JUNE 09, 2020
Iginagawad ng Bienvenido Vallever Command ang pinakamataas nitong pagpupugay at pagdakila kay Kasamang Lorelyn ‘Ka Farah’ Saligumba, isang rebolusyunaryong martir na walang awang pinaslang ng mga elemento ng 203rd Brigade noong ika-4 ng Hunyo sa Baco, Oriental Mindoro. Si Kasamang Lorelyn ay mandirigma sa ilalim ng Lucio de Guzman Command nasa katayuang hors de combat (walang kakayanang lumaban) nang brutal na paslangin ng mga uhaw sa dugong mga militar. Kasabay ng aming pagpapaabot ng pakikidalamhati sa kanyang mga naulila ay ang mariing pagkundena sa paglabag ng 203rd Brigade at ng buong Southern Luzon Command sa International Humanitarian Law. Higit na naging mabalasik ang mga berdugong militar simula nang ipatupad ang EO 70 at ang NTF – ELCAC, at sa kanilang ginawa kay Ka Farah nabigyang buhay ang mga halimaw na noon ay sa kwento lamang maririnig at makikita.
Sa murang edad ay namulat si Ka Farah sa pyudal na kalagayan ng mga magsasaka sa Occidental Mindoro, ang kawalan ng tunay na repormang agraryo, kasalatan sa hanapbuhay at ang kaakibat na kawalan ng serbisyong panlipunan. Ang kalagayang ito ang nagtulak sa kanya bilang isang kabataan upang pandayin ang sarili at ituon ang lakas at talino para maging isang boluntir na manggagawang pangkalusugan at maglingkod sa masa nang walang pag-aatubili. Higit na sumidhi ang kanyang kagustuhan na drastikong baguhin ang lipunang Pilipino nang sya mismo ay makaranas ng pasismo mula sa Rehimeng US-Aquino II. Iligal siyang inaresto at ang 42 iba pang manggagawang pangkalusugan, napasailalim sya sa tortyur, pananakot at iligal na detensyon. Nang makalaya sa piitan higit na nabatid ni Ka Farah ang pangangailangan sa mas mataas na antas ng lunas upang magamot ang isang lipunang palagiang nasa kombulsyon dulot ng nagpapatuloy na krisis. At napagtatanto niya na tanging sa pagtangan ng armas tungo sa armadong rebolusyon tunay na magagamot ang kronikong sakit ng lipunang Pilipino.
Sa gitna ng krisis dulot ng pandemyang CoVid19 maraming manggagawang pangkalusugan ngayon sa bansa ang nasa bingit ng kamatayan bilang mga “frontliners” at kabalintunaan naman nang paslangin ng mga militar ang frontliner na si Ka Farah na umaagapay sa katutubong Mangyan at magsasaka ng Mindoro. Dahil ang konsentrasyon ng serbisyong medikal ng bulok na Rehimeng US Duterte ay nasa urban, tanging NPA lamang ang gumagampan bilang mga frontliners para sa masa sa kanayunan sa buong bansa. Buong giting at tapang na ginagampanan ni Ka Farah ang pagiging frontliner sa doble gerang kontra CoVid19 at Joint Campaign Plan Kapanatagan. Pinanghawakan niyang sansalain ang CoVid19 at gapiin ang militaristang atake sa mga kanayunan!
Hindi kailanman naging hadlang kay Ka Farah ang pagiging babae, asawa at ina upang gumampan ng kanyang rebolusyunaryong tungkulin. Naging huwaran siyang dapat pamarisan ng iba pang rebolusyunaryo at mga kasama. Naging tapat si Ka Farah sa kanyang tungkulin at sinumpaan na iaalay ang natatanging buhay mapangalagaan lamang ang interes ng masa at ng rebolusyunaryong kilusan. Itatanghal siya ngayon bilang bayani sa puso ng masang kanyang pinaglingkuran at malaon nang minahal, magiging inspirasyon ng laksa-laksa pang mabubuting anak ng bayan upang tahakin ang armadong rebolusyon at ganap na pabagsakin ang estadong bulok at mapang-alipin!
Mabuhay si Kasamang Lorelyn Saligumba!
Mabuhay ang CPP – NPA – NDF!
Mabuhay ang Samabyanang Nakikibaka!
Mabuhay ang Rebolusyon!
https://cpp.ph/statement/pagpupugay-kay-kasamang-lorelyn-ka-farah-saligumba-martir-ng-rebolusyon-at-bayani-ng-sambayanan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.