Sunday, March 7, 2021

CPP/NPA-Bicol ROC: Amnesty Proclamation ni Duterte: Pagmamakaawa para sa malawakang pagsuko at pagpayag sa kriminalisasyon ng mga demokratikong karapatan

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 4, 2021): Amnesty Proclamation ni Duterte: Pagmamakaawa para sa malawakang pagsuko at pagpayag sa kriminalisasyon ng mga demokratikong karapatan

RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

MARCH 04, 2021



Ano ang karapatan ng isang diktador na patawarin ang isang taong wala namang pagkakasala? Ito ang sigaw ng mamamayan matapos ang paglalabas ni Duterte ng serye ng mga amnesty proclamation para sa mga tinuturing niyang kaaway gaya ng CPP-NPA-NDFP, MNLF at ang reaksyunaryong RPB-ABB.

Upang mabiyayaan ng benepisyo at ng amnestiya, kailangang aminin ng isang indibidwal ang kanyang mga krimen at sumumpa ng katapatan sa reaksyunaryong gubyerno. Katumbas ito ng pagpayag sa kriminalisasyon at pagsuko ng demokratiko, soberano at makatwirang karapatan ng mamamayang humawak ng armas at labanan ang isang gubyernong lubhang umabuso sa kapangyarihan at gumagamit dito laban sa taumbayan.

Alam naman ng lahat na ang naturang proklamasyon ay huling tangka ni Duterte na makamit ang kanyang target na padapain ang rebolusyonaryong kilusan bago magtapos ang kanyang termino. Matagal nang itinakwil ng CPP-NPA-NDFP at ng sambayanang lumalaban ang kagustuhan ng GPH na magbaba ng armas bago bumalik sa mesa ng usapang pangkapayapaan. Dahil sa kabiguang mabitag sa gayong pakana ang rebolusyonaryong kilusan, heto na naman si Duterte at ang kanyang mga hungkag na pakulo. Nagmamakaawa siya sa mamamayang talikdan ang armadong pakikibaka at sumumpa ng katapatan sa pasista at mapanupil na estado.

Gaya ng mga nauna nang pakana ng lokalisadong usapang pangkapayapaan, pagpapatupad ng ATA, pag-iral ng NTF-ELCAC at iba pang mga kasuklam-suklam na estilo ng pasipikasyon at pagpapasuko, pinapahiwatig lamang nito ang tumitinding takot ng pasistang rehimen sa lumalawak na kilusan laban sa diktadura at sa lumalakas na armadong pakikibakang handang biguin ang bawat diktaduryang rehimen at ibagsak ang kasalukuyang bulok at mapanupil na sistema.

Walang maaasahan mula sa mga pasistang halimaw. Paano pa ipagtatanggol ng inaapi’t pinagsasamantalahan ang kanilang mga sarili mula sa mga mersenaryong hukbo at tuluy-tuloy na atake ng mga pasistang rehimen kundi sa paghawak ng armas? Nananawagan ang RJC-NPA Bikol sa mamamayan, laluna sa masang Bikolano, na lumahok at higit pang palakasin ang armadong pakikibaka. Hindi kayang padapain o pahinain ng mga mapanlinlang at pekeng pangako at proklamasyon ang mga rebelyon, pag-aaklas at kilusang pagpapalaya. Dumarami ang mga ito kailanman at saanman umiiral at tumitindi ang pang-aapi at pagsasamantala. Lumalawak at lumalakas ito dahil tinataguyod nito ang interes ng mamamayan. At mananatili ang mga ito hangga’t patuloy na umiiral ang mga ugat ng kahirapan at pagdarahop.

https://cpp.ph/statements/amnesty-proclamation-ni-duterte-pagmamakaawa-para-sa-malawakang-pagsuko-at-pagpayag-sa-kriminalisasyon-ng-mga-demokratikong-karapatan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.