Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 13, 2020): Pasismo at pambubusabos sa magsasaka, tumitindi habang may COVID-19! Panahon na upang ibagsak ang inutil, terorista at anti-magsasakang rehimeng Duterte!
ARMANDO CIENFUEGOSPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
OCTOBER 13, 2020
Walang kaparis ang malubhang kalagayan ng mga magsasaka ngayong panahon ng COVID-19. Sinamantala ng rehimeng Duterte ang krisis sa pampublikong kalusugan bilang opurtunidad para isulong at paigtingin ang mga anti-magsasakang patakaran at pakana nito. Ipinataw ni Duterte ang de facto Martial Law sa tabing ng pagpigil sa paglaganap ng virus at walang habas na inatake ang kanayunan at pinatay ang daan-daang magsasaka. Ginugutom nito ang mga magsasaka habang kinukurakot ang pondong nakalaan para sa kanila.
Sukdulang pagkamuhi ang nadarama ng mga magsasaka kay Duterte. Kaya naman, mula kanayunan hanggang kalunsuran, maririnig ang kanilang sigaw: Ibagsak ang papet, inutil at teroristang rehimeng Duterte!
Makatarungan ang panawagang ito ngayong ginugunita ang Buwan ng mga Magsasaka. Kasalukuyang dumaranas ng matinding gutom at hirap ang mga magsasaka dahil sa pagpapabaya ng rehimen sa gitna ng pandemya. Hanggang ngayon ay hindi pa naaabot ng ayuda ang 9.7 milyong magsasaka, manggagawang-bukid at mangingisda ayon sa Department of Agriculture (DA). Sadyang mabibigo ang ahensya dahil 90% ng pondo nito ay inilaan para sa mga walang kwentang proyekto na hindi tutugon sa kagutuman sa kanayunan habang may COVID-19. Sa Quezon, papatak na higit P2,000 lamang kada buwan ang ayuda para sa mga magniniyog sa loob ng anim na buwang pananalasa ng pandemya.
Wala ring programa para sagipin ang kabuhayan ng milyun-milyong magsasakang naapektuhan ng pandemya, kabilang ang higit 75,000 manggagawang-bukid sa mga tubuhan at lampas 700,000 na iba pang nakaasa sa industriya ng asukal. Malaki ring pahirap ang mga restriksyon sa pagbibiyahe na hadlang sa pagdadala ng produkto sa pamilihan. Ang masama pa’y kinokotongan ng mga sundalo’t pulis ang mga nagluluwas ng produktong bukid gaya ng nangyayari sa Mindoro.
Tusong sinasamantala ng rehimen ang pagbagsak ng ekonomya para ilusot ang mga neoliberal na programang yuyurak sa karapatan ng mga magsasaka. Isa rito ang iskemang pagtatayo ng mga mega farm na taniman ng mga pang-eksport na high-value crop gaya ng saging, kamoteng-kahoy, at iba pa. Idineklara rin ng rehimen ang pagbubukas ng operasyon ng mga kumpanya ng mina para diumano’y lumikha ng mga trabaho at manumbalik ang sigla ng ekonomya. Malaki itong kalokohan dahil pulos pagdurusa ang dulot ng mga minahan na responsable sa malawakang pangwawasak sa kalikasan at pang-aagaw sa lupa ng mga magsasaka’t katutubo.
Malawakang kagutuman din ang dulot ng covid-related missions ng AFP-PNP na sa esensya’y mga mababagsik na operasyong militar at pulis. Hindi makapagkaingin ang mga magsasaka’t katutubo sa interyor dahil sa paghihigpit sa oras ng pagkakaingin at sa takot na abutan ng mga sundalo sa kanilang lupa.
Bukod sa pandudusta sa kabuhayan, hinaharap din ng mga magsasaka ang panganib na mahawa ng COVID-19 dahil sa tuluy-tuloy na focused military operations at pagpapabaya ng rehimen. Walang pondo para sa pamimigay ng libreng face masks at iba pang proteksyon sa mga magsasaka. Wala ring isinagawang pagsasaayos ng imprastraktura sa kalusugan sa kanayunan. Wala rin sa katinuan ang rehimen sa paggigiit sa programang balik-probinsya na maaaring magresulta sa pagkalat ng sakit sa kanayunan.
Ang mga pasakit na dala ng palyadong tugon ng rehimeng Duterte sa COVID-19 ay dagdag sa malaon na nitong atraso sa mga magsasaka. Laganap sa ilalim ni Duterte ang pangangamkam ng mga dayuhan, panginoong maylupa at burgesya kumprador sa mga produktibong lupain ng mga magsasaka’t katutubo sa pamamagitan ng pagpapalit-gamit sa lupa. Biktima nito ang mga magsasaka’t katutubo sa Palawan kung saan agresibong ikinukumbert ang lupa para gawing plantasyon ng oil palm.
