Sunday, August 22, 2021

CPP/Ang Bayan: Bulok na paninira ng AFP sa BHB sa usaping kababaihan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2021): Bulok na paninira ng AFP sa BHB sa usaping kababaihan



Sa nagdaang ilang taon, sinimulan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang baluktot na kasinungalingang ipinalalaganap nitong “pang-aabuso” sa kababaihan sa loob ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ginagamit nitong “ebidensya” ang nakukumpiskang mga birth control pill, condom at pregnancy test mula sa mga kampo ng BHB bilang patunay ng “pang-aalipin at pang-aabusong sekswal” ng kalalakihang kasapi ng hukbo sa kababaihan.

Ito ay kahit malinaw na ang naturang mga suplay-medikal ay mga instrumentro sa responsableng pagpapamilya. Taliwas sa ipinalalabas ng AFP, pinatutunayan nito ang pagtataguyod ng rebolusyonaryong kilusan sa mga karapatan ng mga kababaihan sa kalusugan at reproduksyon. Hindi lamang malisyoso ang pambabaluktot ng AFP sa tunay na gamit ng mga ito, pinatutunayan din nito ang pagkamuhi at mababang pagtingin ng reaksyunaryong hukbo sa kababaihan.

Mahigpit na tumatalima ang mga kasapi ng BHB sa pagtataguyod ng mga karapatan at kagalingan ng kababaihan, laluna ng mga babaeng mandirigma. Nakasaad ito sa Walong Puntong Dapat Tandaan: “Huwag pagsamantalahan ang kababaihan.” Ipinatutupad ang prinsipyong ito sa lahat ng larangan, at laluna sa pakikipagrelasyon at pagaasawa. Pinapatawan ng aksyong pandisiplina ang sinumang lumabag sa mga alituntuning ito.

May mga alituntunin ang rebolusyonaryong kilusan sa pagpapakasal, gayundin ang paghihiwalay at diborsyo. Bahagi ng pagkilala sa karapatan ng kababaihan at ng mga mag-asawa ang pagsusulong ng reproductive health at pagpaplano ng pamilya sa loob ng hukbo. Naglalaan ng rekurso ang mga yunit ng BHB para sa pangangailangan sa kontrasepsyon. Aktibong inilulunsad ang mga pag-aaral sa pagbubuo ng rebolusyonaryong pamilya at kontrasepsyon sa pagitan ng mga mag-asawa.

Pag-abuso ng AFP sa kababaihan

Direktang magkasalungat ang patakaran ng AFP at BHB. Mismong ang hepe nitong si Rodrigo Duterte ang nag-utos na “barilin sa kanilang ari” ang mga babaeng mandirigma. Kaliwa’t kanan ang kanyang pambabastos at pagmamaliit sa kababaihan, at inengganyo niya ang mga sundalo at pulis na gumawa ng mga krimen laban sa kanila.

Laganap sa mga yunit ng AFP ang paglapastangan sa mga kababaihan at menor de edad. Nagaganap ang mga ito sa tuwing naglulunsad ng mga Retooled Community Support Program (RCSP) ang mga sundalo sa komunidad at matagal na nagkakampo sa mga barangay.

Noong nakaraang taon, iniulat ang sapilitang pagpapatawag ng mga sundalo sa mga kababaihan ng Sityo Tapayanon, Barangay Gupitan, Davao del Norte tuwing Sabado para pagpilian kung sino ang kanilang gagahasain. Nagresulta ito sa maramihang pagbubuntis sa naturang komunidad at sumira sa mga pamilya.

Kabilang din sa listahan ang panggagahasa ng isang elemento ng 54th IB sa isang 16 anyos na babae sa Tinoc, Ifugao noong 2018. Iniulat sa parehong taon ang panghihipo ng isa pang sundalo sa isang ginang sa Barangay Lob-ong, Asipulo.

Hindi rin iilan ang mga naitalang kaso sa Ifugao ng pakiki-apid ng mga sundalo sa mga may-asawa. Naiulat din ang pag-ihi ng isang sundalo sa harapan ng mga menor-de-edad na kababaihan. Minsan ding sumigaw ang isang sundalo sa isang komunidad sa Asipulo: “Two hundred lang babae dito, virgin pa!”

Sa isang panayam na inilathala sa rebolusyonaryong pahayagan ng Panay na Daba-Daba, saad ng mga magulang: “Mas mabuti pang iwanan ang aming dalagang anak sa isang platun ng BHB kaysa iiwanan kasama ang isang armi.”

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/08/21/bulok-na-paninira-ng-afp-sa-bhb-sa-usaping-kababaihan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.