Monday, December 28, 2020

Tagalog News: 8 dating rebelde, binigyan ng tulong pinansiyal ng LGU OrMin

From the Philippine Information Agency (Dec 28, 2020): Tagalog News: 8 dating rebelde, binigyan ng tulong pinansiyal ng LGU OrMin (By Dennis Nebrejo)


Personal na inabot ni Gob. Humerlito Dolor ang tseke na nagkakahalaga ng P65,000 sa dating rebelde (gitna) bilang agarang tulong pinansiyal kasama sina (mula kaliwa) Police Prov'l Dir. Col. Mardito Anguluan, 203rd Infantry Brigade Cmdr. Col, Jose Augusto Villareal at DILG Prov' Dir. Ulysses Feraren na ginanap sa Tamaraw Hall ng Kapitolyo kamakailan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Dis. 28 (PIA) -- Ipinagkaloob ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa walong sumukong rebelde sa pamahalaan ang agarang tulong pinansiyall, bilang bahagi ng programa ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) sa ilalim ng Executive Order No. 70 ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ginanap ang nasabing pagkakaloob sa Tamaraw Hall ng Kapitolyo ng lalawigan kammakailan.

Mensahe ni Dolor sa mga sumukong rebelde, “kami ay nagagalak dahil tumugon kayo sa hamon ng pamahalaan na bumaba at magtiwala sa kasalukuyang administrasyon upang kayo’y tulungan na makapagbagong buhay sa pamamagitan ng mga insentibong ipagkakaloob sa inyo.”

Ang walong indibidwal ay tumanggap ng tig-P65,000 kung saan ang P50,000 ay tulong pangkabuhayan at ang P15,000 ay agarang tulong pinansiyal. Bukod dito, mayroon din ang tumanggap ng P15,000 lamang na kabilang sa Milisyang Bayan (MB) na ang gawa lamang ang magmanman sa kapatagan.

Samantala, ayon sa mga dating rebelde ay bibili ang ilan sa kanila ng mga baboy, baka, kambing at kalabaw upang alagaan saka ipagbibili habang ang iba ay magtatayo ng sari-sari store.

Nagpasalamat naman ang mga napagkalooban dahil hindi na aniya sila kailangan pang magtago at makipaglaban sa batas at ang inaasahang kapayapaan at katahimikan ay makamtam na rin sa buong bansa.

“Ngayong may bagong buhay na kayo dahil nasa panig na kayo ng pamahalaan, inyo nang hikayatin ang inyong mga kasamahan sa bundok na bumaba na rin upang mas lalong makamit ang tunay na kapayapaan at katahimikan ng bawat Pilipino,” pagtatapos ng gobernador.

Dumalo din sa nasabing aktibidad sina 203rd Infantry Brigade Commander Col. Jose Augusto Villareal ng Phil. Army, Police Provincial Office Director Col. Mardito Anguluan, Dept. of Interior and Local Government (DILG) Prov’l Dir. Ulysses Feraren at Prov’l Social Welfare and Development Officer Zarah Magboo. (DPCN/PIA-OrMin)

https://pia.gov.ph/news/articles/1062547

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.