Hinding-hindi rin mapapatawad ng mga magsasaka si Duterte sa pagpapatupad ng Rice Liberalization Law (RLL). Sa isang taong pag-iral ng batas, nawalan ang bawat magsasaka ng palay ng hanggang P30,000. Nakapanlulumo ang ibinagsak ng presyo ng palay dahil dito. Sa Occidental Mindoro, umabot ito sa napakababang P10-12 kada kilo—wala pa sa kalahati ng gastos sa produksyon ng magsasaka na P23 kada kilo.
Sa gipit na kalagayan, lalong kailangan ng mga magsasaka sa palay ang pangakong ayuda ng Social Amelioration Program. Ang problema, napakabagal ng DA at wala pa sa 10% ng 591,246 magsasaka ng palay ang naabot ng P5,000 na ayuda noong Abril.
Ang labis na pambubusabos at kahirapan ang nagtutulak sa mga magsasakang magbigkis at kumilos para sa kanilang demokratikong interes. Bigo ang pasistang lockdown na pigilan ang kanilang sama-samang pagkilos. Sa Hacienda Yulo ipinamalas ang pagkakaisa ng mga magsasaka nang sagkaan nila ang demolisyon sa kanilang panirikan at sakahan noong Hulyo at Agosto. Nagpupunyagi rin hanggang ngayon ang mga kilusang okupasyon sa mga asyenda at lupaing gustong agawin ng mga burgesya kumprador tulad nina Henry Sy at mga Ayala. Patuloy ring naninindigan ang mga katutubo laban sa pagpasok ng mga mapaminsalang proyekto sa kanilang lupaing ninuno. Dahil dito’y matagumpay na napipigilan ang mga proyektong tulad ng Kaliwa Dam sa Quezon at malakihan at dayuhang pagmimina sa Palawan at Mindoro.
Dahil nangangahas makibaka para sa kanilang karapatan, naging target ang mga magsasaka at katutubo ng kontra-rebolusyonaryong gerang JCP Kapanatagan at ng NTF-ELCAC. Daan-daang magsasaka na ang pinaslang ng AFP-PNP, kabilang si Adonis Shu na isang magsasaka at lider ng mga maliliit na gold panner sa Palawan na pinatay noong Pebrero. Kaliwa’t kanan din ang iligal na pagdakip at pagkukulong sa mga magsasaka tulad ni Hilario de Roxas, 56, residente ng Catanauan, Quezon, na pinagbintangang NPA. Iligal ding dinetine at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang Calaca 6 na pinag-initan ng militar dahil sa matagal nilang pakikibaka laban sa panginoong maylupang pamilya Lopez sa Batangas. Libu-libo na ring magsasaka ang tinakot at sapilitang pinasuko bilang kasapi ng BHB.
Labis na terorismo ang pinakakawalan ng estado, subalit hindi nito naitumba ang kilusang magsasaka sa rehiyong TK at sa buong bansa. Higit pa rito, naging gatong ang terorismo ni Duterte upang lalong mag-alab ang suporta ng masang anakpawis sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Mayamang bukal ng rekrut ang kilusang magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan. Pinanghahawakan nila ang kawastuhan ng digmang bayang pinangungunahan ng PKP-BHB-NDFP bilang radikal na solusyon sa problema sa lupa. Napakarami nang mabuting ehemplo ng mga magsasakang nag-armas para sa adhikaing ito kabilang ang mga dakilang martir ng TK na sina Bonifacio “Ka Nato” Magramo at Noel “Ka Selnon” Siasico.
Ang paglahok sa digmang bayan ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka ng masang magsasaka at siyang susi para mapawi ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na nagpapahirap sa kanilang uri at buong sambayanang Pilipino. Sa pagtatagumpay nito, matatamo ng mga magsasaka ang kalutasan ng suliranin sa kawalan ng lupa at kabuhayan. Sa programa ng DRB at burador ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms na pinakapusong usapin sa sa peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP, nakahain ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon bilang mga kongkretong hakbangin sa pag-aangat sa kabuhayan ng masang magsasaka at pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura. Ibinasura ni Duterte ang mga programang ito nang talikuran niya ang peace talks sang-ayon sa interes ng kanyang mga imperyalistang amo at ng lokal na naghaharing-uri laluna ng mga panginoong maylupa na tutol sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Ibayong galit at determinasyong makibaka ang kailangan ng uring magsasaka at ng buong bayan sa harap ng tumitinding pasismo at pambubusabos ng rehimeng Duterte sa masang anakpawis at sa buong sambayanan. Sinusuportahan ng MGC-NPA ST ang kahilingan ng mga magsasaka at ng buong bayan na pabagsakin mula sa poder si Duterte at ang kanyang bulok na rehimen. Ang bawat matagumpay na taktikal na opensibang ilulunsad ng NPA ay pakikiisa sa makatarungang laban ng mga magsasaka para sa lupa at karapatan. Sa lakas ng saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka, ibayong susulong ang rebolusyon hanggang sa makamit ang masagana, mapayapa at maaliwalas na bukas para sa sambayanang Pilipino. ###
https://cpp.ph/statements/pasismo-at-pambubusabos-sa-magsasaka-tumitindi-habang-may-covid-19-panahon-na-upang-ibagsak-ang-inutil-terorista-at-anti-magsasakang-rehimeng-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.