Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 16, 2021): Magniningning ang mga alaala at pamana ng pakikibaka nina Ka Tikong at Ka JR sa puso ng mga Sorsoganon!
SAMUEL GUERREROSPOKESPERSON
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND) | BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND) | NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 16, 2021
Kinukundena ng Celso Minguez Command ang pagpaslang ng berdugong 22nd IBPA at PNP V kina Recto “Ka Cenon/Ka Tikong” Golimlim at Albert “Ka JR” Adamus Gupalao, noong Setyembre 2 sa pagitan ng mga Barangay Patag at Cawayan, Irosin. Pinabagsak man sila ng mga bala ng militar, nagniningning naman sa puso ng bawat Sorsoganon ang kanilang mga ala-ala at pamana ng pakikibaka.
Ka Cenon, moog ng pakikibaka
Walang pag-iimbot na ibinahagi ni Ka Cenon ang kanyang buhay sa pagrerebolusyon. Ang ubos kaya niyang pakikibaka para makamit ang mga kahingian ng maralitang magsasaka at lahat ng mamamayang pinagsasamantalahan ang nagpatigas sa kanyang gulugod upang maging mahusay na lider, kumander at kadre ng prubinsya. Sa alinmang sulok ng baryo at bundok, palagian siyang hinahanap ng mga masang kanyang nakasalamuha, binigyan ng edukasyon, minulat, inorganisa at napakilos. Kinagiliwan nila ang kanyang pagiging palabiro, inabangan ang kanyang mga kwento at taimtim na nakinig sa propaganda at pag-aaral na kanyang ibinahagi.
De-numero, iyan ang pagsasalarawan ng mga kasama kay Ka Cenon. Para sa kanya, ang ganitong aktitud ang nagpapakita ng mataas na pagturing at pagpapahalaga sa disiplina ng hukbo at mga prinsipyo ng Partido. Ito ang ninais niyang ikintil sa isip ng bawat pulang mandirigmang kanyang nakasama at naging kakolektibo. Mahalaga para sa kanya na isabuhay ng lahat ang disiplina at pagpapanibagong-hubog. Matalino at matiyaga rin si Ka Cenon, lahat ng maaaring matuklasan ay kanyang inaral at itinuro sa iba. Ginabayan niya kapwa ang mga bagong sampang mandirigma at ang masang nagsisimula pa lamang sa pag-unawa sa layunin ng rebolusyon. Marami sa kanyang mga naging kakolektibo ay umusbong bilang mahuhusay na kumander at kadre, taglay ang teorya at praktika ng rebolusyon.
Ipinamalas niya sa bawat nalulumbay na kasama ang pagbaka sa mga kahinaan at kalungkutan. Na kinakailangang magsakripisyo ng bawat isa kung nais nilang makamit ang inaasam ng tagumpay ng rebolusyon. Ang pagsasakripisyong ito ang kinilala ng kanyang pamilya na sumuporta rin sa kanyang pagkilos.
Itinanim niya sa puso ng bawat Sorsoganong kanyang pinagsilbihan ang kahalagahan ng pagrerebolusyon bilang natatanging solusyon upang bumalikwas sa kinamulatan nilang kahirapan. Hanggang sa huli niyang hininga, nananatiling nagniningas ang kanyang mga rebolusyonaryong aral, payo at karanasang ibinahagi sa kanyang mga kasama at pinagsilbihang masa.
Ka JR, usbong ng pagbabalikwas
Hindi rin makakalimutan ng masa ang kasigasigan at kasipagang ibinahagi ni Ka JR. Mula sa pagiging kasapi ng grupo ng kabataan, dinala niya sa higit na mataas na yugto ng pagkilos ang kanyang pakikibaka. Sumampa siya sa Bagong Hukbong Bayan. Mahinahon at tahimik na kasama, buong sigasig niyang tinanggap ang bawat tungkuling iniatas sa kanya. Nagsilbi siyang iskwad lider at mahigpit na pinanghawakan ang responsibilidad na ito. Ubos-kaya siyang nagsilbi sa masang kanyang minahal tulad ng pagmamahal niya sa kanyang pamilya at mga kasama. Sa bawat hakbang, sinikap ni Ka JR na isabuhay ang kawastuhan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang magsilbing ehemplo kapwa sa masa at mga kasama.
Ang isa ay nasa simula pa lamang ng landas ng pakikibaka, ang isa ay mahaba na ang linakbay. Ngunit kapwa ang kanilang mga hakbang, gaanuman kahaba o kaikli, ay dakilang ambag sa pagsusulong ng makatwirang digma ng mamamayan. Walang kaparis ang kanilang pag-aalay ng buhay sukat lamang upang isulong ang interes ng nakararami.
Hindi lulubog ang araw para sa pakikibaka ng mamamayan sa kanilang pagpanaw. Ang liwanag na kanilang iniwan ay hindi mamamatay, higit pa itong magliliyab upang magsilbing tanglaw sa bawat tahanan ng mga Sorsoganong kanilang buong-pusong pinagsilbihan. Ang liwanag na kanilang taglay ay daragdag lang sa pagningas ng mapulang araw na naglalagablab habang ito ay sumisikat sa silangan, kasabay ng pagkamit ng mamamayang Sorsoganon, mamamayang Bikolano at mamamayang Pilipino ng tumataginting na tagumpay!
https://cpp.ph/statements/magniningning-ang-mga-alaala-at-pamana-ng-pakikibaka-nina-ka-tikong-at-ka-jr-sa-puso-ng-mga-sorsoganon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.