Thursday, September 30, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Panukala laban sa panggagahasa sa mga bata, malapit na maisabatas

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 30, 2021): Panukala laban sa panggagahasa sa mga bata, malapit na maisabatas


ANG BAYAN | SEPTEMBER 30, 2021

Pumasa na noong Setyembre 28 sa pangatlo at panghuling pagbabasa sa Senado ang panukalang nagtataas sa “age of consent” o edad para sa ligal na relasyong sekswal ng mga bata ula sa dating 12-taong gulang tungong 16-taong gulang. Dalawampu’t dalawang senador ang pumabor dito habang isa ang nagpaliban. Ang panukala (Senate Bill No. 2332) ay tinagurian ding “End Child Rape Bill.” Una nang nagpasa ang Mababang Kapunungan ng bersyon nito (House Bill 7836) noong Disyembre 1, 2020.  Ang pagbabago ng age of consent para sa proteksyon ng mga bata ay matagal nang ipinaglaban ng Gabriela at iba pang mga grupong nagtanggol sa mga bata.

Sa magkatambal na mga panukala ng Senado at Kongreso, ituturing nang krimen ang pagkakaroon ng sekwal na aktibidad ng isang nakatatanda, sa sinumang batang lalaki o batang babae na may edad 16 pababa. Ibig sabihin, maaaring kasuhan ang sinumang nakatatanda ng statutory rape (panggagahasa), hindi na lamang acts of lasciviousness o child abuse, tulad sa nangyayari ngayon. Ito ay kahit “may pagsang-ayon” ang bata.

Sa bersyon ng Mababang Kapunungan, itinuturing ding krimen ang tinatawag na “grooming” o ang sikolohikal na manipulasyon ng isang adult sa isang bata para ihanda siya sa isang sekswal na relasyon. Ayon sa Gabriela, isa sa hadlang sa pag-usig sa mga nang-aabuso sa mga bata ay ang kunwa’y “consent” o pagsang-ayon ng bata sa mga sekswal na aktibidad.

Gayundin, nilusaw ng magkatambal na panukala ang tinatawag na “forgiveness clause” o ang lubos na atrasadong probisyon sa Revised Penal Code ng Pilipinas, na itinaguyod ng Anti-Rape Law na ipinasa noong 1997, na nagsasaad na maaaring iligtas sa pagkakasong kriminal ang sinumang nanggahasa kung “patatawarin” siya ng biktima o kung ikasal sila. Ibinasura rin ng mga panukala ang “forgiveness clause” sa pagitan ng mag-asawa na nagliligtas sa krimen ng di konsenswal na sekswal na aktibidad hanggang “pinatatawad” ng biktima ang kanyang “ligal na asawa.” uling-huli man, ituturing nang krimen laban sa mismong indibidwal at hindi krimen laban sa kalinisang-puri (chastity) ang panggagahasa.

Ituturing na ring krimen ang pagpapakasal o co-habitation (pagsasamang mag-asawa nang walang kasal) sa isang bata ng isang nakatatanda. Sinumang sumang-ayon sa kaayusang ito (mga magulang ng bata at kamag-anak) ay maaring ikulong nang hanggang 10 taon. Mawawalan rin sila ng awtoridad bilang mga magulang o guardian (tagapag-alaga). Ayon sa United Nations Population Fund, ika-12 ang Pilipinas sa may pinakamataas na tantos ng child marriages (o kasal ng mga bata) sa buong mundo. Anito, isa sa bawat anim na bata sa bansa ay ikinakasal bago mag-18 anyos.

Sa dalawang panukala, hIndi ituturing na kimen ang sekswal na relasyon sa pagitan ng mga bata o bata at nakatatandang magkalapit ang edad (close-in-age na tinatawag ring Romeo-and-Juliet/swetheart exemption) na konsenswal, di mapang-abuso at di mapagsamantala. Saklaw nito ang mga relasyon ng mga tinedyer, edad 16 hanggang 19-taong gulang lamang.

Naniniwala ang Commission on Population and Development (PopCom) na magkakaroon ng positibong epekto ang pagtataas ng “age of consent” sa pagpapababa ng mga bilang ng maagang pagbubuntis ng mga batang 16-anyos pababa na tinaguriang mga “very young adolescent” o batambatang dalagita o binatilyo. Anito, mabisang mahahadlangan ng panukala ang pang-aabuso sa mga dalagita na maaaring dinadaan sa lakas o maging biktima ng “power play” o paggamit ng kapangyarihan ng nakatatandang kalalakihan. Noong 2019, nagtala ang PopCom ng panganganak ng 10,422 mga batang edad-16 pababa. Ayon sa institusyon, kung maipapasa bilang batas ang panukala, maaring ituring na panggagahasa ang sekswal na aktibidad na nagbunsod ng mga pagbubuntis na ito. Sa 2020, tinataya ng PopCom na aabot sa 178,000 ang mga nabuntis na mga tinedyer dahil sa kawalan nila ng akses sa kontrasepsyon.

Sa isang pag-aaral ng Department of Social Welfare and Development na isinagawa sa pagitan ng 2015 at 2017, napag-alaman na kalakhan ng mga biktima ng panggagahasa ng mga bata ay nasa edad 14 at 18.

Sa isang pambansang sensus naman kaugnay sa karahasan laban sa mga bata na isinagawa noong 2015, nakitang isa sa bawat limang batang edad 13-17 ang dumanas ng sekswal na karahasan. Sa parehong pag-aaral, napag-alaman din na isa sa bawat 25 o 4.8% ng lahat ng mga sinarbey ay dumanas ng pamemwersang sekswal sa kanilang kabataan. Nakita rin sa pag-aaral na mayorya sa mga perpetrator o nagsagawa ng pang-aabuso ay mga kamag-anak ng mga biktima. Mas maraming batang lalaki (22.1%) ang nag-ulat na dumanas sila ng ng sekswal na karahasan kumpara sa batang kababaihan (15.9%).

Pinangangambahang lalupang tumindi ang panggagahasa at sekswal na karahasan laban sa mga bata sa panahon ng pandemya. yon sa Philippine Commission on Women, umabot sa 13,923 ang mga ulat ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan mula Marso hanggang Nobyembre 2020. Sangkot ang mga bata sa 4,747 mga kasong ito.

Sa Asia at sa buong mundo, isa ang Pilipinas sa may pinakamababang edad bilang “age of consent,” ayon sa United Nations. Dahil dito, kabilang ang mga batang Pilipino sa pinakabulnerable sa abuso at pagsasamantala sa buong mundo.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. t other corners of the world. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/panukala-laban-sa-panggagahasa-sa-mga-bata-malapit-na-maisabatas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.