Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 23, 2021): Mga pekeng programa ni Duterte, parehong taktika na gamit ni Marcos
SAMUEL GUERRERSPOKESPERSON
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND)
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 23, 2021
Mataas na tantos ng disempleyo, pataas nang pataas na presyo ng bilihin at langis, talamak na korapsyon sa gobyerno, paglabag sa mga karapatan ng mamamayang lumalaban- ito ang kalagayan ng lipunan bago ideklara ang martial law noong Setyembre 21, 1972 at ito rin ang kalagayan ng lipunan hangang sa kasalukuyan, makalipas ang 49 na taon.
Ang tanging ipinagbago: mas lumala ngayon.
Idineklara ng Rehimeng US-Marcos ang martial law upang supilin ang paghihimagsik ng mamamayan laban sa tiranya at upang bigyang-katwiran ang paghahasik ng lagim ng Philippine Constabulary (PC) at iba pang armadong galamy ng diktadura laban sa mamamayan tulad ng panghaharas, pagdukot, pagpatay, panggagahasa, at pagsosona sa mga liblib na baryo. Hakbangin ito at makapangunyapit sa poder si Marcos at ang kanyang pangkatin.
Sa kasalukuyan, mala-martial law ang paghahari ng Rehimeng Duterte gamit ang mga anti-mamamayang patakaran tulad ng Oplan Tokhang, Oplan Kapanatagan, SACLEO, MO 32 , EO 7O at Anti-Terrorism Law. Nagpaplano pa si Duterte na manatili sa poder sa pamamagitn ng pagtakbo bilang bise presidente sa eleksyong 2022. Mga taktika ito upang makonsolida ang kanyang pampulitikang kapangyarihan, makontrol ang mamamayan at makaiwas sa mga kasong kahaharapin niya matapos ang kanyang termino.
Simula 2018, nagkumahog ang 31st IBPA at kalaunan ang 22nd IBPA at Sorsogon PNP na pwersahin ang mga barangay council sa probinsya ng Sorsogon na ideklarang persona non grata ang rebolusyonaryong kilusan at maglunsad ng malawakang sapilitang pagpapasurender sa mga baryong itinuturing nilang impluwensyado o sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Bagamat sinasabing ang target ng programang Enhanced-Comprehensive Local Interation Program o E-CLIP ay mga NPA, ang pinuntirya nito sa aktwal ay mga sibilyan upang palabasin na marami nang NPA ang sumuko. Isang porma din ng saywar ang pagpapasurender sa mamamayan upang mabuwag ang pagkakaisa at tiwala sa isa’t isa at higit pa silang takutin.
Lumang tugtugin na ang mga taktikang ito ng rehimeng Duterte. Noong 1970s, ilanlibo ring magsasaka ang sapilitang pinasurender at napakarami ring sibilyan ang pinagbitbit nila ng shotgun, browning automatic, carbine, at pistola at sinabing mga NPA na sumuko. Nagdeklara rin si Marcos noon ng general amnesty (o pagpapawalang sala) sa mga susuko umanong sibilyan at npa. Ganitong-ganito rin ang iskrip ng AFP at PNP ngayon sa ilalim ng eclip na nagsasabing ” malilinis” diumano ang pangalan ng mga “maiinit” na sibilyan kapag sumailalim sila sa programang ito. Sa probinsya, di kukulangin sa 2,850 sibilyan mula sa hindi bababa sa 97 na barangay ang napilitan at nalinlang upang “sumurender” at ngayo’y kabilang sa mga tinaguriang “rebel returnee.”
Kahit ang mga nalinlang na pumasok sa pekeng programang E-CLIP ay hindi ligtas sa kamatayan o pagkakakulong. Tampok na mga halimbawa ang nangyari kay Michael “Ka Teban” Bagasala na pinatay ng mga pulis nitong Enero 24 sa kabila ng pagsuko niya noong 2018; ang pagdakip kay Zaldy Balicoco alyas Sonny nitong Agosto 3 kahit na nangako siyang susuko upang makapamuhay na bilang sibilyan alinsunod sa ipinangako sa kanya ng 22nd IBPA; at ang pagdakip kay Salvador Fulgar, isang senior citizen mula sa Brgy. San Antonio, Barcelona noong 2019. Matapos siyang kumbinsihin ng ilang surenderi na pumailalim sa E-CLIP, inaresto si Fulgar at kasalukuyang nakadetine sa Albay batay sa gawa-gawang kaso.
