PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
SEPTEMBER 06, 2020
Kaisa ng sambayanang Pilipino, mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST), sampu ng mga mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan, ang inaprubahang panukalang House Bill 7137 ng Kamara na nagdedeklara sa September 11, sa buong Ilocos Norte, bilang Ferdinand Edralin Marcos Day. Ang pagdedeklara sa kaarawan ng yumaong diktador bilang Marcos Day, sa buong Ilocos Norte, ay hindi lamang pagtatangkang baguhin ang katotohanan at rebisahin ang kasaysayan kundi isang pagtatangkang itanghal si Marcos bilang de facto na bayani.
Walang kahihiyan ang mga tagahimod na aso ni Duterte sa Kamara na alipustain ang tagumpay ng sambayanang Pilipino sa pagbabagsak sa diktadura para lamang sundin ang kagustuhan ni Rodrigo Roa Duterte na ilagay sa pedestal ang katulad nyang diktador, tiraniko, mandarambong at mamamatay taong si Ferdinand E. Marcos. Hindi pa nasapatan ang pasistang rehimeng US-Duterte na ilibing ang yumaong diktador sa mga “Libingan ng mga Bayani” sa kabila ng malawak at mariing pagtututol ng taumbayan. Buong garapal na nagpapakana pa si Duterte na gawing “bayani” ang labis na kasuklam-suklam at kinamumuhiang diktador ng sambayanang Pilipino.
Itinatatwa ni Duterte ang husga ng sambayanang Pilipino na nagpabagsak sa rehimeng US-Marcos nuong Pebrero 1986 sa pamamagitan na popular na pag-aalsa sa EDSA. Nakaugit na sa bato ng kasaysayan ng Pilipinas ang popular na pag-aalsa sa EDSA bilang tagumpay ng sambayanang Pilipino sa pakikibaka laban sa diktadurya ni Marcos. Anumang pagtatangkang rebisahin at pagandahin ang imahe ng isang diktador na tulad ni Marcos ay isang kataksilan sa bayan.
Nagbubunyi ang pamilyang Marcos at ilang mga loyalista na tulad ni Rodrigo Roa Duterte sa napakagandang regalong hatid ng House Bill 7137 sa darating na kaarawan ng yumaong diktador sa September 11. Unti-unting nagkakaroon ng katuparan ang malaon nang pangarap ng pamilyang Marcos na rebisahin ang kasaysayan, burahin ang karumal-dumal na imahe ng pamilyang ito sa paglapastangan sa karapatan at kalayaan ng mamamayan sa loob ng mahigit sa dalawang dekadang diktaturyal na paghahari ni Ferdinand E. Marcos at sa kadulo-duluhan ay itanghal itong isang “bayani.”
Sa kabilang banda, labis ang galit at nagpupuyos ang damdamin ng taumbayan sa ginawa ng 197 na kongresista na bumuto sa panukalang batas na HB 7137. Alam ng taumbayan na walang tanging layunin ang panukalang batas kundi pagandahin ang imahe at pormal na gawing bayani si Ferdinand E. Marcos kahit sa pananaw lamang ng mga mamamayan ng Ilocos Norte. Maituturing din ang panukalang batas na mis-representasyon at taliwas sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino. Ito’y malaking insulto sa mga mamamayan ng Ilocos Norte na hindi sang-ayon sa mga ginawang pandarambong, kabuktutan at karahasan ni Ferdinand E. Marcos nuong siya’y nabubuhay pa.
Marapat lamang na kondenahin ng taumbayan si Duterte ang mga taksil sa bayan na nagluluklok sa Kamara. Hindi nila kinakatawan ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Ang makitid na interes ng mga naghaharing oligarko sa bansa ang kanilang pinagsisilbihan.
Tanging ang mga reaksyunaryo lamang ang makikinabang sa pakanang dungisan ang maningning na pamana sa sambayanang Pilipino ng magiting na pakikibaka ng bayan laban sa diktadura. Nakamit ng bayan ang paglaya mula sa kuko ng diktadura mula sa pinuhunang dugo, buhay at walang kapantay na sakripisyo ng mga naglalamay sa dilim upang ipaglaban ang kalayaan at karapatan ng bayan mula sa pagkakasakmal ng paghaharing militar.
