Friday, September 6, 2019

Misuari, suportado ng mga Moro!

Posted to the Mindanao Examiner (Sep 6, 2019): Misuari, suportado ng mga Moro!

MALAKI PA RIN ang suportang nakukuha ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari mula sa mga Muslim sa Mindanao, at lalo pa itong lumakas dahil na rin sa pagiging malapit ng dating rebelde kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kilalang kaibigan ni Misuari si Duterte kung kaya’t muling binubuhay ng Pangulo ang peace talks sa MNLF, at ilang beses na rin nag-usap ng masinsinan ang dalawa ukol sa muling pagbubukas ng peace talks upang matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao.




Nur Misuari (Mindanao Examiner Photo)

Nais ni Duterte na tumulong ang MNLF sa pagpapatupad ng kapayapaan sa rehiyon, partikular sa lalawigan ng Sulu na kung saan ay na-impluwensyahan ng ISIS ang teroristang grupo ng Abu Sayyaf.

Hindi pa malinaw mula sa Malakanyang kung ano ang magiging papel ni Misuari sa plano ni Duterte, subali’t ilang ulit na sinabi ng Pangulo na nais nitong bigyan ng malawak na responsibilidad ang MNLF.

Lumagda ng peace accord ang MNLF sa pamahalaan noong Setyembre 1996 at umupo si Misuari bilang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ngunit maiksing panahon lamang ang pagsisilbi nito.

Natalo si Misuari sa halalan sa ARMM at inakusahan nito ang pamahalaan ng paglabag sa peace agreement na suportado ng Organization of Islamic Countries na ngayon ay kilala bilang Organization of Islamic Cooperation.

Sa ilalim ng peace accord, dapat ay nakapaglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo para mabigyan ng hanap-buhay at pabahay ang mga dating rebelde sa kanilang panunumbalik sa lipunan, at maitatag ng gobyerno ang isang mini-Marshal Plan sa Mindanao upang maisulong ang ekonomiya sa magulong rehiyon.

Dahil sa kabiguan ng pamahalaan, umalma si Misuari at ang maraming miyembro ng MNLF at nag-resulta ito sa rebelyon at pag-atake ng grupo sa isang kampo ng militar sa bayan ng Jolo sa lalawigan ng Sulu; at maging sa Zamboanga City noong Nobyembre 2001 na ikinamatay ng marami. At naulit ang atake sa Zamboanga City noong Setyembre 2013 at mas madugo ito dahil inabot ng 3 linggo ang labanan at nag-iwan ng malaking pinsala.

Bagama’t nasampahan ng kaso si Misuari, nanatili itong malaya sa kautusan ni Duterte na huwag aarestuhin ang dating rebelde dahil sa napipintong pagbubukas ng peace talks.

Sa katunayan, sinabi ni Duterte na nais nitong bigyan ang MNLF ng kahintulad ng peace deal ng pamahalaan sa karibal nitong Moro Islamic Liberation Front sa ilalim ng pamumuno ni Murad Ebrahim na ngayon ay Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ipinag-utos rin ni Duterte kay Presidential peace adviser Carlito Galvez na agad bumuo ng coordinating committee sa pagitan ng pamahalaan at MNLF bilang panimula ng peace talks. Isinusulong rin ni Misuari ang pagtatatag ng federal form of government at tulad ni Duterte, matibay ang adbokasiya ng dalawa ukol dito.

“We will look into this because we see that the BARMM is subdivided. We have what we call a deputy for the mainland, and then a deputy for Lanao, and then deputy for the BASULTA (Basilan, Sulu and Tawi-Tawi) area. And I believe the MNLF-Misuari group is more predominant in the BASULTA area,” ani Galvez.

Malakas ang puwersa ni Misuari sa Sulu na kung saan ay matataas na kalibre ng armas ang bitbit ng libo-libong miyembro nito at daig pa ang mga sundalo ng militar sa kalidad ng kanilang mga baril.

Ngunit sa kabila nito ay disiplinado pa rin ang mga miyembro ng MNLF sa Sulu at ibang bahagi ng Mindanao at nasa kani-kanilang mga kampo pa rin at naghihintay sa pagbubukas ng peace talks sa pamahalaang Duterte. (Mindanao Examiner. May karagdagang ulat mula sa Zamboanga Post.)

https://mindanaoexaminer.com/misuari-suportado-ng-mga-moro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.