Thursday, February 6, 2020

Naitan-Insulman road project ng ELCAC, pakikinabangan ng katutubong Naibuan

From the Philippine Information Agency (Feb 6, 2020): Naitan-Insulman road project ng ELCAC, pakikinabangan ng katutubong Naibuan (By Voltaire N. Dequina)



Isinagawa ang groundbreaking ceremony ng Naitan-Insulman Local Access Road na isa sa mga proyektong pangkaunlarang pinagsikapan ng lokal na pamahalaan ng San Jose katuwang ang PTF-MTF-ELCAC at Department of the Interior and Local Government (DILG). (Municipal Tourism Office San Jose)

Ayon sa lokal na pamahalaan ng bayang ito, malaking kapakinabangan sa mga residente ng Barangay Naibuan ang Naitan-Insulman Local Access Road, na kanilang proyekto sa, katuwang ang Provincial at Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-MTF-ELCAC).

Sinabi ni Engineer Edgar Masangkay, opisyal ng Municipal Engineering Office, bagama’t ang nasabing iko-kongkretong daan ay bahagi ng Brgy. Batasan, ito ang nag-iisang lansangan patungo sa pinakabagong barangay ng San Jose, ang Naibuan. Sa Naibuan matatagpuan ang pinakamalaking bilang ng indigenous peoples (IPs) sa San Jose at maituturing kabilang sa pinakamahihirap na barangay dito. Kaya aniya, kapag nasemento ito, mapapadali ang transportasyon ng mga kalakal at paghahatid ng tulong sa Naibuan, lalo na sa panahon ng pangangailangan. “Itong kalyeng ito ay nagkakahalaga ng higit P12 milyon at tatapusin natin ngayong taon,” paniniguro ni Masangkay.

Kinumpirma naman ni Roger Calaranan, opisyal ng San Jose Office of the Mangyan Affairs, na malaking kapakinabangan ang nasabing local access road sa higit 3,000 katutubo na naninirahan sa Naibuan lalo na sa mga mag-aaral. “Sakaling matapos na ang programa, hindi na maglalakad sa putikan ang mga katutubong estudyante ng Naibuan,” pahayag ni Calaranan. Sa kasalukuyan aniya ay pumapasok ang mga katutubong high school student sa mga kalapit na Brgy, ang Batasan at Murtha.

Samantala, binigyang-diin ni Masangkay na ang Naitan-Insulman Local Access Road ay kabilang sa mga tinukoy ng LGU na proyektong pangkaunlaran na direktang mapakikinabangan ng mga taga-Naibuan.

“Mula ito sa pondo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at isa lamang sa mga pinagsisikapang proyekto ng mga kasapi ng PTF-MTF-ELCAC, LGU at ng Philippine Army bilang aksyon sa problema sa insurhensiya ng barangay, “ dagdag ni Masangkay.

Paliwanag ni Captain Rex Michael Pedraza, CMO ng 4th Infantry Battalion, madalas binibisita ng mga Communist Terrorist Group (CTG) ang Naibuan upang maka-recruit ng mga miembro. “Sinasamantala ng mga ito (CTG) ang nararanasang kahirapan ng mga katutubo at usapin ng lupaing ninuno upang manghikayat ng kasapi,” saad ni Pedraza. Dagdag ng opisyal, malaking bagay ang mga proyektong pangkaunlaran ng PTF-MTF-ELCAC dahil nararamdaman ng mga katutubo ang presensya ng pamahalaan.

Ang PTF-MTF-ELCAC ay mga nagsama-samang ahensya ng pamahalaan katuwang ang LGU, na may layong tugunan ang problema sa insurhensiya ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbababa ng iba’t ibang programa ng pamahalaan nasyonal sa mga lugar na may presensya o target pasukin ng Communist Terrorist Group (CTG). (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Featured Image

https://pia.gov.ph/news/articles/1033723

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.