Thursday, March 28, 2019

Tagalog News: Mahigit 60 miyembro ng CPP-NPA boluntaryong sumuko sa Surigao del Sur

From the Philippine Information Agency (Mar 28, 2019): Tagalog News: Mahigit 60 miyembro ng CPP-NPA boluntaryong sumuko sa Surigao del Sur

Featured Image

LUNGSOD NG BUTUAN - Sumuko ang 64 na mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at mga tagasuporta nito mula sa Sitio Ibuan, Barangay Mampi, Lanuza, Surigao del Sur sa 36th Infantry Battalion, Philippine Army.

Ito ay sa harap ng puspusang kampanya ng pamahalaan kontra terorismo at pagtulong sa surrenderers.

Ayon kay Thelma Salazar, kagawad ng Barangay Mampi at isa sa mga surenderees, dati na siyang tagasuporta ng teroristang NPA sa kanilang lugar at nagsilbing kalihim ng makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Salazar na wala siyang intensyon na lumaban sa gobyerno at pumatay ng mga inosenteng tao. Dahil sa kalayuan ng kanilang barangay at kakulangan ng sapat at tamang impormasyon ay madali silang nakumbinse ng NPA na sumanib sa kanilang grupo.

Laking pasasalamat din niya sa inisyatibo ng pamahalaan na silay masagip mula sa masasamang gawain ng NPA at mabigyan sila ng panibagong buhay.

May panawagan din sya sa iba pa nilang kasamahan na nasa bundok kasama ang NPA kabilang na ang kanyang anak na si Ivy at asawa nitong si Paquito Delicona. “Nananawagan ako na sana magkasama na tayong pamilya. Sana umuwi na kayo at magbalik loob sa gobyerno. Sana makonsensya kayo dahil kung nag-seserbisyo kayo sa taong bayan, mas lalong kailangan kayo ng inyong mga anak,” sabi niya.

Kasabay ng kanilang pagsuko ay nagkaisa rin sila kasama ng mga residente sa pagdeklara ng persona non-grata sa CPP-NPA-NDF sa kanilang lugar, sa tulong na rin ng barangay officials at tribal leaders sa pagbuo ng resolusyon ukol dito.

Napag-alaman na sa nakalipas na taon, may mga engkwentro na rin ang naitala sa pagitan ng militar at teroristang grupong NPA sa lugar.

Ang Barangay Mampi ay kauna-unahan din sa bayan ng Lanuza, Surigao del Sur na buo ang loob sa pagdeklara ng persona non-grata sa CPP-NPA-NDF.

Ipinahayag naman ni Lieutenant Colonel Xerxes Trinidad, commanding officer ng 36IB, Philippine Army na suportado nila ang inisyatibong ito ng Barangay Mampi.

Ito daw ay isang indikasyon na humihina na ang pwersa ng NPA at wala na silang kontrol sa mga residente na namulat na sa katotohanang walang maidudulot na maganda sa kanilang buhay ang pagsanib sa NPA.

https://pia.gov.ph/news/articles/1020253

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.