Monday, June 14, 2021

CPP/NDF-Bicol: Sariling CMO units ng 9th IDPA, umaming panloloko at karahasan lamang ang makukuha ng masa mula sa AFP-PNP-CAFGU

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 14, 2021): Sariling CMO units ng 9th IDPA, umaming panloloko at karahasan lamang ang makukuha ng masa mula sa AFP-PNP-CAFGU

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JUNE 14, 2021



Bagsak na bagsak na ang morale ng mga elemento ng militar at pulis sa rehiyon. Hindi na nila masikmura ang brutalidad at pagkahumaling sa karahasan ng institusyon ng AFP-PNP-CAFGU na kanilang kinapapalooban. Hindi na nila kayang magbingi-bingihan sa mga gawa-gawang kwento ng labanan at panloloko sa masa ng NTF-ELCAC at mga lokal na katumbas nito. Hindi mapatahimik ang kanilang mga kalooban sa harap ng sunud-sunod na madudugong operasyon ng kanilang mga kabaro laban sa sibilyang populasyon. Nitong Hunyo 8, walang kakurap-kurap na minasaker ng mga elemento ng 2nd IBPA at PNP Masbate ang mga sibilyang sina Ramon ‘Boy’ Valenzuela Brioso, 58 taong gulang, residente ng So. Mabuaya, Matiporon, Milagros, Ailyn ‘Eket’ Bulalacao Gracio, 38 taong gulang, residente ng So. Bantolinao, Brgy. Amutag, Aroroy at Antonio ‘Tony’ Polegrantes, 50 taong gulang, mula sa Brgy. Hermosa, Cawayan. Si Brioso ay chief cowboy sa 7R Ranch habang si Polegrantes naman ay chief tanod ng kanilang barangay. Mula ang tatlo sa magkakaibang bayan. Sinadya sila sa kani-kanilang tahanan at dinukot madaling araw ng Hunyo 7. Matapos nito, pinalabas na napaslang na mga kasapi ng NPA sa isang pekeng engkwentro sa So. Porang, Brgy. Anas, Masbate City nang sumunod na araw.

Sa mga ulat ng masang ipinarating sa tanggapan ng NDF-Bikol, mismong mga kasapi ng Civil Military Operations (CMO) unit ng 9th IDPA na nagsasagawa ng Retooled Community Support Program (RCSP) ang nagsasabi sa kanilang huwag maniniwala sa sinasabi ng mga upisyal-militar. Ang ground force ng militar mismo ang nangungumbinsi sa mamamayan na huwag pumayag sa mga sapilitang pagpapapirma sa mga blangkong papel, pagkuha ng mga litrato at interogasyon. Ayon sa kanila, naghahabol lamang ng quota ang kanilang mga superior sa dami ng pekeng mapapasuko at mapapatay. Kalimitan, iniimbento at pinalolobo na lamang nila ang bilang ng mga napasuko upang makubra ang pondong nakalaan sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). Dagdag pa nila, kasinungalingan lang ang ipinapangakong kabuhayan ng NTF-ELCAC dahil kung may kakayahan talaga ang gubyernong ibigay ang pangangailangan ng masang anakpawis disinsana ay dati nang maunlad ang bansa. Nagmamalasakit lamang umano sila sa kanilang mga kapwa-maralita dahil ang lahat ng nasa listahan ng pekeng pinasurender ay target na ng madudugong atakeng militar.

Tiyak na maghahabol na naman ang AFP-PNP-CAFGU, NTF-ELCAC at mga lokal na sangay nitong baguhin ang kwento at siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Ngunit alam ng masa at kahit nga ng kanilang mismong tropa ang katotohanan. Kahit anong gawin nila, sadyang kabiguan ang tanging kahahantungan ng kanilang hungkag na kontrarebolusyonaryong gera. Hindi maipagkakaila ng taumbayan, sibilyan man o mula sa hanay ng militar at pulis, ang pagiging makatwiran ng demokratikong rebolusyong bayan at ang pagiging tapat ng rebolusyonaryong kilusan sa interes ng nakararami. Palaki nang palaki ang mga bitak at paksyon sa loob ng militar at pulis dahil marami sa kanila ang hindi na maatim ipagtanggol ang mersenaryong institusyong walang ibang alam gawin kundi ang maghasik ng teror at magpadanak ng dugo.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mga kasapi ng mersenaryong hukbo na nais nang tumiwalag sa kanilang hanay na dumulog sa rebolusyonaryong kilusan at tuluyan nang iwanan ang kanilang trabaho bilang mamamatay-tao ng naghaharing-uri. Nais ding ipaabot ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsaludo sa mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU na naglalakas-loob na isiwalat ang katotohanan sa kabila ng kaalamang tatargetin sila ng atake ng militar at pulis. Labis na ikalulugod ng sambayanang Pilipino kung higit pang darami ang bilang ng mga naliliwanagang elemento ng mersenaryong hukbong papanig sa hanay ng masang bumabalikwas. Marapat lamang na magbuklod ang lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan laban sa mga pwersa ng reaksyong ilang daantaon nang nagpapahirap at nambubusabos sa kanila.

https://cpp.ph/statements/sariling-cmo-units-ng-9th-idpa-umaming-panloloko-at-karahasan-lamang-ang-makukuha-ng-masa-mula-sa-afp-pnp-cafgu/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.