Sunday, March 7, 2021

CPP/NDF-Bicol: Ispesyal na yunit ng CAFGU para sa eleksyon 2022, tagapagtaguyod ng pasismo ng estado

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 4, 2021): Ispesyal na yunit ng CAFGU para sa eleksyon 2022, tagapagtaguyod ng pasismo ng estado

MA. ROJA BANUA

SPOKESPERSON

NDF-BICOL

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MARCH 04, 2021

Mahigpit na kinukundena ng NDF-Bikol ang pagbubuo ng ispesyal na yunit ng CAFGU para sa eleksyon 2022. Ngayong Pebrero, ibinalitang mayroon nang Memorandum of Agreement (MOA) ang gubyerno ng Camarines Sur at 9th IDPA para rito. Sa bisa nito, kargo ng mga lokal na yunit ng gubyerno ang pagpapasweldo sa kanila ngunit gagalaw pa rin sila sa kumpas ng kumand ng AFP. Tiyak na interes ng diktadura at mga burukrata kapitalista, at hindi karapatan ng mamamayan, ang ipagtatanggol nila.

Dagdag na banta at panganib sa buhay at kabuhayan ng masang Bikolano ang pagde-deploy ng karagdagang elemento ng CAFGU sa mga barangay at munisipalidad. Sa maraming kaso, magkasapakat ang militar at CAFGU sa mga paglabag ng karapatang tao sa rehiyon. Kabilang na rito ang paggahasa at pagpaslang kay Diana Rose Razo sa Brgy. Pampang, Castilla, Sorsogon noong 2017. Sa Albay, magkasabwat ding pinaslang ng CAFGU at mga militar sina Mario Pantoja Maritana at Amador Orfano noong Oktubre 2018. Higit pa itong lalala sa panahon ng halalan. Tiyak na tatargetin ang mga progresibong kandidato, partylists at tagasuporta ng mga ito. Mula 2016, umaabot na sa 15 kasapi ng mga progresibong partylist, lokal na upisyal ng gubyerno at pulitiko ang pinaslang sa rehiyon.

Inuudyukan din ng MOA ang higit na matinding karahasan at ribalan sa pagitan ng mga burukratang nag-aagawan sa pwesto. Gawi na ng mga sagadsaring pulitikong magkanlong at kumuha ng mga elemento ng CAFGU at paramilitar upang atakehin ang mga kalaban sa pulitika, palakasin at i-preserba ang kanilang pampulitikang kapangyarihan. Dahil ibinibigay ng MOA sa mga nasa poder ang kontrol sa deployment ng espesyal na yunit CAFGU, dapat nang asahan ang pagdumog at panghahalihaw ng mga ito sa mga balwarte ng oposisyon.

Sangkap din ang MOA ng kabuuhang kampanyang kontrainsurhensya ng rehimeng US-Duterte. Tulad ng mga nakaraang eleksyong Lantarang pinanghihimasukan ng militar, ang MOA ay isang desperadong tangka ng pasistang rehimen upang ituloy ang okupasyon at mga operasyong militar kahit sa panahon ng halalan. Liban sa pang-aatake sa masa at pagsikil ng kanilang mga karapatan, target nito ang rebolusyonaryong kilusan laluna ang BHB. Layunin nitong hadlangan ang lahat ng hakbangin ng rebolusyonaryong kilusan upang ipagtanggol ang kapakanan ng masang saklaw ng kanilang mga yunit sa panahon ng eleksyon.

Ngunit sa likod ng proteksyong ibibigay umano ng CAFGU sa mga pulitiko ay ang pagkontrol at pagbabantay ng militar sa galaw ng mga upisyales ng lokal na gubyerno. Maliban sa pagtatatak sa sarili bilang kaaway ng mamamayan, ginagawa ng pulitikong alipin ng militar ang kanyang sarili. Sa pinakamalubhang senaryo, maaari siyang patayin ng kanyang mga itinuturing na tagapagtanggol kung mayroon siyang mga transaksyong taliwas sa interes ng militar at sa naghaharing paksyon ng burukrata kapitalista.

Hamon para sa masang Bikolanong magkaisa’t labanan ang papatinding atake ng pasistang estado sa rehiyon. Marapat nilang hamunin ang kanilang mga kinatawan sa lokal na yunit ng gubyernong ipagtanggol ang masang anakpawis, makiisa sa panawagan para sa katarungan para sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado. Itakwil ang MOA, ATA, MO 32, EO 70 at iba pang mga kahalintilad na pasista at mapanlinlang na atas.

https://cpp.ph/statements/ispesyal-na-yunit-ng-cafgu-para-sa-eleksyon-2022-tagapagtaguyod-ng-pasismo-ng-estado/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.