Wednesday, August 26, 2020

CPP/NPA-Southern Tagalog: Ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West PH Sea! Singilin si Duterte at mga imperyalista sa pagyurak sa pambansang soberanya!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 25, 2020): Ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West PH Sea! Singilin si Duterte at mga imperyalista sa pagyurak sa pambansang soberanya!

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
AUGUST 25, 2020



Sagad na ang sambayanang Pilipino sa paglapastangan ng China sa pambansang soberanya at sa hayagang paninikluhod ni Duterte sa China. Duwag na isinuko’t ipinaubaya ni Duterte sa China ang soberanyang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Lampa at maamong tupa si Duterte sa harap ng agresibong pagkontrol ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa WPS at pagtataboy sa mga mangingisdang Pilipino na makapangisda sa sariling teritoryo ng bansa.

Walang gulugod si Duterte na igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at papanagutin ang China sa mga pang-aabuso nito. Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang karangalang ng bansang dinungisan ng China, pandarambong sa likas-yaman ng bansa sa WPS, pagperwisyo sa hanapbuhay ng mga mamamalakayang Pilipino at permanenteng pagkasira ng mga bahura.

Matatandaang nitong Hulyo ay namatay ang 12 mangingisdang Pilipino at 2 pasaherong lulan ng bangkang pangisdang FV Liberty 5 sa tapat ng Mamburao, Occidental Mindoro dahil nasagasaan ng barkong MV Vienna Wood na pag-aari ng isang kumpanyang Tsino. Ngayong buwan lamang nakumpirma ang pagbabayad ng MV Vienna Wood ng danyos perwisyo sa mga pamilya at may-ari ng napinsalang bangka. Samantala, ngayon lamang naghain ng diplomatikong protesta ang Department of Foreign Affairs sa panghaharas ng Chinese Coast Guard noon pang Mayo sa mga nangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal ng Palawan. Pakitang-tao lamang ito ng rehimen para pahupain ang galit ng mamamayan.

Sumusobra na ang China sa serye ng paglapastangan nito sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Bago pa man ang rehimeng Duterte, inagaw at kinontrol na ng China ang mga isla sa West Philippine Sea saklaw ng exclusive economic zone ng bansa alinsunod sa UNCLOS. Itinaboy ng Chinese Coast Guard at binomba ng tubig ang mga nangingisdang Pilipino sa lugar. Higit na lumala ito sa ilalim ng administrasyong Duterte dahil hinayaan niya lang na angkinin ng China ang pinag-aagawang teritoryo. Noong nakaraang taon, minaliit ni Duterte ang pagsagasa ng China sa basnig na F/B Gem-ver at pag-iwan sa mga mangingisdang lulan nito sa gitna ng dagat. Ipinapangalandakan pa ng ilang kumpanyang Tsino na “probinsya” nito ang Pilipinas.

Walang pagpapahalaga sa interes ng bayan si Duterte. Ang itinataguyod nya ay ang interes ng lokal na naghaharing uri at malalaking negosyong dayuhan. Pinaglalawayan nya at ng kanyang mga kroni ang makukurakot mula sa bilyon-bilyong dolyar na pautang at ayudang ekonomiko mula China para suhayan ang kanyang tiranikong rehimen at tuparin ang diktadurang ambisyon sa bansa.

Higit na isinasapanganib ni Duterte ang buhay ng mga Pilipino sa pagsisilbi sa dalawang among imperyalistang US at China na kapwa may interes sa mayamang rekursong langis at natural gas sa WPS. Bago pa man ang panghihimasok ng China, matagal nang namamayagpag ang US sa loob ng Pilipinas at walang pakundangang nanghihimasok sa mga panloob na usapin sa ating bansa. Nagpupostura lamang si Duterte sa kunwa’y pagbasura sa VFA at pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa bansa na mabilis din namang binawi para lamang maihirit ang mas malaking ayudang militar, teknikal at pagsasanay sa mersenaryong AFP at PNP.

Sa harap ng kataksilan sa bayan ng rehimen, ang sambayanan lamang ang tanging makapaggigiit ng pambansang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas sa China at US. Lumalakas ang kanilang panawagan para palayasin ang China sa patuloy nitong pananalasa sa West Philippine Sea at ang presensya ng mga tropa ng US sa bansa. Walang karapatan ang China na angkinin ang naturang teritoryo dahil naipanalo na ito ng Pilipinas sa Permanent Arbitral Tribunal ng United Nation Conventions on the Law of the Sea (UNCLOS). Gayundin, hindi na dapat patagalin ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas na walang ibang ginawa kundi mang-upat ng digmaan sa China at manghimasok sa mga panloob na usapin ng bansa.

Nananawagan ang Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog sa mamamayang Pilipino na isulong ang digmang bayan upang makalaya sa kuko ng imperyalismo at mga lokal na naghaharing-uri. Ganap lamang na lalaya ang bayan sa pananagumpay ng rebolusyong Pilipino. Dito maitatayo ang tunay na makabayang gubyernong nangangalaga sa interes at kapakanan ng mamamayan. ###

https://cpp.ph/statements/ipagtanggol-ang-karapatan-ng-pilipinas-sa-west-ph-sea-singilin-si-duterte-at-mga-imperyalista-sa-pagyurak-sa-pambansang-soberanya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.