Monday, January 7, 2019

Tagalog News: Dating rebeldeng NPA at anak nito nagtagpo

From the Philippine Information Agency (Jan 7, 2019): Tagalog News: Dating rebeldeng NPA at anak nito nagtagpo

PROSPERIDAD, Agusan del Sur - Isang magandang regalo para sa isang ina na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ang makasamang muli ang dalawang taong gulang niyang anak sa pagsalubong sa bagong taon.

Ito ay matapos ang pagsuko kamakailan ng isang buong yunit ng NPA sa Loreto, Agusan del Sur sa 26th Infantry Battalion at 75th Infantry Battalion, Philippine Army.

Napaiyak sa tuwa si alias ‘Joan’, 19 na taong gulang, dating medic ng NPA, nang muli niyang makita at mayakap ang dalawang taong gulang na anak na si Ryan, matapos ang kanilang pagkikita sa Prosperidad, Agusan del Sur sa tulong ng militar.


Paliwanag ni Lieutenant Colonel Romeo Jimenea, commander ng 26th Infantry Battalion, si alias ‘Joan’ ay nahuli noong Pebrero ng nakaraang taon matapos ang sunod-sunod na operasyon ng tropa sa Sta. Emilia, Veruela, Agusan del Sur laban sa naturang yunit ng NPA.

Tatlo silang menor de edad na basta na lamang iniwan ng kanilang mga kasamahan sa gitna ng putukan para iligtas ang kani-kanilang sarili.

Napag-alaman na ipinagkatiwala ni alias ‘Joan’ sa kanyang dating kumander na si alias ‘Sniper’ ang kanyang anak bago siya nahuli noong Pebrero, ngunit hindi na natukoy kung saan at sino na ang nag-alaga sa nasabing bata.

Sa inisyal na debriefing sa 19 na sumukong NPA, doon napag-alaman na nasa pangangalaga ng asawa ni alias ‘Sniper’ ang anak ni alias ‘Joan’.

Sa panayam kay alias ‘Joan’, pinagsisisihan niya umano ang pag-iwan niya sa kanyang anak.

Wala daw sapat na tulong na naibigay sa kanya ng grupo salungat sa ipinangako nitong tulong pinansyal bilang suporta mula pa noong manganak siya.

Dagdag pa ni alias ‘Joan’, sapat na itong dahilan na makombinse siyang tuluyan nang iwan ang terroristang grupo at mag-bagong buhay.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ni alias ‘Joan’ ang kanyang anak. isa na ring enrollee si alias ‘Joan’ sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

https://pia.gov.ph/news/articles/1016750

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.