Wednesday, August 26, 2020

Kalinaw News: 5ID binigyang pugay ang mga bayaning sundalo, kapulisan at sibilyan na nagbuwis ng buhay at nasugatan sa dalawang pag-atake ng teroristang ASG sa Sulu

From Kalinaw News (Aug 26, 2020): 5ID binigyang pugay ang mga bayaning sundalo, kapulisan at sibilyan na nagbuwis ng buhay at nasugatan sa dalawang pag-atake ng teroristang ASG sa Sulu
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Gamu, Isabela – Ang 5th Infantry (STAR) Division, Philippine Army ay nakikidalamhati sa mga pamilya ng mga nasawi sa dalawang pag-atake ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) gamit ang Vehicle Borne Improvised Explosive Device (VBIED) sa Patikul, Sulu noong ika-24 ng Agosto 2020 na kinabibilangan ng pitong (7) kasundaluhan, isa (1) sa kapulisan at anim (6) na inosenteng sibilyan. 13 naman ang mga nasugatang sundalo sa naturang pag-atake.

Naganap ang unang pagsabog sa harapan ng Paradise grocery store sa Brgy Walled City Jolo, Sulu mga bandang 11:55 AM ng tanghali. Ayon sa imbestigasiyon ang pagsabog ay gamit ang isang VBIED. Habang ang pangalawang pagsabog naman ay pinapaniwalaang gawa ng isang babaeng suicide bomber ay naganap sa harapan ng Development Bank of the Philippines (DBP) bandang ala-una ng hapon, 100-metro lamang ang layo mula sa unang pinangyarihan.
Ayon sa Joint Task Force Sulu, ang mga biktima ay nagroronda sa nasabing lugar ng sila’y pinasabugan ng mga terorista na ikinasawi ng 14 katao at pagkasugat ng 74 mula sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines, PNP at mga inosenteng sibilyan.

Karamihan sa mga sundalong biktima ay mula sa 21st Infantry Battalion na dating nasa ilalim ng 5th Infantry (Star) Division, Philippine Army na nadeploy sa Jolo, Sulu at naging organikong kasapi na ng 11th Infantry Division noong Agosto 2019. Sa mga sundalong nasawi, isa (1) ay mula sa Probinsiya ng Cagayan at isa (1) sa Isabela. Ang isang (1) nasawi sa hanay ng kapulisan ay mula naman sa Probinsiya ng Benguet. Labing-isa (11) naman ang nasugatang sundalo na taga rito sa Northern Luzon.

Ipinapaabot ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID ang kanyang lubos na pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi sa pagsabog. “Ang buong 5th Infantry (STAR) Division ay nagdadalamhati sa pangyayaring ito. Napakabigat sa damdamin bilang ama ng Division ang pangyayaring ito sa mga dating kasapi sa 5ID. Kami ay nakikiramay sa mga pamilya ng mga kasundaluhan, kapulisan at mga inosenteng sibilyan na nasawi at sa mga nasaktan at nasugatan sa pag atake ng mga teroristang Abu Sayyaf. Hangad at dalangin naming mabigyan sila ng hustisya sa lalong madaling panahon.”

“Ang pamunuan ng 5ID ay nakahandang bigyan ng pagkilala ang mga nasawi sa kanilang pagdating. Nakahanda din tayong ipaabot ang anumang tulong sa pamilya ng mga biktima upang maibsan ang kanilang pagdadalamhati.” dagdag ni BGen Mina.

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/5id-binigyang-pugay-ang-mga-bayaning-sundalo-kapulisan-at-sibilyan-na-nagbuwis-ng-buhay-at-nasugatan-sa-dalawang-pag-atake-ng-teroristang-asg-sa-sulu/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.