LUNGSOD NG COTABATO Agosto 20 (PIA) – Abot sa 122 Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliaries (CAA) aspirants ang nagsimula na sa kanilang military training sa 6th Infantry ‘Kampilan’ Division ng Philippine Army Division CAA Training Base sa Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang pagsasanay na inorganisa ng Division CAA Affairs Unit (DCAU) ng 6ID ay magtatagal ng 45 araw. Nabatid na ang muling pagbuhay sa CAA company ay sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlungsod ng Tacurong at 6ID.
Ito ay sa layuning palakasin ang seguridad sa lungsod.
Sa isinagawang oath taking ceremony, hinikayat ni dating Tacurong City Mayor Lina Montilla, siyang nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita sa aktibidad, ang lahat na sama-samang magsikap upang maprotektahan at mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa siyudad.
Hinimok din ni 6ID at Joint Task Force Central (JTFC) Commander Major General Diosdado Carreon ang mga CAA aspirant na seryosohin ang pagsasanay, at isa-isip at isa-puso ang mga prinsipyo nito. Aniya, ito ang magiging gabay ng mga CAA aspirant sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa hinaharap. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from DPAO-6ID).
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.