Friday, March 5, 2021

Kalinaw News: Liga ng mga Barangay sa Delfin Albano idineklarang Persona Non Grata ang teroristang CPP-NPA

From Kalinaw News (Mar 5, 2021): Liga ng mga Barangay sa Delfin Albano idineklarang Persona Non Grata ang teroristang CPP-NPA



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nagkaisa ang 28 na mga barangay sa bayan ng Delfin Albano, Isabela sa pagdedeklara ng Persona Non Grata laban sa mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos maipasa ang resolusyon noong ika-4 ng Marso 2021.

Sa bisa ng resolusyong ipinasa ng Liga ng mga Barangay (LNB), hindi tatanggapin ang mga rebeldeng CPP-NPA sa mga barangay ng naturang munisipalidad. Ang resolusyon ay ipinasa dahil sa dami ng mga naitalang insidente ng pang-aabuso, pananakot, pangingikil at pangmamalupit ng teroristang CPP-NPA sa mga inosenteng indibidwal kabilang narin ang mga ginagawang pag-atake sa mga tropa ng pamahalaan.

Batay din sa naipasang resolusyon, paiigtingin din ng LNB ang kanilang koordinasyon sa hanay ng kasundaluhan maging sa kapulisan upang masigurong hindi makapapasok sa kanilang bayan ang teroristang CPP-NPA. Hindi na umano nila hahayaang makapanlinlang, makapanakot at makapagrekrut ang teroristang CPP-NPA.

Ayon kay Barangay Captain Jay Caliguiran, Presidente ng LNB sa nasabing bayan, agaran nilang ipagbibigay alam sa kasundaluhan at kapulisan ang anu mang impormasyon na kanilang makakalap tungkol sa teroristang CPP-NPA. Aniya, kaisa sila sa adhikain ng pamahalaan na masugpo ang armadong grupo na isa sa mga nagpapahirap sa kanilang pamumuhay lalo na sa kanilang nasasakupan. “Iisa ang ating layunin. Ang mapaunlad ang ating bayan at mailayo ang ating pamilya’t mahal sa buhay mula sa mapagsamantalang NPA. Ipinapangako ko sa ating kasundaluhan at kapulisan na walang makakapasok na mga rebelde sa aming mga barangay. Hangad naming mapanatili ang mapayapa at maunlad na barangay dito sa Delfin Albano. Kaisa ninyo kami sa pagsugpo sa teroristang CPP-NPA!”

Inihayag naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang kanyang pasasalamat sa ginawang hakbang ng mga kapitan sa bayan ng Delfin Albano upang mapabilis ang pagsugpo sa insurhensiya. “Hangad natin ang pag-unlad ng ating bayan. Ang hakbang na ito ay isang malaking ambag sa kampanya ng pamahalaan na tuluyan ng mawakasan ang insurhensiya sa ating bansa. Umaasa ako, na magtutuluy-tuloy ang ating ugnayan at pagtutulungan upang mapagtagumpayan natin ang ating laban kontra insurhensiya.”

Samantala, matatandaang kamakailan lamang ay idineklara na ring Persona Non Grata ang mga teroristang CPP-NPA sa bayan ng Tumauini, Isabela.

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/liga-ng-mga-barangay-sa-delfin-albano-idineklarang-persona-non-grata-ang-teroristang-cpp-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.