Sunday, August 29, 2021

CPP/NPA-Kalinga: AFP-PNP pangunahing tagapagkalat ng Covid-19

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 28, 2021): AFP-PNP pangunahing tagapagkalat ng Covid-19

TIPON GIL-AYAB
SPOKESPERSON
NPA-KALINGA
ILOCOS-CORDILLERA REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (CHADLI MOLINTAS COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

AUGUST 28, 2021



Magdadalawang taon nang nakapailalim sa militaristang lockdown ang buong bansa. Nitong nakaraan, ayon mismo sa datos ng reaksyunaryong gobyerno, ay naitala ang mahigit kumulang 300,000 katao na ang hinuli dahil sa iba’t ibang paglabag sa naitakdang health protocol sa panahon ng pandemyang COVID-19. Halos lahat ng mga hinuli ay mga karaniwang sibilyan na madalas ay iyong mga napipilitang lumabas ng kanilang mga kabahayan para maghanap ng ikabubuhay lalo na at kakarampot o walang ayuda silang makuha mula sa rehimeng Duterte. Ngunit sa kabila ng kamay na bakal na pagpapataw ng lockdown sa sibilyang populasyon ay kabaliktaran ang luwag na ibinibigay sa mga nag-ooperasyong tropa ng AFP-PNP-CAFGU sa kanayunan. Walang health protocol, walang lockdown at malayang nagkakalat ng bayrus ang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa kalunsuran at kanayunan.

Sa Kalinga, patuloy ang mga operasyong combat, saywar at intel. Malayang nagpapakalat-kalat ang mga pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa kabila ng sobrang paghihigpit sa mga ordinaryong mamamayan para sundin ang health protocol. Pero sa mga sundalo at pulis ay hindi aplikable ang health protocol bagkus sila ang pangunahing lumalabag dito.

Nitong Agosto, habang nakapailalim sa GCQ ang buong probinsya isinagawa ng AFP-PNP sa ilalim ng programa ng NTF-ELCAC ang magkakasunod na operasyong CMO gaya ng feeding program at Youth Leadership Summit (YLS) na sa esesnya ay matatawag ng super-spreader event at nagsasawalang-bahala sa health protocol. Halimbawa, sa YLS na isinagawa sa halos lahat ng munisipyo sa probinsya, nagpataw ng kota ang AFP-PNP na di bababa sa sampung hanggang 20 na kabataan bawat barangay ang dadalo, isinagawa ito sa mga klasrum na may kapasidad lamang ng 40-50 katao ngunit nagsisikan ang halos 150 mga kabataan bawat munisipyo. Walang social distancing, walang pinamigay na face mask, ni alcohol o sanitizer ay wala, sabay-sabay sa pagkain, siksikan ang mga tao sa aktibidad na tumagal ng halos tatlong araw para bigyang daan ang mga lectures na nag-uumpisa mula 7 ng umaga hanggang 10 ng gabi. Di maitatangging isa itong potensyal na super-spreader event pero nagkibit-balikat lang ang mga sundalo at pulis.

Hindi sana nais ng mga magulang na magpunta ang kanilang mga anak rito pero dahil sa kota na ipinataw ng sundalo at pulis kada barangay napilitan silang isugal ang kaligtasan ng kanilang mga anak mula sa COVID-19 wag lang silang mared-tag o madahas. Sa katotohanan, ang pagtingin ng mga magulang ay di naman kinakailangan pa ang mga ganitong aktibidad na sa pangunahin ay nagtuturo di umano na paglaban sa terorismo at droga dahil una sa lahat ay wala namang alam ang mga bata hinggil sa droga. Pangamba nila na baka sa mga symposium pa gaya ng Kabataan Kontra Droga At Terorismo (KKDAT) pa nga matuto ang kanilang mga anak na maging bayolente at gumamit ng droga. Ang masaklap pa rito, hindi naisigurado na nasunod ang health protocol kahit pa sa kabila ng patuloy na pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa buong probinsya.

Matatandaan din ang naging karanasang ng mga residente ng Brgy. Gawaan sa munisipyo ng Balbalan kung saan matapos ang isang meeting na ipinatawag ng mga sundalo at pulis na naka-RSCP sa lugar ay napilitang mai-quarantine ang lahat ng dumalo dahil apat sa mga sundalo at pulis na nasa pulong ay nagpositibo sa COVID-19. Naantala ang kabuhayan ng mga masa at naging pasakit sa kanila ang panahong nasa quarantine facility sila dahil walang sapat na pondo para sa kanilang mga pangangailangan samantalang ang mga sundalo at pulis ay naka-catering pa ang pagkain.

Sa mga ganitong pangyayari, makikita ang pagpabor ng rehimen sa mga tauhan nito at pagsasawalang-bahala sa kagalingan ng mga ordinaryong sibilyan. Hindi napapanagot ang mga paglabag ng mga sundalo at pulis sa health protocols pero grabe ang parusa sa mga sibilyan. Walang sapat na ayuda bagkus limos ang ibinibigay ng rehimen gaya ng feeding program na ni hindi man lang sapat kahit sa isang araw na pagkain ng isang pamilya. Ang mga aktibidad na nagtitipon ng napakaraming bilang ng tao at di naisisigurado na may sapat na pagsunod sa health protocol ay napakalaking kapahamakan para sa mga mamamayan at ang nakakagalit dito ay mismong mga tauhan pa ng reaksyunaryong gobyerno ang nagpasimuno. Kung magkaroon man ng hawaan ay walang ibang magdurusa kundi ang mga masa dahil wala ni ano mang responsibilidad at tulong na manggagaling mula sa AFP-PNP at gayun na rin sa gobyerno.

Sa mga pangyayaring ito, dapat na ibunyag, batikusin at papapananagutin ang tropa ng 50th IB, Police Regional Office – Cordillera (PRO-COR) at Provincial Police Office (PPO-Kalinga) at mga upisyal nitong pasimuno ng mga super-spreader event gayun din ng nagpapatuloy na pagkakalat nila ng bayrus sa probinsya. Itigil ang mga operasyon combat at gayun din ang pananatili ng mga RCSPT sa mga baryo. Direktang dapat managot ang mismong rehimeng Duterte sa kriminal na kapabayaan sa pagtugon sa panahon ng pandemya.

https://cpp.ph/statements/afp-pnp-pangunahing-tagapagkalat-ng-covid-19/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.