Labis na pag–insulto sa mga pamilya at pagyurak sa alaala ng mga biktima ng batas militar ni Marcos ang ginawa ng 197 na mga kongresista na nag-apruba sa House Bill 7137. Muling nagsariwa at binudburan pa ng asin ang hindi pa naghihilom na mga sugat na iniwan sa mga pamilya at biktima ng karahasan at lagim ng batas militar ni Marcos. Inilagay sa sulok at isinasantabi ng panukalang batas ang patuloy na paghahanap ng hustisya ng mga pamilyang namatayan ng mahal sa buhay, mga pamilyang ang mahal sa buhay ay nanatiling deceparasidos (forced dis-appearance) at ang daan-daang libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao, kalupitan at karahasan ng batas militar ni Marcos. Sinasalungat din nito ang umiiral na batas na RA 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 na malinaw na kumikilala sa mga naging atrosidad at paglabag sa karapatang pantao at kalayaang sibil sa panahon ng batas militar ni Marcos.
Ang panukalang batas na House Bill 7137 ay maituturing na pag-abswelto ng mga taksil na kongresista sa mga kasalanan at krimen ni Marcos sa bayan. Pag-abswelto sa tinatayang nasa $10 bilyong halaga na dinambong ng mga Marcos sa kaban ng bayan, sa mahigit sa 70,000 na kanyang ipinakulong, sa 34,000 na nakaranas ng iba’t ibang klase ng tortyur, sa mahigit na 3,240 na pinatay at daang bilang ng mga deceparacidos o sapilitang pagkawala.
Sa kabilang banda, wala ni anumang pagsisisi na maririnig mula sa pamilyang Marcos sa naging kalupitan ng batas militar sa mga naging biktima at sa bilyon-bilyong pondong dinambong ng mga Marcos. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang paggugumiit ng pamilyang Marcos na wala silang ninakaw sa kaban ng bayan, walang namatay, nawawala at walang nilabag na karapatang pantao si Ferdinand E. Marcos sa panahon ng pag-iral ng batas militar sa bansa mula 1972 hanggang 1986. Inaakala nilang mapaniniwala nila ang taumbayan sa kanilang mga kasinungalingan at sa imbing pakana nilang rebisahin ang kasaysayan.
Nasa Senado ang kasunod na laban kung maghahain din sila ng katulad na panukalang batas na inaprubahan sa Kamara. Kasalukuyang senador ang panganay na anak ni Marcos na si Imee Marcos. Siguradong isa si Imee Marcos sa posibleng maghahain ng kahalintulad na panukalang batas sa Senado para ideklara ang September 11 bilang Ferdinand E. Marcos Day sa buong Ilocos Norte.
Kailangang hadlangan, tutulan at labanan ng taumbayan ang anumang pagtatangka sa Senado na maghain ng panukalang batas na kahalintulad sa House Bill 7137. Hindi magkakaroon ng batas na magdedeklara sa September 11 bilang Marcos Day sa Ilocos Norte kung walang maipapasang batas sa Senado na kahalintulad sa House Bill 7137.
Dapat na tuligsain at magpahayag ng damdamin ang bawat mamamayan na nagmamahal sa kalayaan ang maitim na pakanang ito. Gamitin ang lahat na anyo para magpahayag sa social media at iba;t ibang daluyan upang ipabatid sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan ang pakanang ito ng mga reaksyunaryo sa Kongreso. Maramihang lumabas sa kalsada, magprotesta at kumilos sa darating na September 21, para tutulan at labanan ang anumang uri ng pagrerebisa sa kasaysayan. Ilantad at labanan ang umiiral na de-facto martial law ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Kailangang malawakang kumilos sa Septemebr 21 at iparamdam ng taumbayan na hindi na dapat pang maulit ang martial law at hindi ito pahihintulutan maging sa panahon at katauhan ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Dapat ibayong magpalakas at magpalawak ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-pasista at anti-diktadura para ibagsak sa lalong madaling panahon ang tagapagpatuloy ng diktadurya ng pangkating Marcos sa katauhan ng traydor, tiraniko, pasista, mandarambong, kriminal at mamamatay taong si Rodrigo Roa Duterte. ###
https://cpp.ph/statements/kondenahin-at-labanan-ang-pakana-ng-kamara-at-ni-duterte-na-rebisahin-ang-kasaysayan-at-itanghal-na-bayani-ang-diktador-tiraniko-mandarambong-at-mamamatay-taong-si-ferdinand-e-marcos/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.