Friday, June 28, 2019

CPP/NPA-Sorsogon: Hinggil sa insidente sa Juban nitong Hunyo 24

NPA-Sorsogon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 27, 2019): Hinggil sa insidente sa Juban nitong Hunyo 24

NEW PEOPLE'S ARMY
SAMUEL GUERRERO
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND)
JUNE 27, 2019

NITONG Hunyo 24, isang team ng NPA ang inatasang arestuhin si Cpl. Ruel Alarma, intelligence operative ng 31st IBPA, upang maimbestigahan sa kaniyang pagkakasangkot sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa probinsya. Isang pormal na asunto ang nakasampa laban sa kanya sa Pamprobinsyang Hukumang Bayan kaugnay ng ilang pagpatay nitong mga nakaraang taon.

Papalapit ang arresting team sa kanyang tirahan sa Sityo Talinga, Barangay Cogon, Juban, Sorsogon nang mauna silang paputukan ni Alarma. Ilang sandaling barilan ang nangyari nang dumepensa ang mga Pulang mandirigma.

Pagkatapos nito ay naiparating sa amin ng ilang saksi na nasugatan ang ina ni Alarma sa naturang insidente. Ikinalulungkot namin ang pangyayaring ito. Ang plano sana ng arresting team ay madakip si Alarma gamit ang minimum na pwersa sa pag-asang hindi siya manlalaban dahil naroon ang kanyang pamilya. Hindi inasahan ng mga operatiba ng NPA na hindi isasaalang-alang ni Alarma ang kaligtasan ng sariling kaanak.

Saanuman, ipinasisiyasat namin ang mga sirkumstansya ng pangyayari at inaalam kung anong asistensya ang maaari at nararapat na ipaabot sa nadamay na ginang. Samantala, patuloy ding gagampanan ng NPA ang tungkulin nitong bigyan ng hustisya ang mga biktima ng mga ekstrahudisyal na pagpatay na ginagawa ng mga ahente ng estado katulad ni Corporal Alarma.

https://www.philippinerevolution.info/statement/hinggil-sa-insidente-sa-juban-nitong-hunyo-24/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.