Wednesday, June 23, 2021

Kalinaw News: Mga kabataang sumusuporta sa teroristang CPP-NPA nagbalik-loob sa pamahalaan; mga gamit pandigma isinuko

From Kalinaw News (Jun 21, 2021): Mga kabataang sumusuporta sa teroristang CPP-NPA nagbalik-loob sa pamahalaan; mga gamit pandigma isinuko

CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Anim na mga kabataan na taga suporta ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nagbalik-loob sa pamahalaan dala ang mga gamit pandigma sa Sitio Nursery, Barangay Disulap, San Mariano, Isabela noong ika-19 ng Hunyo taong kasalukuyan.

Nasa edad 18 hanggang 23 ang naturang mga kabataan na kung saan tatlo sa kanila ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo habang ang tatlo naman ay tumigil na sa kanilang pag-aaral.

Isinuko ng naturang mga kabataan sa hanay ng 98th Infantry Battalion ang dalawang homemade shotgun at mga bala nito. Ayon sa kanila, iniwan ang mga ito sa kanila ng teroristang CPP-NPA noong 2018.

Kalaunan ay itinuro naman nila ang kinalalagyan ng mga pampasabog at mga bala. Agad naman itong pinuntahan at hinukay ng kasundaluhan na kung saan, tumambad sa kanila ang 205 na piraso ng rifle grenades at 48 na mga bala ng M1 Garand Rifle.

Nakuha din ng mga kasundaluhan ang 134 na piraso ng mga flyers ng Danggayan Dagiti Mannalon-Cagayan Valley (DAGAMI), maging ang ilan pang mga pampletos at mga libro na naglalaman ng mga aral ukol sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Pagsisiwalat ng mga nagbalik-loob na mga kabataan, ipinapamahagi nila ang mga flyers ng DAGAMI-Cagayan Valley upang makahikayat ng mga indibidwal na sumama sa kanilang mga ikinakasang protesta laban sa gobyerno. Anila, sa ganoong paraan rin sila nahikayat ng mga taong kumausap sa kanila upang maging taga suporta ng teroristang CPP-NPA na sa ngayon ay labis nilang pinagsisihan. Dagdag pa nila, labis ang kanilang naging pasasalamat sa kasundaluhan dahil sa pagpasok ng Community Support Program sa kanilang barangay.

Ikinatuwa naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang pagbabalik-loob ng anim na mga kabataan. “Maraming kabataang umanib sa CPP-NPA ang nasawi sa mga pakikipagdigma laban sa pamahalaan. Mga kinabukasang nasayang dahil sa maling ideyolohiya. Marami sa kanila ay tulad ng mga kabataang sumuko sa 98IB. Mabuti na lamang at sila’y nagbalik loob at nagkaroon ng oportunidad na magsimulang muli. Aalalayan natin sila sa kanilang pagbabagong buhay.”

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/mga-kabataang-sumusuporta-sa-teroristang-cpp-npa-nagbalik-loob-sa-pamahalaan-mga-gamit-pandigma-isinuko/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.