Friday, January 8, 2021

CPP/NPA-ST-ROC: Pulang saludo sa mga martir ng Lucio de Guzman Command!Magpunyagi! Biguin ang terorismo ng AFP-PNP sa rehiyon!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 7, 2021): Pulang saludo sa mga martir ng Lucio de Guzman Command!Magpunyagi! Biguin ang terorismo ng AFP-PNP sa rehiyon!

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

JANUARY 07, 2021

 

Pinakamataas na saludo at pagpupugay sa apat na kasamang martir ng Lucio de Guzman Command. Nakatanghal ang mga baril ng mga Pulang mandirigma ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog upang dakilain ang mga buhay na inialay nina Dario “Ka Poldo” Almonte, Reagan “Ka Jake” dela Calsada, Irene “Ka Analyn” Yam-ay at Kook “Ka Jimer” Mabugay.

Namartir sina Ka Poldo, Jake, Analyn at Jimer sa labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command (LdGC)-NPA Mindoro at 4th Infantry Battalion (IB) noong Disyembre 14, 6:00 ng umaga sa Sitio Surong, Brgy. Aguas, Rizal, Occidental Mindoro. Pataksil na inatake ng 4th IB ang yunit ng LdGC na nagbibigay-serbisyo at naglulunsad ng konsultasyon sa mga Mindoreño hinggil sa lumalalang pang-aapi at pagsasamantalang pyudal sa kanila kahit sa gitna ng pandemya at nagdaang mga bagyo. Walang pakundangang namutok ang 4th IB sa pinwestuhan ng yunit ng LdGC nang hindi isinaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente sa malapit na komunidad. Magiting na hinarap ng mga kasama ang mga palalong pasista upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ang masa sa lugar. Sa proseso’y nagbuwis ng buhay ang mga kasama.

Dakila ang mga buhay na inialay nina Ka Poldo, Ka Jake, Ka Analyn at Ka Jimer. Sila ay nagmula sa uring anakpawis na dumanas ng kahirapan, naunawaan ang kabuluhan ng rebolusyon at nakita rito ang kalutasan sa lumalalang krisis ng bayan.

Si Ka Poldo ay tubong Roxas, Oriental Mindoro pero nakarating sa iba’t ibang lugar para sa pagtatrabaho bilang isang manggagawa. Naging isang lider unyonista sa Batangas noong dekada 80. Namulat siya at pinanday sa pakikibaka ng mga manggagawa at maralita sa Sta. Clara laban sa demolisyon upang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan at panirikan sa panahon ng pagtatayo ng Batangas International Port. Nagpasya siyang sumampa sa NPA noong 1985 at kumilos bilang isang mahusay na kumander ng NPA sa Batangas. Naitalaga siya sa kanyang bayang sinilangan sa Mindoro noong 2007 at mula noon ay tumayong platun lider dito. Naging kagawad siya ng Komite sa Isla mula 2018.

Si Ka Jake ay isang kabataang Remontado na namulat at nagpasyang sumapi sa NPA upang ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno. Dinanas niya ang pandarahas ng estado na naglayong palayasin sila sa kabundukan ng Sierra Madre upang bigyang-daan ang mga proyekto ng mga dayuhang korporasyon. Sa tulong ng NPA sa kanilang lugar, naantala ang mga proyektong ito kaya nakita niya ang kawastuhan ng pagsusulong ng rebolusyon. Mabilis siyang nagpasyang sumapi sa Pulang hukbo. Tinanggap niya ang kanyang disposisyon sa Mindoro noong 2019.

Si Ka Analyn naman ay isang kabataang Mangyan mula sa Rizal, Occidental Mindoro na nagpasyang magpultaym sa Hukbo noong 2014. Dinanas niya ang diskriminasyon sa mga pambansang minorya, laluna sa mga kababaihang Buhid. Hindi na nakapagtapos ng pag-aaral si Ka Analyn kaya sa Pulang paaralan na siya nagtuluy-tuloy sa pag-aaral ng pagbabasa, pagsusulat at pagkukwenta. Inspirasyon siya ng mga kababaihang Buhid sa lokalidad at yaong mga humawak ng sandata upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at lupaing ninuno. Tumatayo siyang upisyal sa lohistika ng kanilang iskwad at pana-panahon ng kanilang platun.

Si Ka Jimer naman ay isang kabataang Ratagnon (mestisong Mangyan-Hanunuo at Bisaya) na nagpasyang sumapi sa NPA dahil sa kahirapang dinanas bilang manggagawang bukid at katutubo. Mabilis niyang naunawaan ang kahalagahan ng pagsusulong ng rebolusyon at ang dalisay na hangarin nito para sa mga katulad niyang magsasaka. Gumagampan siya ng mga rebolusyonaryong tungkulin sa lokalidad bago sumampa sa NPA nitong Pebrero 2020. Isa siya sa mga kabataang tinanggap ang hamong tahakin ang landas ng rebolusyon upang baguhin ang kanilang abang kalagayan at pawiin ang pagsasamantala at pang-aapi sa kanilang uri.

Sila ang mga tunay na bayani ng sambayanan na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang buhay sa rebolusyon. Buong sikhay nilang ginampanan ang kanilang mga rebolusyonaryong tungkulin hanggang sa kanilang huling hininga upang palayain ang mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan. Inspirasyon ang kanilang buhay at pakikibaka upang ipagpatuloy ang kanilang sinimulan at itaas ang antas ng armadong pakikibaka.

Sa harap ng matinding kapabayaan ng estado sa panahon ng pandemya at mga kalamidad na nagdaan, pinaiigting pa ng rehimen ang mga operasyong militar at pulis para sa patuloy na paghahasik ng takot at teror sa bayan. Namatay ang mga kasama sa mga labanan sa TK matapos ideklara ni Duterte na walang tigil-putukan hanggang sa katapusan ng kanyang termino. Higit pang pinaigting ng teroristang pang-uudyok ni Duterte ang mga operasyong militar at pulis sa rehiyon sa kanilang imbing layunin at panaginip na ubusin ang NPA alinsunod sa itinakdang target ng rehimen na lipulin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino.

Sa harap ng nagpapatuloy na terorismo ng estado at ng lugmok na kalagayan ng sambayanan ngayong pandemya, hindi magmamaliw ang pakikibaka ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC. Pagbabayarin nang mahal ng NPA ST ang AFP-PNP sa lahat ng kanilang mga krimen at inutang na dugo sa sambayanan. Imbes na matakot, patuloy na magpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na labanan ang mga atrosidad ng rehimeng Duterte.

Hindi masasayang ang buhay na inialay nina Kasamang Poldo, Jake, Analyn at Jimer. Hangga’t hindi napapawi ang samu’t saring pagsasamantala at pahirap ng estado sa bayan, patuloy na dadami ang mga tulad nilang handang lumaban para wakasan ang terorismo ng estado at pawiin ang pagsasamantala. Asahan ng sambayanang Pilipino ang pag-iibayo ng digmang bayan upang maipagtanggol sila sa paninibasib ng rehimen at maisulong ang kanilang kapakanan at kagalingan sa ilalim ng itatayong demokratikong gubyernong bayan sa tagumpay.

Mabuhay ang alaala nina Ka Poldo, Ka Jake, Ka Analyn, Ka Jimer at iba pang rebolusyonaryong martir ng sambayanan!

Singilin ang teroristang AFP-PNP sa kanilang mga krimen at inutang na dugo sa bayan!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

https://cpp.ph/statements/pulang-saludo-sa-mga-martir-ng-lucio-de-guzman-commandmagpunyagi-biguin-ang-terorismo-ng-afp-pnp-sa-rehiyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.