Monday, July 6, 2020

CPP/NDF-Bicol: Lalabanan ng masang Bikolano ang terorismo ng estado

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 6, 2020):  Lalabanan ng masang Bikolano ang terorismo ng estado

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JULY 06, 2020



Gagamitin ng isang estadong itinayo at kumakatawan sa interes ng naghaharing-uri ang lahat ng makinarya’t institusyon sa desperasyon nitong pigilan ang kanyang nalalapit na pagbagsak. Bahagi ng papatinding terorismo ng estado ang paglagda ni Duterte ng Anti-Terrorism Act (ATA) nitong Hulyo 3. Ganap nitong isinasailalim ang buong bansa sa batas militar. Binibigyang-ligalidad nito ang lahat ng pang-aabuso’t kalupitan ng militar at pulis habang kinikriminalisa ang lahat ng porma ng paglaban ng mamamayan.

Hindi na kinakailangan ng ATA para matukoy ng taumbayan kung sino ang tunay na terorista. Sa buong kasaysayan, tanging ang pasistang estado at mga ahente nito ang siyang sukdulang pumaslang, nagdulot ng matinding pinsala, nakasagabal at nangwasak ng kritikal na imprastruktura, bumili, nagmay-ari, at gumamit ng mga armas, at nagdulot ng sunog, pagbaha o pagsabog. Ang tunay na terorista ay yaong nasa Malacanang, nasa mga upisina sa kampo at mga detatsment at kanilang mga alipures.

Kinukumpleto ng ATA ang pagkubabaw ng paghaharing militar sa sibilyang populasyon at sinasalaula ang mga proteksyong nakasaad sa burges-demokratikong 1987 Konstitusyon. Pilit ipinalalaganap ng rehimeng US-Duterte ang takot upang mapatahimik at pabagsakin ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan. Sa Bikol, aabot na sa 17 ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa loob pa lamang ng tatlong buwan, kahit sa kalagitnaan ng Covid-19. Paulit-ulit na ginagamit ng militar at pulis ang mga iligal na arrest at search warrant upang mailarga ang mga ala-SEMPO na atake sa rehiyon. Mayroong isa o higit pang masaker na nagaganap sa bawat taon. Kalakhan sa mga biktima nito ay kabilang sa mga progresibo at makabayang organisasyon

Mahigpit na nakikiisa ang NDF-Bikol sa paglaban ng mamamayan para sa kanilang mga soberanong karapatan. Dapat tuluy-tuloy na makapaglunsad ng kampanya laban sa ATA at terorismo ng estado. Hamon para sa rebolusyonaryong kilusang higit na maging alerto, malikhain at mapangahas. Konsolidahin ang pangangalit at ispontayong pagkilos ng mamamayan upang maiderihe ito sa pinakamakitid na kaaway – ang rehimeng US-Duterte. Hikayatin ang masang anakpawis na gamitin ang lahat ng maaaring daluyan upang ipakita ang pagkamuhi sa ATA at sa terorismo ng estado. Walang-patlang na ibuhos ang pagsisikap sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng pinakamalawak na hanay ng mamamayang bibigo sa diktadura. Ang bawat oras ng pananahimik ay pagbibigay ng puwang na manalasa ang saywar at disimpormasyon ng reaksyunaryong gubyerno.

Paghusayin ang pagpapalakas at pagpapagana sa rebolusyonaryong kilusang lihim bilang daluyan ng organisadong pagkilos at armadong pakikibaka ng mamamayan. Ihanda ang plano sa lihim na pagkilos upang patuloy na magampanan ang iba’t ibang larangan ng gawain sa panahon ng matinding panggigipit ng kaaway.

Ang pagtangan ng armas upang ipaglaban ang kolektibong kagalingan, kasarinlan at katarungan ay hindi terorismo, ngunit lehitimo at soberanong karapatan ng mamamayang sukdulang dinarahas at pinahihirapan ng estado. Pakamahalin ang BHB, lumahok at palakasin ang armadong pakikibaka. Ito ang natatanging sandata ng masang anakpawis laban sa terorismo ng estado. Dapat lalong maging masikhay ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa kapwa sa kanayunan at kalunsuran sa pagrerekluta at pagpoprograma ng pagpapasampa sa BHB upang mabilis na mapalaki ang mga yunit gerilya. Ipaabot ang anumang porma ng suportang maaaring ibigay sa mga Pulang mandirigma.

Ipamalas ang tunay na lakas ng nagkakaisang mamamayan. Hindi kailanman maglulubay ang pagbangon ng masang anakpawis na matagal nang sinisikil at pinagkaitan ng kanilang mga karapatan.

Biguin ang batas miitar ng rehimeng US-Duterte!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte at itayo ang estado ng mamamayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

https://cpp.ph/statement/lalabanan-ng-masang-bikolano-ang-terorismo-ng-estado/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.