Saturday, November 13, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: “Malaking ginhawa” ang hindi pagkakahalal ni Roque sa ILC

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the PRWC Newsroom Website (Nov 13, 2021): “Malaking ginhawa” ang hindi pagkakahalal ni Roque sa ILC
 

Tinawag na “isang malaking ginhawa” ng unyon ng mga Pilipinong abugado ang hindi pagkakahalal sa tagapagsalita ni Rodrigo Duterte na si Harry Roque sa International Law Commission (ILC) noong Sabado. Sa isang pahayag, binati ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang “botong klarong pagtatakwil kay Roque” ng United Nations (UN) “sa harap ng malalakas na protesta at paglaban sa kanya ng mismong kanyang mga kabaro at mamamayan.” Maaari rin itong tignan bilang isang umaalingawngaw na pagtatakwil maging sa kanyang amo,” ayon sa grupo.

Sa eleksyong isinagawa sa isang plenaryong pagpupulong ng UN General Assembly (UNGA) sa araw na iyon, si Roque ang nakakuha ng pinakamababang boto (87 sa 191 balota) sa mga kandidatong mula sa Asia-Pacific. Mayroong walong pwesto sa ILC na nakalaan para sa mga abugado mula sa rehiyon. Ang ILC ay isang grupo ng mga eksperto sa batas na tumutulong sa pagpapaunlad at pagpapatupad sa internasyunal na batas. Ang mga kasapi nito ay inihahahal ng UNGA kada limang taon.

Tinutulan ng NUPL ang pagtakbo ni Roque sa ILC dahil sa kanyang “lantarang pagbibigay-matwid sa ekstrahudisyal na mga pagpaslang sa ilalim ng tinaguriang ‘gera kontra droga,’ paghalakhak sa malalaswang biro ng kanyang amo laban sa kababaihan, pagbibigay-matwid sa pampulitikang panggigipit kabilang na ang paggamit sa batas sa pag-atake sa mamamayan, pagkontra sa lehitimong mga kritisismo at paglaban, panggigipit sa midya, pagpapahiya at pang-iinsulto sa mga manggagawa sa kalusugan na kritikal sa palpak na mga hakbangin sa pandemya, at pagmamaliit sa internasyunal na mga grupong nagtitiyak sa pananagutan ng mga estado gaya ng International Criminal Court (ICC) at the UN Human Rights Council (UNHRC).”

Ayon sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS), notoryus si Roque sa “pagtatanggol sa labis-labis at militaristang mga lockdown na ipinataw ng rehimen imbes na mga napatunayan nang mga hakbangin sa pampublikong kalusugan para labanan ang pandemya, sa paggamit sa burukrasya para maglunsad ng kampanyang panunupil sa mga katunggali ng rehimen sa pulitika at sa mga aktibista, at pagbansag na ‘terorista’ sa mga katutubo, mamamahayag, abugado, manggagawa sa kalusugan, estudyante, at sinumang nagpapahayag ng paglaban.” Dagdag pa ng grupo, “hindi lamang binigyang-katwiran ni Roque ang masasahol na aksyon ng rehimen na nagresulta sa pagpaslang sa puu-puong libong tao, kundi binabaluktok din niya ang lenggwahe ng batas sa tangkang bigyang-matwid ang implementasyon ng gayong mararahas at tiwaling mga patakaran.”

Matatandaang inulan ng malawakang pagbatikos at pagtutol ang pagtakbo ni Roque sa ILC. Noong Oktubre 30, kinuyog ng mga kliyente ng isang restoran at mga aktibista si Roque sa New York, US habang nakikipagpulong sa mga myembro ng ILC para ipagpilitan ang sarili para maging kasapi nito. Tatlong araw bago ang eleksyon, naglunsad ng “e-mail barrage” ang mga progresibong grupo sa pangunguna ng ILPS para harangin ang nominasyon ni Roque sa ILC. Ayon sa grupo, “mangangahulugan ang pagluluklok sa kanya sa ILC ng pagbabasura sa masasahol na na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga internasyunal na pasistang kriminal katulad ni Duterte at marami pang iba (kabilang ang mga multinasyunal na korporasyon) na idudulog sa ICC at UNHRC.

Kabilang sa nagpahayag ng pagtutol sa nominasyon ni Roque ang 150 abugado, si Sen. Leila de Lima, mga kongresista, mga dekano ng mga paaralan sa abugasya, mga lider ng mga asosasyon ng abugado, mga propesor sa batas, at mga abugado sa karapatang-tao at internasyunal na batas mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Dalawampu’t apat na abugado rin mula sa isang bansa ang pumirma sa petisyon ng International Association of Democratic Lawyers para tutulan ang nominasyon ni Roque. Bago sa kanila, naghapag na ng pagtutol ang Free Legal Assistance Group at ang komiteng tagapagpatupad ng University of the Philippines-Diliman, ang alma matter o dating eskwelhan ni Roque.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2021/11/14/malaking-ginhawa-ang-hindi-pagkakahalal-ni-roque-sa-ilc/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.