Hindi rin totoong tutulungan ng reaksyunaryong gobyerno na mamuhay nang tahimik ang mga sumukong NPA . Karamihan sa kanila ay inoobligang sumama sa mga operasyong kombat at operasyong paniktik kung kaya’t nagiging target din sila kalaunan ng rebolusyonaryong kilusan tulad sa kaso ng mga dating kasamang sina Antonio Benzon Jr. alyas Hazel, Michael Donaire alyas Abe, Norbert Bandojo Jr. alyas Patrick at Jonathan Escolano alays Marvin. Kung tatanggi naman sila ay nanganganib naman silang matulad sa masaklap na sinapit ni Michael Bagasala.
Ginagamit naman ang SACLEO sa ibang hindi napipilit sumurender. Pinararatangang miyembro ng NPA o Milisyang Bayan (MB) ang ilang indibidwal na nahuhuli ng PNP na may kasong murder, frustrated murder o attempted murder. Ngayong taon lamang (Enero hanggang Agosto) ay umabot na sa 16 sibilyan ang pinaratangan na nilang NPA o MB, 8 dito ay tinaniman ng baril at granada, habang 7 naman na sibilyan ang kanilang pinatay at pinaratangang NPA noong 2020. Upang bigyang katwiran ang kanilang madugong operasyon, umabot sa 6 pekeng engkwentro o senaryong nanlaban ang kanilang pinalabas mula 2020 hangang kasalukuyan, kabilang dito ang pagmasaker sa 5 magsasaka sa brgy. Dolos, Bulan (tingnan ang tala).
Makalipas ang 49 taon, lumang tugtugin at sayaw pa rin ang gamit ng Rehimeng US-China-Duterte sa desperadong hangaringng madurog ang rebolusyonaryong kilusan. Binanggit na noon ni Marcos na madudurog niya agad ang kilusan habang umuusbong pa lamang ito, ngunit hanggang ngayon ay taunang iniuusog ang deadline at lalong lumilinaw na pangarap lamang ito.
Napatunayan na ng kasaysayan na hindi batayan ang dami ng napilitang sumurender o ang bilang ng mga baryong napwersang magdeklara na persona non grata ang rebolusyonaryong kilusan, o kung ilang sibilyang pinagbibintangang NPA ang nadakip para masabing humihina na ang rebolusyonaryong kilusan. Ang tanging pinatutunayan ng mga ito ay ang kaduwagan ng rehimen at ang kabiguan nitong sawatain ang pag-abante ng rebolusyon.
Mga tala ng pekeng balita ng AFP at PNP sa prubinsya ng Sorsogon
Ang pagsandig sa pasismo at tiraniya ng alinmang rehimen ay pagpapakita lamang ng kawalan nito ng kakayahang tugunan kahit ang pinakabatayang pangangailangan ng mamamayan tulad ng lupa, trabaho, pagkain, serbisyong medikal at iba pa.
Hindi dapat magpalinlang ang mamamayang Sorsoganon sa mga pekeng balitang ipinalalaganap ng AFP at PNP. Kailangang magkaisa ang sambayanan upang mailantad ang karahasan na kanilang nararanasan mula sa rekasyunaryong estado at mailantad ang kainutilan nito sa pagtugon sa batayang pangangailangan ng mamamayan. Kailangang labanan at gapiin ang nakasusuklam na Rehimeng duterte at ipaglaban ng mamamayan ang kanilang mga karapatan sa harap ng tumitinding krisis. Tiyak na titindi pa ang mga kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao sa probinsya habang papalapit ang eleksyong 2022 bunsod ng desperasyon ng rehimen na makamit ang ipinangakong pagdurog sa kilsan bago matapos ang termino ni Duterte.
Hangga’t nanatiling malakolonyal at mapalapyudal ang bansa tiyak na lagi’t laging magagapi anumang anti-rebolusyonaryo at anti-mamamayang taktika o programa ang gamitin ng mga magdadaan pang rehimen. Hanggat may masang inaapi, nagugutom, inaalipin at pinapatay, hindi mawawala ang masang magnanais na magrebolusyon at sumampa sa bagong hukbong bayan.
https://cpp.ph/statements/mga-pekeng-programa-ni-duterte-parehong-taktika-na-gamit-ni-marcos/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.