Monday, December 28, 2020

Tagalog News: 14 dating NPA, tumanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng E-CLIP

From the Philippine Information Agency (Dec 28, 2020): Tagalog News: 14 dating NPA, tumanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng E-CLIP (By Leila B. Dagot) 


Iniaabot ni Department of Interior and Local Government (DILG) Palawan Provincial Director Virgilio Tagle (pangalawa sa kanan) ang tseke na naglalaman ng tulong pinansyal para sa mga sumukong rebeldeng New People's Army (NPA) at nagbalik-loob sa gobyerno. (Larawan ni Leila B. Dagot/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Dis. 28 (PIA) -- Pinagkalooban ng tulong pinansiyal ng pamahalaang nasyunal ang 14 na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Palawan na nagbalik-loob sa gobyerno kamakailan.

Ang seremonya ay isinagawa kamakailan sa Western Command (WesCom) na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), kasama ang pamunuan ng WesCom at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ang mga ito ay residente ng iba’t ibang munisipyo sa lalawigan na sumuko noong Agosto 4, Setyembre 30, at Oktubre 28, ngayong taon.

Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), bawat isa sa mga ito ay tumanggap ng kaloob na pinansiyal na kanilang magagamit para sa kanilang kabuhayan habang tinatamasa ang payapa at malayang pamumuhay.

Ayon kay Virgilio Tagle, provincial director ng DILG-Palawan, nagpalabas ng pondo ang pamahalaang nasyunal ng pondo na nagkakahalaga ng P722,800 para sa nasabing mga dating rebelde.

Samantala, kasabay nito, ginawaran din ng halagang P100,000 ang pamilya ng namatay na sundalo na si SSgt. Cesar Barlas.

Ang nasabing halaga ay mula naman sa pondo ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na ipinagkaloob sa mga naiwan ng bayaning sundalo sa pamamagitan ng PSWDO.

Si Barlas ay napaslang sa naganap na engkuwentro kamakailan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at grupong NPA sa bayan ng Brooke’s Point.

Bilang pagtalima sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na naglalayong wakasan ang armadong pakikibaka, hinikayat ni Tagle ang mga mga miyembro ng NPA sa lalawigan na nagpapatuloy sa kanilang gawain na bumaba na at sumuko na lamang sa gobyerno kapalit ang payapang pamumuhay kasama ang kani-kanilang pamilya. (LBD/PIAMIMAROPA)

https://pia.gov.ph/news/articles/1062580

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.