RCTU-ST
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
APRIL 05, 2020
Kinukondena ng Revolutionary Council of Trade Unions-NDF-Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) ang papatinding pasistang atake ng sabwatang militar at malalaking kapitalista sa hanay ng mga manggagawa sa rehiyong Timog Katagalugan kahit na nasa gitna ng pananalasa ng pandemyang CoViD-19. Imbes na ang pangunahing tugunan ay ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa nakamamatay na virus, sinamantala pa nila ito at ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para mas maisakutuparan ang malawakang panunupil sa mga manggagawa at buong mamamayan.
Sa balangkas ng TF-ELCAC, nalalapit na ang deadline ng rehimeng US-Duterte sa hibang nilang pangarap na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Kaya naman nagkukumahog ngayon ang AFP SolCom at PRO-4A na maipakitang nagtatagumpay nga sila sa kanilang plano. Ginagamit nila ang hungkag at batbat ng korapsyon na programang E-CLIP upang maipakita na humihina na “daw” ang pwersa ng CPP-NPA-NDF sa rehiyon sanhi ng maramihang pagsuko ng mga ipinaparadang kasapi nito.
Gamit ang panlilinlang at pandarahas, malawakan nilang ipinatupad ang E-CLIP sa lahat ng sektor, maging sa hanay ng mga manggagawa sa layuning wasakin ang lumalakas na paglaban ng kilusang manggagawa at mas lalong mapagkitaan ang milyon-milyong gatasang pondo nito. Nagmistulang papulong ng mga MAKAPILI ang isinagawang turn-over ceremony sa Calamba City noong Marso 29 sa mga pekeng NPA surenderi. Isa sa ipinakilala at pinagsalita ay si Alyas “Rebo” na di-umano ay isang mataas na opisyal ng NPA na kumikilos “daw” sa hanay ng mga manggagawa sa Laguna.
Ipinagmalaki at ipinangalandakan ng pasistang militar si alyas Rebo bilang tagapag-ugnay sa mga Pulang mandirigma at sa mga ligal na organisasyon o unyon ng manggagawa.
Kinilala ng RCTU na ang sinasabi nilang Alyas “Rebo” ay si Rey Austria Medellin, lider manggagawa sa Coca Cola – Sta. Rosa, Laguna. Napag-alaman din ng RCTU na noong unang bahagi ng taon, nag-ulat si Rey Medellen sa unyon ng ginagawang panggigipit ng militar sa pamamagitan ng mersenaryong si Tom Garcia dahil sa pagiging aktibo sa unyon. Sa kabilang banda, binagabag siya ng magkakasunod na kakapusan sa pinansya kung paano nya bubuhayin ang kanyang 10 anak.
Pinagsikapan syang matulungan ng unyon. Ginawan ng kaukulang dokumentasyon ang ginagawang harasment sa kanya ni Tom Garcia at ng PNP/AFP. Katunayan ay nakatakda itong isumite sa pagdating ng kinatawan ng International Labor Organization (ILO) sa bansa ngayong taon, habang inaayos kung paano matutugunan ang kanyang pangangailangang pinansyal. Ngunit makaraan ang ilang linggo, nagsabi na sya sa mga opisyales ng unyon na “di na nya kinaya ang ginagawang panghaharas ng militar sa kanya” kaya dahil sa takot ay pumayag na sya sa mga ipinagagawa sa kanya.
Unti-unting nalantad ang pakikipagsabwatan ni Rey sa kapitalistang Coke at militar noong mga unang linggo ng Pebrero. Sa nakuha naming impormasyon, sa isang miting ng unyon inilabas nya ang layuning wasakin ang naitayong unyon sa pabrika. Ipinagyayabang nito na kasabwat nya si Rene Eskwadra (head ng guard sa pabrika), mga militar at ang dilawang unyon para isagawa ang Local Election ng unyon at sapilitan nilang ipwesto ang kanilang line-up na kapitalista ang pumili.
Matagal nang nagngi-ngitngit ang kapitalistang Coke na mapalitan ang militanteng unyon ng mga manggagawa. Dahil sa ipinakitang lakas ng militanteng unyon sa Coca-Cola, naipanalo nila ang pang-ekonomiya at pampulitikang kagalingan at karapatan ng mga manggagawa. Nagbunsod ito na maging regular ang mga manggagawang kontraktwal at nakakuha ng mataas na benepisyo. Malaking kabawasan sa DAMBUHALANG TUBO ng Coca-Cola ang nakamit na tagumpay ng mga manggagawa, kaya ito ang dahilan ng sabwatang militar at kapitalistang nagnanais na wasakin ang unyon at palitan ang mga tunay na kinatawan ng manggagawa sa pabrika ng mga opurtunistang lider.
