Friday, March 29, 2019

Tagalog News: OccMin, nananatiling maayos, mapayapa ayon sa PNP at PA

From the Philippine Information Agency (Mar 29, 2019): Tagalog News: OccMin, nananatiling maayos, mapayapa ayon sa PNP at PA



Ipinapaliwanag ni Lt. Col. Mario Lito Retirva, Commanding Officer ng 76th IB na ang mga programang dinadala ng Phil Army (PA) sa mga kanayunan. Kasama ni Retirva sa larawan si LTC Alexander Arbolado (kanan), 4th IB Battalion Commander at PLTCOL Alexis M. Manzano, Deputy Provincial Director for Administration ng Police Provincial Office (PPO). (Voltaire N. Dequina)

MAMBURAO, Occidental Mindoro – Nananatiling maayos at mapayapa ang lalawigan ayon sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Army (PA) sa ginanap na Provincial Peace and Order Council (PPOC) Meeting sa bayang ito kamakailan.

Ayon kay LTC Alexander Arbolado, bagong talagang Commander ng 4th Infantry Battalion, bagamat patuloy ang paghahasik ng terorismo ng New People”s Army (NPA), lalo namang humihina ang simpatiya sa kanila ng mga komunidad. Bunsod na rin ito aniya ng mas pinalakas na pakikipag-ugnayan ng militar sa kanayunan.

“Dinadala natin ang ilang mga programa ng pamahalaan sa malalayong Barangay, nagpapatupad ng mga pagsasanay para sa kabataan, at iba pang mga proyekto,” ani Arbolado.

Sinabi naman ni LTC Mario Lito Retirva, Commanding Officer ng 76thIB, na malaking tulong ang (E-CLIP) sa pagbabalik-loob ng mga Former Rebels (FR) at Militia ng Bayan sa poder ng pamahalaan.

Ang Militia ng Bayan, ay itinuturing na taga suporta ng NPA subalit hindi gumagamit ng armas sa kanilang pakikibaka. Paliwanag pa ni Retirva, sa ilalim ng E-CLIP, ibinibigay ng pamahalaan ang kaukulang suporta sa mga rebel returnee upang makapagbagong buhay.

“Epektibo ang mga programang ito kaya napapanatili ng lalawigan na conflict manageable and ready for further development ang estado nito,” ayon pa sa dalawang opisyal.

Samantala, iniulat ni P/Lt. Col. Alexis M. Manzano, deputy provincial director for Administration ng Police Provincial Office (PPO), na bagamat tumaas ng 30 porsyento ang bilang ng krimen sa lalawigan nitong Enero hanggang Marso kumpara sa katulad na panahon noong 2018, nagtala naman ng siyam na porsyentong pagtaas sa mga nareresolbang kaso ang pulisya ng lalawigan.

Dagdag ni Manzano, pinakamalaki nilang accomplishment ang pagkadakip sa dalawang most wanted at 55 iba pang wanted persons, gayundin sa 25 personalidad na may kaugnayan sa droga.

https://pia.gov.ph/news/articles/1020285

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.