Sunday, October 11, 2020

Teroristang NPA, sinunog ang bunkhouse ng mga trabahador sa Lal-lo, Cagayan

From the Philippine Information Agency (Oct 11, 2020): Teroristang NPA, sinunog ang bunkhouse ng mga trabahador sa Lal-lo, Cagayan (By 5th Infantry Battalion)

Litrato ng 5ID

GAMU, Isabela, Oktubre 11 (PIA - - - Isa na namang teroristang gawain ang ipinaranas ng rebeldeng Henry Abraham Command- New People’s Army sa mga manggagawa matapos sunugin ang kanilang tinutuluyang Bunk House sa Barangay Dagupan sa bayan ng Lal-lo sa Cagayan noong ika-9 ng Oktubre taong kasalukuyan.

Ito ay isang patunay na pahirap sa mga manggagawa ang epekto ng hindi makataong gawain ng mga rebeldeng NPA at ayaw nilang umangat ang antas ng pamumuhay ng mga residente sa nasabing lugar.


Sa naging pahayag ng mga residente, patatayuan ng imprastraktura para sa pangkabuhayan ang mga lupang nabili ng negosyanteng si Danilo Tamayo na siya namang sinusuportahan ng mga residente ngunit tinutulan ng mga teroristang NPA.

Ayon sa mga manggagawa,nais lamang nilang magkaroon ng pagkakakitaan para sa kanilang pamilya ngunit mas pinahirapan sila ng mga rebeldeng NPA matapos na sunugin ng mga ito ang kanilang bunkhouse.

Nagpapakita ito ng pagiging makasarili ng mga teroristang grupo dahil kanilang hinahadlangan ang nakatakdang pag-asenso ng mga mamamayan sa bayan ng Lal-lo.

Litrato ng 5ID

Ayon sa salaysay ng mga security guard na nakasaksi sa pangyayari, nagtungo ang hindi mabatid na bilang ng mga indibdiwal sa bakuran na pagmamay-ari ni Tamayo at biglaan na lamang silang piniringan at iginapos. Matapos nito, sinunog ng naturang grupo ang tatlong mga kubo at tinangay ang isang shotgun at 9mm pistol na baril.

Agad itong ipinagbigay alam sa tanggapan ng 501st Infantry Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army na nakatalaga sa nasabing lugar na kung saan, mabilisan naman ang ginawang pagresponde ng naturang hanay.

Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari habang nagsasagawa na ng manhunt operation ang kasundaluhan kasama ang kapulisan para sa agarang pagkakahuli ng mga salarin. Natukoy naman sa inisyal na imbestigasyon na ang biktimang si Tamayo ang nagmamay-ari ng DDT Construction Inc.

Dahil sa hindi makataong ginawa ng mga rebeldeng NPA, apektado ngayon ang pangkabuhayan ng mga trabahante sa naturang kompanya.

Kinokondena ng Lokal na Pamahalaan ng Lal-lo at ng buong Cagayan maging ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pananabotahe ng mga rebeldeng NPA sa pag-unlad sa bayan ng Lal-lo.

Ayon kay BGen Laurence E Mina PA, commander ng 5ID, na taliwas sa kanilang ipinaglalaban, ang panununog na ito ang mismong patunay na sila ang lumalabag sa karapatang pantao. Nagpapakita lamang ito ng kanilang kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan dahil sa takot na kanilang idinudulot sa mga tao sa bayan ng Lal-lo.

“Ang panununog na ito ay isang desperadong hakbang ng mga komunistang grupo ng Henry Abraham Command upang hadlangan ang patuloy na pag-unlad sa probinsya ng Cagayan at dahil sa unti unting paghina ng kanilang pwersa na dulot din sa malakas na pagsuporta ng mga mamamayan na unti unti nang namumulat sa mga kasinungalingan at maling idiolohiyang pinapalaganap ng rebeldeng NPA,” aniya.

Dagdag pa ni BGen Mina, “Maging ang kanilang pagtangay ng mga baril ay isang paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions. Nagpapatunay lamang ito na walang kinikilalang batas ang teroristang NPA na nangangahulugang ayaw nila sa maayos na sistema sa pamamalakad ng pamahalaan.”

Aniya, maging ang ginawang pagsunog ng mga rebeldeng NPA sa tatlong mga kubo ay nagpapakita ng kaduwagan sapagkat kanilang idinadaan sa dahas ang kanilang laban.

“Kailan man ay hindi kukunsintihin ng ating pamahalaan ang mga ganitong gawain ng teroristang NPA. Sila ay hadlang sa kaunlaran ng bawat bayang nagsusumikap tulad ng La-lo, Cagayan. Higit pang papaigtingin ng ating kasundaluhan ang Focused Military Operation (FMO) upang matugis at mahadlangan ang mga Terroristang grupo na walang ng ginawa kundi ang manggulo at maghasik ng takot,” dagdag ni Mina.

Hinikayat ng heneral ang publiko na makipagtulungan sa kasundaluhan at kapulisan sa Lambak ng Cagayan at Cordillera Region upang tuluyan ng masupil ang karahasan ng mga rebeldeng NPA. (MDCT/PIA-2)

https://pia.gov.ph/news/articles/1055686

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.