Alinsunod sa kasunduan nila at atas ng militar, aktibo at tuloy-tuloy na nanghaharas si Rey Medellen sa mga opisyales ng unyon ng Coca-Cola sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay kasama ang militar at pagsasabing “kayong mga NPA sumuko na kayo sa pamahalaan”, maging ang mga pamilya ng opisyales ay hinaharas din ng asawa ni Rey sa pagtawag nito sa mga cellphone ng mga asawa ng opisyales ng unyon at sinasabihan din silang “sumuko na kayo sa pamahalaan”.
Nito lamang Abril 1 at Abril 2, habang ang mamamayan ng Barangay Pulong Santa Cruz sa syudad ng Santa Rosa ay sumusunod sa Enhanced Community Quarantine(ECQ) dahil sa pag-iwas sa pandemic na Covid19, patraydor namang nangangatok at nagbabahay-bahay itong si Rey Medellen kasama ang 3 hanggang 5 ahente ng PNP/AFP sa mga kilalang manggagawa ng Coke. Tinatakot at pinipilit na sumuko sa pamahalaan dahil diumano ay mga NPA ang mga manggagawang ito.
Si Rey Medellen ang halimbawa ng isang opurtunistang lider na matapos makinabang sa pakikibaka ng unyon ay handang ipagkanulo ang interes ng unyon at sarili niyang kauri kapalit ng suhol at mumunting pakinabang mula sa kapitalista at mga pasista. Handa niyang ipagbili ang kanyang kaluluwa kapalit ng ga-mumong pabuya mula sa kapitalista at mga pasista.
Samantala, malinaw na ginagawang gatasan lamang ng mga KORAP sa militar at reaksyunaryong estado ang programang E-CLIP. Sa 40 Pekeng NPA surrenderee sa Calamba ay kumubra ng milyon-milyong pondo ang mga opisyales ng AFP Solcom sa kabayaran kuno sa mga pekeng sumuko. Pawang kasinungalingan ang mga ipinalalabas na balita at datos ng mga sumukong pekeng NPA na karamihan ay mga re-cycled na surrenderee at ang iba naman ay mga masang magsasaka na hinakot at hinaras. Maliban pa sa paghuthot sa pondo ng bayan, ginagamit din itong pekeng tagumpay o bilang medalya upang mabilis na tumaas ang ranggo ng mga hunghang na opisyales ng AFP.
Hindi na bago ang mga paglulubid ng kasinungalingan at panunupil ng AFP-Solcom sa mamamayan ng Timog Katagalugan. Ngayon lamang buwan ng Marso, sunod-sunod ang ginawa nilang paglabag sa sariling idineklarang unilateral ceasefire. Hindi lumubay ang paglunsad nila ng mga military operation para tugisin ang mga NPA na tumutulong, nagsasagawa at nagpapalaganap ng edukasyong medikal sa masang anakpawis upang makaligtas sa epekto ng nakamamatay na CoViD-19. Pinapasok ng mga militar ang mga interyor na barangay at patraydor nilang sinasalakay ang mga NPA na tumutulong sa mga magsasaka at mamamayan nang Brgy. Puray Montalban Rizal, Brgy. Maybunga Gumaca Quezon at Brgy. Ilayang Yuni, Mulanay Quezon.
Sa kabilang banda, mas lalong nalantad ang pasistang katangian, pahirap at kriminal na kapabayaan ni Duterte sa kawalan ng kongkretong hakbangin sa pagsugpo sa nakamamatay na CoViD-19. Marahas na sinupil at ikinulong ang mga maralita ng Sitio San Roque, Brgy. Pag-asa, Quezon City na humihiling lamang ng ayudang pagkain dahil sa nararanasang matinding pagkagutom. Imbes na Bigas, DAHAS at REHAS ang kanyang inihahambalos. Pinagbabantaan pa nyang ipababaril ang mga magpoprotestang maralita at aktibista hanggang sa mamamatay.
Dahil dito mas tumindi panunupil at lumaganap ang kagutuman sa buong bansa, kaya naman patuloy na lumalakas at lumalawak ang galit ng mamamayan na hindi na lamang panawagan sa pagbibigay ng ayudang pagkain ang hangad kundi pagpapabagsak na sa isang inutil, pasista at pahirap na rehimen.
Hindi palalagpasin ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kawalanghiyaan at kabuktutan ng pasistang AFP/PNP, bibigwasan sila ng NPA bilang natatanging hukbo ng masang anakpawis na matagal nang nagnanais sa pagkakamit ng hustisya. Hibang at nananaginip ang rehimeng US-Duterte sa pagsasabing mawawasak nito ang CPP-NPA-NDF, hindi ito magagapi dahil patuloy itong minamahal ng masang pinaglilingkuran.
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!
https://cpp.ph/statement/labanan-ang-tuloy-tuloy-na-pahirap-at-pandarahas-ng-militar-sa-mga-manggagawa-ng-rehiyong-timog-katagalugan-rctu-st/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.