Communist Party of the Philippines
Komiteng Rehiyon
Cagayan Valley
March 29, 2019
Ang Komiteng Rehiyon Sa Cagayan Valley ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasama ang pinamumunuan nitong Pangrehiyong Kumand sa Operasyon ng New People’s Army at buong mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon, ay nakikiisa at bumabati sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA sa pagdiriwang sa ginintuang anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Lipos sa kagalakan nating ginugunita, na mula sa iilampung kumander at kawal na armado ng mahihinang-klaseng baril nang itatag ito sa Tarlac noong Marso 29, 1969, ang New People’s Army ay lumaki at lumakas nang may libu-libong mga opisyal at mandirigmang nasasandatahan ng matataas-na-kalibreng baril. Ang digmang bayang inilulunsad nito para sa pambansang pagsasarili at tunay na demokrasya ay sumasaklaw na sa ilan-libong mga munisipalidad at ilampung-libong mga baryo sa karamihang mga probinsya, na suportado ng ilang milyong baseng masang nakapaloob sa mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa sa malawak na kanayunan ng buong bansa.
Ang rebolusyonaryong hukbong ito ang tagapagpatuloy sa di-natapos na Rebolusyong 1896 na sinimulan ng rebolusyonaryong hukbong Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio upang ibagsak ang paghaharing kolonyal ng Espanya at kamtin ang pambansang kalayaan at demokrasya; sa Gyerang Pilipino-Amerikano ng 1899 laban sa pananakop ng imperyalismong United States na nagpatuloy sa kabila ng pakikipagsabwatan ng pangkating Emilio Aguinaldo sa US; sa digma ng pagtatanggol laban sa Hapones noong 1940s; at sa digmang bayan laban sa estadong neokolonyal noong 1950s.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, nahigitan na ng New People’s Army ang inabot na laki at lakas ng mga naunang rebolusyonaryong hukbo. Ito ay sa kabila ng kalahating siglo nang pagbubuhos ng lakas-pandigma at iba pang ayuda ng imperyalismong US sa mga papet nitong rehimen mula pa kay Marcos hanggang kay Duterte.
Sinasatsat ng rehimeng Duterte na ang digmang bayan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas ay isang “nabigong rebelyon.” Ito ay upang pilit pagtakpan na sa nakaraang 50 taon ay nabigong gapiin ng US, ang pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan sa daigdig, at pitong magkakasunod na mababangis na papet na rehimen ang New People’s Army at buong rebolusyonaryong kilusan.
Sinasatsat ng Armed Forces of the Philippines na ito ang tagapagpatuloy sa tradisyon ng anti-kolonyal at anti-imperyalistang rebolusyonaryong hukbong Katipunan. Ito ay upang pilit pagtakpan na ang AFP ay pagpapatuloy lamang ng imperyalismong US sa itinayo nitong papet na Philippine Constabulary noong pagpasok ng ika-20 siglo para supilin ang mga rebolusyonaryong nagpatuloy sa gyerang anti-imperyalista hanggang 1913.
Karangalan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon na ang Cagayan Valley ang isa sa mga unang pinagpunlaan at pinagpatatagan ng New People’s Army sa umpisa ng pagkakabuo nito noong Marso 1969. Mula Abril sa taon iyong, ang magubat na rehiyon ng Isabela, at kinalaunan ay ang mga probinsya rin ng Quirino at Nueva Vizcaya, ay naging paborableng panlipunan at pisikal na terrain upang mapalaki at mapalakas ang maliit at mahinang hukbong gerilya sa batayan ng lumalawak at lumalalim na suportang masa.
Mula 1971, nakaabot at nakapagpalakas na rin ang NPA sa Cagayan.
Sa mga unang taon ng batas militar na ipinataw ni Marcos noong Setyembre 21, 1972, ang mga taktikal na opensiba ng NPA sa Isabela ang naging tagapamandila ng armadong paglaban ng sambayanang Pilipino sa pasistang diktadura.
Sa daloy ng Rebolusyong Pilipino mula dekadang 1970 pataas, ang NPA at buong rebolusyonaryong pwersa sa Cagayan Valley, sa pamumuno ng Partido ay nagkamit ng marami at malalaking tagumpay sa larangang pulitikal, militar, ekonomya, kultura at organisasyon. Pangunahin sa lahat ang malawak at malalim na suporta ng mamamayan laluna ang masang magsasaka, na siyang solidong tuntungan kung bakit hindi nagapi sa nagdaang 50 taon at patuloy na di-magagapi ang Pulang hukbo.
Patuloy na nagtatamasa ang hukbong bayan ng masang suporta dahil nakatuntong ang paglaban nito sa mga pambansa at demokratikong adhikain ng sambayanan. Niyayakap ito ng masang magsasakang bumubuo sa 75 porsyento ng populasyon ng buong bayan dahil tapat at masigasig nitong hinaharap at hakbang-hakbang na nilulutas ang suliranin sa lupa at winawakasan ang mga pyudal at malapyudal na anyo ng pagsasamantala sa kanayunan.
Sa daloy ng lubhang malupit at masalimuot na pakikidigma, ang New People’s Army at mga rebolusyonaryong pwersa ay di-sinasadyang nakagawa ng mga pagkakamali at pagkukulang. Ngunit dahil taimtim sa hangaring palayain ang sambayanan mula sa dayuhang panghihimasok at kamtin ang demokrasya para sa nakararami, maagap itong nagsasagawa ng mga pagpuna-sa-sarili at pagwawasto sa gabay ng mga rebolusyonaryong prinsipyo.
Sa pagtatapos ng 2018, ang New People’s Army sa Cagayan Valley ay kumikilos sa halos 500 baryo sa 60 bayan sa anim na lalawigan. Sa nagdaang dalawang taon ay tuluy-tuloy na lumaki ang lakas-tauhan nito. Niloloko ng 5th IDPA ang sarili nito sa pagsasabing lumiit at humina na ang pwersa ng NPA sa harap ng “maramihang pagsurender.”
Sa nakalipas na mahigit dalawang taon, nailunsad ng New People’s Army sa rehiyon ang 52 na taktikal na opensiba, na ang mahigit sampu rito ay mga reyd at ambush, na kung saan nasamsam ng isang K3 machine-gun, 17 high-powered rifles at mas marami pang mga low-powered rifles at pistol; at nasawi ang kabuuang 168 kaaway. Marami pang nailunsad na mga aksyong pamamarusa sa mga ahente ng paniktik ng kaaway, masasamang elementong may utang-na-dugo sa mamamayan at mga lumalabag sa mga batas sa saklaw ng mga rebolusyonaryong teritoryo.
Umaabot ang baseng masa sa mga larangang gerilya ng mahigit 700,000; ang organisadong masa ng mahigit 36,000; at napaparami ang mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan. Ang mga nagbenepisyo sa mga kampanya sa rebolusyong agraryo sa nakalipas na 20 taon ay umaabot sa 600,000 magsasaka, na ang ilandaang pamilya sa mga ito ay libreng nabahaginan ng lupa.
Makaraan ang 50 taon, sa saligan ay walang nabago, bagus ay sumahol pa ang busabos na kalagayan ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal, na siyang pinagbatayan ng muling-pagsisimula at mabilis na paglaganap ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka.
Mataas ang determinasyon ng mga Pulang opisyal at mandirigma ng New People’s Army at buong mga rebolusyonaryong pwersa sa Cagayan Valley na lumaban sa ilalim ng panawagan ng Komite Sentral ng Partido na kamtin ang abanteng antas ng pakikidigmang gerilya sa mga susunod na taon.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.