DALAWAMPU’T WALONG sundalo ng Marine Battalion Landing Team 2 (MBLT 2) ang naitalang patay sa mga atake ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sultan Kudarat mula Setyembre-Oktubre.
Noong Oktubre 14, alas-9 ng umaga sa Barangay Batangbagras, Palimbang, Sultan Kudarat, tinambangan ng mga Pulang mandirigma ang 3rd Marine Company Reconnaissance Group-Marine Brigade Special Unit. Umabot ng 15 minuto ang labanan na ikinasawi ng pitong sundalo. Ligtas na nakaatras ang BHB.
Makalipas ang 30 minuto, kinanyon ng militar ang pinangyarihan ng ambus na puminsala sa sariling tropa na hindi lumisan sa lugar. Matapos ang dalawang linggong rescue and retrieval, umabot sa 35 bangkay ng mga sundalo ang narekober.
Maliban dito, kinumpirma ng BHB-Far South Mindanao Region (FSMR) na 21 sundalo ng MBLT-2 ang napatay sa Barangay Sangay, Kalamansig sa magkasunod na atakeng inilunsad ng BHB laban sa mga sundalo noong Setyembre 16-17 (Basahin sa Ang Bayan Oktubre 7, 2018.).
Ang pinaigting na kampanyang militar ng MBLT 2 ay naglalayong hawanin ang lugar para sa muling pagpasok ng malawakang operasyong pagtotroso ng DM Consunji Incorporated. Mahigit dalawang taon nang natigil ang operasyon ng kumpanya dahil sa matatag na paglaban ng mamamayang Lumad at sa armadong kampanya ng BHB laban dito.
Ayon pa sa BHB-FSMR, maaaring mas malaki pa ang bilang ng kaswalti sa hanay ng militar dahil sa ispontanyong mga armadong paglaban ng mga Lumad na Dulangan-Manobo laban sa DMCI at MBLT 2.
Ipinagbunyi ng mga Lumad na Dulangan-Manobo ang kabiguan ng kampanyang militar na naglalayong bigyang-proteksyon ang mapaminsalang negosyo ng mga Consunji. Patuloy ang kanilang pagsuporta at paglahok sa mga punitibong aksyon laban sa DMCI at mga pasistang protektor ng kumpanya.
Quezon. Matagumpay ang inilunsad na kontra-atake ng BHB-Quezon laban sa tropa ng 92nd IB sa Sityo Tiklupan, Umiray, Gen. Nakar noong Oktubre 27, alas-9:49 ng umaga. Dalawa ang patay at tatlo ang malubhang nasugatan sa mga sundalo habang walang napinsala sa hanay ng BHB. Tumagal ng 20 minuto ang putukan.
Mula pa noong Mayo ay tuluy-tuloy nang inaatake ng laking-batalyong pwersa ng 2nd ID ang Gen. Nakar, na pumipinsala sa mga magsasaka at katutubong Dumagat at Remontado sa lugar.
Camarines Sur. Inisnayp ng BHB ang nag-ooperasyong pwersa ng Bravo Coy 83rd IB sa hangganan ng mga barangay ng Mainit at Sooc, Bato, Camarines Sur noong Oktubre 22, alas-4:40 ng hapon. Nasawi rito ang kumander ng yunit na si 2Lt. Jayson Frederick Pasco. Isa pang sundalo ang nasugatan.
Matapos ang pangyayari, dumagsa ang dagdag na pwersa ng 83rd IB na umaabot sa mahigit isang kumpanya upang tugisin ang BHB sa lugar. Mahigit isang linggo ang inabot ng todong operasyong militar sa ilang barangay ng Bato. Ayon sa Edmundo Jacob Command, “…dahil alam ng masa na makatarungan at para sa kanila ang ipinaglalaban ng mga kasama, ligtas at nakamantine ang mga kasama sa lugar sa kabila ng ginawang operasyong dumog ng mersenaryong sundalo.”
Negros Oriental. Halos magkasabay na inatake ng BHB-Negros Oriental ang dalawang kampo ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 7 ng Philippine National Police sa Guihulngan City noong Oktubre 30.
Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng mga pulis sa hangganan ng mga barangay ng Balugo at Hinakpan, alas-11 ng umaga. Kasabay nito, inatake rin ang punong himpilan ng RMFB 7 sa Sityo Liko, Barangay Bulado. Isang pulis ang malubhang nasugatan sa operasyong haras.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
https://www.philippinerevolution.info/2018/11/07/phil-marines-pininsalaan-ng-bhb-sultan-kudarat/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.