegal na pampasabog, isang daan at siyamnapu’t limang (195) iba’t-ibang uri ng bala ng baril, mga personal na kagamitan, mga subersibong dokumento, dalawang (2) poncho tent, tatlong (3) backpacks, mga kagamitang pang-medisina, kalahating (1/2) sako bigas, siyam (9) na pirasong baterya, isang (1) electrical tester, at dalawang (2) rolyo ng electric wire.

Samantala, nagpadala agad ang Philippine Airforce ng dalawang 520MG/Attack Helicopters upang tutulong sa mga napasabak sa bakbakan na tropa ng pamahalaan. Walang nasaktan sa mga kasundaluhan sa nangyaring engkwentro.

Matatandaan na nitong Enero 24, 2022 nang magsimulang magkaroon ng Community Support Program (CSP) sa Brgy Balite. Dahil dito ay naging mabilis ang aksyong pangseguridad sa komunidad, ang mga mamamayan ay nagdeklara din ng pagbawi ng suporta sa mga armadong grupo ng NPA. Ito ay dahil ayaw na din ng mga tao ng kaguluhan.

Ayon sa pahayag ni Lt Col Ryan Charles G. Callanta, ang pinuno ng 30IB, lubos ang kanyang pasasalamat sa ibinigay na tiwala at suporta ng mga sibilyan, “Nagpapasalamat kami sa tiwala at suporta ng mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa presensya ng armadong grupo dahil sa kanilang pakikipagtulungan at kooperasyon sa ating kampanya laban sa terorismo. Ito ay nagpapakita lamang na ayaw na nila ng kaguluhan at pang-aabuso sa pamamagitan ng ekstorsyon at pananakot.”

“Muli kaming nananawagan sa mga natitirang miyembro ng NPA na sana’y pakinggan nila ang hinaing ng kanilang pamilya na bumalik na sa kanilang piling at mamuhay ng tahimik.” Dagdag pa niya.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/isang-mataas-na-kalibre-ng-baril-at-mga-eksplosib-o-pampasabog-ng-npa-nakumpiska-pagkatapos-ng-engkwentro-sa-mga-kasundaluhan-sa-surigao-del-norte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.